Nanlumo at nalungkot ang aktres na si Liz Alindogan nang makita nito ang litrato ng kakontemporaryo niyang sexy actress na si Josephine Manuel na naninirahan sa kalye.
Read: Where is former actress Josephine Manuel?
“Oh my God!” reaksiyon ni Liz sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
Hindi makapaniwala si Liz na isa nang homeless person ang aktres na kasabayan niya sa pag-aartista noong dekada '80.

Last photo of former actress Josephine Manuel
Hindi man sila nagkasama sa pelikula, may pinagsamahan ang dalawa dahil nagsilbi noon si Josephine bilang kasambahay ni Liz.
Ikinuwento ni Liz sa PEP.ph na hindi niya agad nakilala si Josephine nang dalhin ito ng tauhan ng isang maid-provider agency sa kanyang tahanan, halos isang dekada na ang nakararaan.
Read: Nawawalang dating sexy star na si Brandy Ayala, namataan sa Mandaluyong
“Sinabi ni Josephine sa agency nila na ‘Ito ang bahay ni Liz Alindogan. Gusto ko diyan,'” umpisang salaysay ni Liz tungkol sa pagtatagpo nila noon ni Josephine.
“Hindi ko naman alam na siya si Josephine Manuel. Nagulat na lang ako dahil sa bio-data niya, nakalagay ang pangalan na 'Josephine Manuel.'
“Sabi ko, ‘Ah, si Josephine Manuel, sa Tahanan Village siya nakatira. Dun ka pala galing.’
“Nakatingin siya sa akin. Sabi niya, ‘Hindi na po ako nakatira doon. Ako po si Josephine Manuel.’
“Haaa? Ikaw? Okay lang na mamasukan ka?’
"Maganda pa siya noon, mga eight or ten years ago. Sabi niya okay raw.”
Tumutugma ang kuwento ni Liz sa pahayag ni Vilma Catama, ang nakababatang kapatid ni Josephine.
Sinabi ni Vilma sa PEP.ph na nanirahan si Josephine sa Tahanan Village sa Parañaque City, kasama ang karelasyon nito noong basketball player na si Arnie Tuadles.
WHAT LIZ ALINDOGAN OBSERVED ABOUT JOSEPHINE MANUEL
"Pinsan" umano ang pakilala ni Liz kay Josephine dahil sa awang nararamdaman niya para sa aktres na naghirap at nawalan ng direksiyon ang buhay.

Josephine Manuel in the '80s
Pagpapatuloy ni Liz, “Tinanggap ko na siya.
"Nang tanggapin ko si Josephine, hindi ko siya masyadong pinagtatrabaho. Binigyan ko ng instruction ang mga kasambahay namin.
“Sinabi ko sa kanila na pinsan ko si Josephine kaya hindi siya puwedeng pagawain ng kung ano ang ginagawa nila. Gusto lang niyang dito tumira.
“Tinitingnan pati kasi siya ng mga driver at houseboy namin. Ang kinis kasi ng legs niya.”
Read: '80s sexy actresses pay tribute to the late Angela Perez
Pero kaagad daw napansin ni Liz na may kakaiba sa ugali ni Josephine.
“Inoobserbahan ko siya. Naglalaba siya tuwing madaling-araw, may kinakausap siyang mag-isa. Nag-iiba siya.
“Minsan matino siya. Tahimik, nakangiti, parang bata. Kilos-bata.
“Saka parang aloof siya, takot.
“Tinanong ko siya, ‘Kaya mo bang bumalik sa pag-aartista?’ Hindi raw niya kaya kasi wala raw siyang mga gamit.
“Sabi ko, 'Ako ang magpo-provide sa yo. Tatawagan ko si Lhar Santiago [GMA-7 entertainment news reporter]. Baka puwede kang tulungan ni Lhar kahit isang role.'
“Nagtanong siya, ‘Saan ako sasakay [kapag may taping]?’
“Sabi ko, 'Ako muna ang mag-uumpisa sa yo. Ipapahatid kita sa sasakyan. Ako ang bibili ng mga damit at gamit mo.'
“Kinausap namin siya ni Lhar. Kinumbinsi namin siyang bumalik sa pag-aartista. Ayaw niya.
“Sinabi ko sa kanya, ‘Subukan mo lang tapos kapag hindi mo talaga makakaya, balik ka ulit dito sa akin.’ Ayaw niya talaga.
“Sabi niya, ‘Dito na lang ako sa bahay mo.’
“So, tinaasan ko na lang ang suweldo niya."
JOSEPHINE LEAVES LIZ'S HOUSE
Inamin ni Liz na natakot siya nang mapansin niya ang mga kakaibang ikinikilos ni Josephine.
“Pero nag-iiba talaga siya. Naglalaba siya tuwing madaling-araw. Paggising ko ng 5 a.m., naglalaba na siya.
"Sabi ko, ‘Bakit laba ka nang laba? Hilig daw niya, e, yung kamay niya, nangungulubot na. Ang dami niyang nilalabhan.
“Matagal-tagal siya sa akin hanggang sa makita ko na may kinakausap siya sa grotto. Natatakot ako dahil baka mamaya, baka magwala siya.
“Tinanong ko siya kung gusto niyang iupa ko siya ng maliit na room, kasama niya yung isang taga-agency. Ako na ang magbabayad. Ayaw niya.
“Lahat ng mga offer ko sa kanya, tinanggihan niya.”
May isang anekdota rin si Liz tungkol kay Josephine na natatawa siya sa tuwing binabalikan niya.
“Binigyan ko siya ng mga damit ko. Heto ang nakakatuwa kasi mataba rin ako noong time na yon.
"Nakatalikod siya, akala ng husband ko, siya ako. Yayakapin sana siya, e, ang kinis kasi.
"Sabi ko, ‘Dad, hindi ako yan. Si Josephine yan!’
“Ay, akala ko ikaw!” tawang-tawang kuwento ni Liz tungkol sa wow-mali moment ng kanyang asawang si Benny Kho.

