On cloud nine pa rin ang pakiramdam ni Kiray Celis dahil napasama siya sa cast ng upcoming GMA-7 prime time series na My Guardian Alien.
Bukod sa matagal na raw niyang ipinagdasal na magkaroon muli ng proyekto, ito rin ang unang pagkakataong nakasama niya ang iniidolong si Marian Rivera.
Kuwento ni Kiray sa media conference ng My Guardian Alien noong March 21, 2024, marami siya naririnig noon tungkol kay Marian.
Sabi niya, "First ko pong maka-work si Ms. Marian Rivera.
"Pero siyempre kapag sinabi mong Marian Rivera, ang daming magsasabi sa yo na, 'Naku, makakatrabaho mo si Marian, good luck sa iyo!'
"May mga ganun, di ba? Tatakutin ka, aanuhin ka, sasabihin sa yo lahat ng hindi magaganda."
Read: Why Marian Rivera agreed to play alien in comeback TV series
Kabaliktaran daw ang mga ito sa naramdaman ni Kiray nang makatrabaho at makasama na niya si Marian.
Kung tutuusin, hindi raw niya maintindihan kung bakit marami pa ring bashers si Marian hanggang ngayon, gayong mabait at mabuti naman daw itong tao.
Aniya, "Sa totoong buhay po, lahat ng nagsabi sa akin nun, gusto kong balikan isa-isa, kasi lahat po yun mali.
“Lahat po yun, kabaligtaran sa lahat ng sinasabi nila."
Read: Kiray Celis at Kirst Viray, dating na-link at magkasama ngayon sa My Guardian Alien
Hindi naman daw masisisi ni Kiray ang iba kung unang tingin nila kay Marian ay nakaka-intimidate ito.
Saad ni Kiray, "Kung gano nila sinasabing nakakatakot, sobrang nakakatawa.
"Kung gaano sinasabi nila maldita, sobrang kulit.
"Ayain mo doon sa gilid, hindi maarte. Sasabihin lang maarte, kabaligtaran po yun sa lahat ng nakikita niyo."
Dagdag pa niya, "Siguro yung tingin lang ng iba sa kanya, dahil siguro sa hitsura, sa pananamit niya, nakaka-intimidate.
"Pero sinisiguro ko po sa inyo na kapag nakasama at katrabaho niyo siya, kabaliktaran po yung [negatibong comment] sa kanya."
Read: Kiray Celis rewards herself with a new car after 26 years in showbiz
MARIAN RIVERA REACTS
Hindi naman na ito bago pa kay Marian Rivera.
Aniya, sanay na siya na sa una ay napag-iisipan siyang nakaka-intimidate ng mga first time niyang nakakasama sa trabaho.
Hindi rin naman daw ito kailanman naging isyu sa kanya.
Saad ni Marian nang hingan ng reaksiyon tungkol sa mga nai-intimidate sa kanyang co-stars, "Okay lang iyon, ganoon talaga, normal lang iyon.
"Parang lahat naman ng tao, kapag bago [na makakasama], ganon ang mararamdaman.
"Kaya okay lang sa akin, walang problema yung mga ganon."
Read: Marian Rivera, intimidating? Here is her response to the initial impressions of fellow stars
Samantala, bukod kay Kiray, first time ring makatrabaho ng beteranang aktres na si Marissa Delgado si Marian.
Si Marissa ang gumaganap na masungit na biyenan ni Marian sa My Guardian Alien.
Nang kumustahin ang karanasan niya sa pakikipagtrabaho kay Marian, ang sagot ni Marissa, "Okay naman. Okay naman, di ba?"
Saka niya inamin na nakaramdam siya ng takot sa unang pagsasama nila dahil isa raw siyang fan ni Marian, at ang bilis din niyang nakapalagayang-loob ito.
Saad ni Marissa, “Minsan lang kami nagkakaeksena, but lately, this is what I felt, parang close na. It’s more than just hi, hello.
“At saka nung [una] natatakot ako, hindi na ngayon. Medyo ilag ako, siguro dahil tagahanga niya ako.
"Gandang-ganda ako sa batang ito."
Read: Marissa Delgado, nakaramdam ng takot sa unang pagsasama nila ni Marian Rivera sa teleserye
