Sa tuwing napag-uusapan si Niña Ruiz Abad (Oktubre 31, 1979 - Agosto 16, 1993), hindi maiwasang malungkot at mapaluha ang broadcast journalist at former ABS-CBN News correspondent na si Jay Ruiz.
Bumabalik sa alaala ni Jay ang pagkamatay ni Niña, ang batang babae na pumanaw sa edad na 13 at kinikilala ngayon bilang "Servant of God" ng Roman Catholic Church.
Read: Batang Pilipina, isinusulong ng Diocese of Laoag na maging santa
Magpinsang-buo sina Jay at Niña.
Magkapatid ang kanilang mga magulang na kapwa abogado — sina Atty. Alfonso Chito Ruiz, ang ama ni Jay na dating mayor ng Sarrat, Ilocos Norte, at si Atty. Corazon Ruiz Abad, ang ina ni Niña.
May dahilan para malumbay si Jay kapag napag-uusapan ang kanyang pinsan — na malaki ang posibilidad na maging santa.
Bukod sa pagiging malapit na magkamag-anak, nanirahan sila sa iisang tahanan sa loob ng dalawang taon bago binawian ng buhay si Niña.
Hypertrophic cardiomyopathy o karamdaman sa puso ang sanhi ng kamatayan ni Niña noong Agosto 16, 1993.
Makalipas ang tatlumpong taon, isinusulong ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang beatification at canonization ni Niña para maging ganap na santa.
Si Bishop Renato Mayugba ng Laoag, Ilocos Norte ang nanguna sa pagbubukas ng proseso ng beatification dahil naniniwala siyang magandang halimbawa si Niña ng "kabanalan at katatagan" para sa mga Kabataang Pilipino.
Read: Proseso para maging santa si Niña Ruiz Abad, opisyal nang sinimulan

THE DAY NIÑA RUIZ ABAD DIED
Noong Abril 7, 2024, pormal na inumpisahan ng CBCP ang opisyal at public inquiry ng Diocesan Tribunal na isa sa mga hakbang ng beatification process.
Isa itong malaking sorpresa kay Jay dahil ni minsan, hindi pumasok sa kanyang isip ang posibilidad na magkakaroon siya ng kamag-anak na santa.
“I was really surprised. Like everyone else, nagulat ako nang malaman ko last year ang balita,” sabi ni Jay nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Biyernes, Abril 12.
“Siyempre proud din. Of course, very happy. At the same time, it brought a lot of memories.”
Hindi nalilimutan ni Jay na nasa bahay siya noong Agosto 16, 1993 nang makarating sa kanya ang malungkot na balitang inatake sa puso si Niña habang nasa paaralan na pinapasukan nito, ang School of the Holy Spirit sa Quezon City.

Pagbabalik-tanaw ng broadcaster, “Magkasama kami sa bahay. Inatake siya sa puso sa school. I was seventeen years old. Nasa bahay ako noon, umaga yon.
“Ibinurol siya sa isang funeral chapel sa Quezon City at inilibing siya sa Sarrat, Ilocos Norte.”
Read: Dominic Roque at Bea Alonzo, hinihimok nang magsalita nina Bullet Jalosjos at Bong Suntay
CHILDHOOD MEMORIES
Maagang naulila sa ama si Niña at ang kapatid nitong si Mary Anne, pero hindi na muling nag-asawa ang kanilang ina na si Bella.
Dalawang taong nanirahan sa bahay nina Jay ang mag-iina dahil ang kanyang ama, si Atty. Alfonso Ruiz, ang tumayo bilang pangalawang tatay nina Niña at Mary Anne.

