Katakut-takot na batikos sa social media ang ibinabato ngayon sa veteran broadcaster na si Ted Failon.
Hindi nagustuhan ng maraming SB19 fans ang binitawan nitong komento tungkol sa isa sa miyembro ng P-pop group na si Justin de Dios.
Sa episode ng radio program na Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo 5 nitong Lunes, March 4, 2024, iniulat ni DJ Chacha ang trending live performance ni Justin ng bago niyang solo single na "Surreal" sa ASAP Natin ‘To noong Linggo, March 3.
Read: SB19 Justin de Dios wants to pursue acting career after cameo role in Senior High
Sa kalagitnaan ng pag-uulat ni DJ Chacha ay nagbigay ng komento si Ted tungkol sa physical appearance ni Justin.
Mahihinuha kay Ted na hindi siya pamilyar kay Justin kaya tinanong niya si DJ Chacha, "Pilipino ba yan... All original yan, 'no?"
Natatawang sagot ni DJ Chacha, "Oo, Pinoy yan."
Sundot na tanong ni Ted, "All original yan?"
Pagtatanggol ni DJ Chacha, "Oo, all original yan, even si Justin, in fairness."
Hirit ni Ted, "Yung kanta 'kako."
Nang magpatuloy sa pagbabalita si DJ Chacha ay muling sumingit si Ted para magbigay ng komento sa tangos ng ilong ni Justin.
Ani Ted, "Sana magkaroon tayo ng grupo na hindi naman mga kataasan ang tangos ng ilong para talagang original."
Read: SB19 recalls being bashed for their looks: "Sobrang daming pangungutya..."
NETIZENS REACT
Sa X (dating Twitter) ay mabilis na nag-trending ang pangalan ni Ted Failon.

Marami sa fans ni Justin at ng grupo niyang SB19 ang umalma sa anila'y pagbibiro na wala sa hulog ng batikang broadcaster.
Tweet ng isang netizen (published as is), "Di ko to pinansin kanina kasi ambusy ng lola mo at ayoko ma stress Pero jusmiyo marimar sir Ted Failon ilugar natin sa tama ang mga 'jokes' natin anoh? Joke ba talaga yan? Ano ba problema mo sa pinoy na matangos ang ilong?"
Sabi pa ng isa, "WITH ALL DUE RESPECT SIR TED FAILON.. Hindi po kasalanan ni Justin na matangos ilong nya, at hindi porket matangos ilong ay hindi na "original". Wag po tayong backwards mag-isip. Nag-eevolve na po ang OPM. Marami na rin pong napatunayan ang batang yan kasama ang kagrupo nya."
May isa pang fan ang nag-request sa TV5 na humingi ng sorry si Ted sa nasabi nito kay Justin.
Mensahe ng fan, "Hi @News5PH kindly remind Ted Failon that:not every Filipino is pango. there's nothing wrong with being a mixed filipino. nagpa enhance man or not walang mali dun. SB19 is our Country's Pride. when you made a mistake, acknowledge it & apologize. Thank you."
Dagdag pa ng isa, "Ano po ang problema nyo kay justin Sir Ted Failon? For these comments, effects, ano po ang gusto nyo ipahiwatig? Sounds like mockery to me, so uncalled for. Di po bat respetado kayong journalist? Nasan po ang professionalism nyo? Nawala po ata sa lagpas isang minuto na videong to."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na reaksiyon ang TV5 at si Ted tungkol sa nasabing isyu.
