Inihayag ng TV host-comedian na si Vice Ganda ang kanyang pakadismaya sa nagte-trending ngayon sa TikTok na lip reading.
May ilang TikToker na nag-post ng pagli-lip read nila ng usapan ng mga host sa It's Showtime kapag hindi rolling at hindi nakatutok sa kanila ang camera at wala silang hawak na mikropono.
Posibleng studio audience ang may kuha ng video.
Hinaing ni Vice sa episode ng It's Showtime noong Lunes, January 15, 2024, nakapanood siya ng video sa TikTok kung saan nili-lip read o ginagawan ng sariling linya ang pagbuka ng kanyang bibig habang kausap ang mga co-host sa Kapamilya noontime show.
Hindi niya ito nagustuhan dahil tila tinatanggalan daw sila ng privacy sa mga bagay o kuwentuhang hindi na dapat naisasapubliko pa.
Saad ng It's Showtime host, “May mga madlang people na nagbi-video tapos nili-lip read tayo sa TikTok, that’s so bad.
"Siyempre nakaka-offend sa part namin kasi deserve din naman namin ng privacy at mag-usap-usap bilang magkakaibigan."
Read: Vice Ganda in tears talking about constant bullying of his partner Ion Perez online
Ang ikinatatakot pa raw ni Vice ay baka ma-misinterpret ng ibang makakapanood ang sinasabi sa lip reading at mabigyan ito ng ibang kahulugan at malisya.
Aniya, "Nili-lip read nila at ang nakakatakot kapag mali yung sinasabi.
"Tapos minsan sasadyain. Bibigyan talaga nila ng anggulong controversial yung mga bagay.
"That's so bad. Hindi maganda yon. Sobrang ka-maritesan na yon."
Dagdag pa ni Vice, “Masarap na nare-recognize tayo, pero minsan talagang nilalampasan nila, parang para sa kanila, 'Wala, walang privacy rito, kailangan lahat alam namin. Kailangan lahat pakikialaman namin.’
"That’s nakaka-sad sometimes."
Read: Cristy Fermin addresses shade allegedly thrown at her by Vice Ganda during It's Showtime
Mabilis naman itong sinang-ayunan ng co-hosts niyang sina Jhong Hilario at Anne Curtis.
Paalala ng dalawa, maging maingat sa paggamit ng social media at nawa'y gamitin ng content creators sa makabuluhan ang kanilang social media platform.