Niña Ruiz Abad (left) with her mother Bella and sister Mary Anne
“She’s very very peaceful. Very prayerful, wala siyang bitterness sa sakit niya.
"She’s genuine, sincere at mabait talaga,” paglalarawan ni Jay sa mga katangiang taglay ni Niña.
Patuloy niya, “Sometimes, di ba, kapag may sakit ka, magiging bitter ka? Siya, she never had any bitterness.
“Kung bata ka, magtatanong ka, 'Bakit ganoon?' Pero siya, wala. Hindi siya nagtatanong. Tanggap niya.
“Hindi mo mapapansin na may sakit except mabilis siyang mapagod. Hinihingal agad kapag naglalaro."
Lahad pa ni Jay, “Every night, grabe siyang magdasal. Parang nagkakaroon ng trance… meditation. Bilib ako sa pagdarasal niya.
“Bata pa lang siya, hindi ko alam where she got that. Pupunta sa church, magdarasal. Palagi siyang may suot na Holy Rosary.
“Napakabait na bata ni Niña. Masayahin at napakatalino pa niya. Valedictorian siya nang mag-graduate.
“Kaya nga minsan, ako pa yung nagkukuwestiyon noong panahon na yon. 'Bakit ganoon?' Gulat ako, hirap akong mag-move on sa story ni Nina.
“Yung maaalaala mo yung nangyari, yung nakaraan. Parang ang nangyayari sa akin, mixed reactions.
"Joyful and thankful, pero at the same time, bumabalik yung memories niya.
"Of course now, na-realize ko, baka nga may purpose talaga — ang maging role model siya.”
NIÑA RUIZ ABAD's MOTHER
"Aunt Bella" ang nakasanayang tawag ni Jay sa kanyang tiya, ang ina ni Niña na sumulat ng librong may pamagat na God First nang pumanaw ang panganay na anak noong Agosto 1993.
Saad ni Jay, “She wrote a book about Niña, God First. Personal diary niya na ginawang libro.
"Siguro, for her healing na rin dahil for a time, nahirapan din ang aunt ko na mag-cope sa nangyari. Namatayan siya ng asawa, then ng anak.
“Mahirap yung ganoon, bata pa lang, may taning na ang buhay ng anak niya. We never expect her to live longer than ten years old pero nalampasan niya.
“Honestly, it’s hard for me to talk about it kasi masakit, e. Maraming happy memories pero siyempre yung pagkawala.
“Saka I remember yung aunt ko, bagong widow pa lang noon. At the time, siyempre, she also went through depression… grief, after nawala ang mga mahal niya.”
Ano ang reaksiyon ng kanyang Aunt Bella sa isinusulong ng CBCP na beatification kay Niña?
“She’s very happy. Siguro yun na rin ang meaning, purpose and the reason why her daughter was taken away at a young age,” sagot ni Jay.
Hinihiling ni Jay ang intercession ng kanyang namayapang pinsan sa mga ipinagdarasal niya.
May naitatago ba siyang relics o maituturing na sagradong kagamitan ni Niña?
“Wala,” reaksiyon ni Jay.
“Hindi ko naman naisip na mangyayari ito. In fact, I was searching for her pictures.”
Ano ang mensahe ni Jay sa mga Pilipinong naniniwalang karapat-dapat ideklara si Niña bilang isa sa mga pinakabatang santa ng Simbahanag Katoliko?
“In itself, it makes us, as a family, very proud and thankful to the CBCP for recognizing my cousin.
“I believe she’s a very positive role model for the youth. Hopefully, maging role model siya sa mga kabataan na nawawalan ng pag-asa.
"At kung anuman yung mga pagsubok na pinagdaraanan natin, tanggapin natin nang maluwag at paniwalaan ang Panginoong Diyos na may dahilan ang lahat ng mga nangyayari sa buhay natin.
“Dun ako humuhugot ng lakas ng loob sa tuwing may pagsubok sa buhay ko, sa buhay namin. Kapit lang, kapit lang. Nandiyan naman ang Panginoon para sa atin.”
Related Stories:
- 12 must-visit churches for Visita Iglesia across the Philippines
- Traslacion 2024: Everything you need to know
- VIRAL: Estatwa ng Virgin Mary, lumuluha; peke o himala?
- Archdiocese in Pangasinan discovers saint's statue has been switched; original missing 7 years now
- Devotees offended by Sto. Niño national costume of Bb. Pilipinas 2023 candidate
- First Pinoy Pontifical Swiss Guard described by his lola as “shy grandson”
- 8 historical Manila churches na maaaring puntahan para sa Visita Iglesia