Isang kakaibang teen romance series ang ilulunsad ng Sparkle GMA Artist Center ngayong Buwan ng Pag-ibig, Pebrero.
Kaakibat nito ang pagpapakilala ng bagong Kapuso love teams sa publiko.
Ito ay ang tambalan nina Ashley Sarmiento, 16, at Marco Masa, 16, na tatawaging AshCo; at ang tambalan nina Princess Aliyah, 15, at Bryce Eusebio, 17, na tatawagin namang PrYce.

Ang mga nakakakilig na istorya ng young love teams na ito ay mapapanood sa pamamagitan ng TikTok, kaya tinatawag itong "TikTok Kilig Series."
Tatakbo ito mula February 8 to 29, 2024.
ASHLEY SARMIENTO AT MARCO MASA (ASHCO)
Nagsimula nang mapanood noong February 8, 2024 at magtatapos naman sa February 14, mismong Araw ng mg Puso, ang Secret Notes nina Ashley at Marco.

Sabi ni Ashley, “Secret Notes po, so bale transfer student po siya [Marco] dun and magpapadala po siya ng mga secret notes.”
Tapos na raw ang kanilang taping at digital ang istilo nito.
Dagdag ni Ashley, “Green screen po yung background namin so parang TikTok series talaga, yung mga napanood niyo sa TikTok, yung mga P.O.V. [point of view].”
Idolo nina Ashley at Marco sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, na nagkatuluyan sa totoong buhay. Sila ba ay may pag-asang magkainlaban din?
Sagot ni Marco, “Yes po, why not? Hindi naman po namin masasabi yung future.
"Pero as of now, meron pa kaming mga priorities, which is ito, and masaya naman po kami sa mga ginagawa namin.
"Actually, meron pa pong school."
Mahaba na ang samahan nina Ashley at Marco dahil magkasama rin sila noon sa defunct ABS-CBN Sunday gag show na Goin’ Bulilit.
Read: Marco Masa at Ashley Sarmiento, magkainlaban kaya sa tunay na buhay?
PRINCESS ALIYAH AT BRYCE EUSEBIO (PRYCE)
Beyond the Game naman ang pagbibidahang serye nina Princess at Bryce.
Sa pakikipagkuwentuhan ng dalawa sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa mediacon noong February 6, 2024, sa Citadines Hotel, Quezon City, naibahagi nila ang pagkakakilala nila sa isa’t isa.

Sabi ni Bryce, “Yun nga, approachable and palabiro din si Princess.
“Nakakatawa din siya lalo na kapag off-cam. May mga banat siya na natatawa talaga ako.”
Sabi naman ni Princess, “Ako naman, ang gusto ko sa kanya, I don't know if it's ano ha, pero sobrang linis niyang tao.
“Yun na nga, ang bango kasi talaga, guys. Mahilig siya sa pabango.
“And sobra, sobrang sipag niya talaga. As in, sa lahat, napagsasabay niya.”
Kuwento naman ni Princess sa episode nila, “Yeah, about sa best friends.
“And, since sikat yung gaming ngayon…”
Sabat naman ni Bryce, “Paano ba huwag mag-spoil, wait lang.
“Bale ba sa best friends po kami, and like, gusto pa niyang ako maka-bond.
“And like, she'll do, she'll do a lot of things para lang maging close pa siya, maging close pa siya.”
Mapapanood sa TikTok ang kanilang episode from February 16 to 22, 2024.