Liz Alindogan and husband Benny Kho
Tumagal ng maraming buwan ang pamamasukan ni Josephine sa tahanan ni Liz. Pero isang araw, nagpaalam daw si Josephine na uuwi na at magtitinda na lamang.
Lahad ni Liz, “One day, nag-aalmusal kami, nagsabi sa akin si Josephine na aalis na siya, uuwi na siya sa bahay nila.
“E, kapag sinabi niya, hindi siya napipigilan.
“Sabi ko sa kanya, huwag nang umalis dahil mas ligtas siya sa bahay dahil naikuwento niya sa akin na dati siyang nakatira sa kariton.
“May isa pa siyang ikinukuwento na namatayan siya ng anak," na tumugma rin sa kuwento ni Vilma na namatay noon ang bagong silang na anak ni Josephine at pinsan umano ni Gabby Concepcion ang ama ng sanggol."
Read: Former sexy actress Josephine Manuel, patuloy pa ring pinaghahanap
Ayon pa kay Liz, “Nung umalis siya [Josephine], binigyan ko siya ng alahas. Hindi naman kamahalan.
"Sabi ko sa kanya, 'Isangla mo ito. Ibenta mo kapag kailangan mo ng pera.'
“Binigyan ko rin siya ng pera na pangpuhunan dahil sabi niya, magtitinda raw siya.”
Mula nang umalis si Josephine sa tahanan ni Liz, wala na itong nabalitaan tungkol sa dating kasambahay niya hanggang makipag-ugnayan sa kanya ang PEP.ph noong Linggo, Marso 17, 2024.
Nalungkot si Liz sa kinahinatnan ng buhay ni Josephine at umaasa siyang matatagpuan ang dating aktres na matagal nang hinahanap ng kapatid nitong si Vilma.
FAVORITE LEADING LEADIES OF ACTION STARS
Nagsimula ang showbiz career ni Liz noong 1980 dahil isa siya sa mga natuklasan ng Comedy King na si Dolphy para isama sa pelikula nitong Dolphy’s Angels.

Nag-umpisa naman ang showbiz career ni Josephine noong 1979.
Parehong naging paboritong leading lady ng mga action star sina Liz at Josephine.
Ang pelikulang Ang Panday (1980) ang isa sa mga malalaking proyekto ni Liz bilang baguhang aktres dahil siya ang leading lady ni Fernando Poe Jr.

Pero higit na pinalad si Liz, na isa sa mga nagtataglay noon ng maamong mukha sa showbiz, dahil umasenso ang buhay nito at nasubukan din niyang mag-produce ng mga concert at pelikula.
Maayos na maayos ngayon ang pamumuhay ni Liz na contract star ng Viva Artists Agency at aktibo pa rin sa pelikula at telebisyon.