Nananatiling positibo ang aktor na si Ricardo Cepeda sa kabila ng pagkaantala ng mga pagdinig sa patung-patong kaso ng syndicated estafa na isinampa laban sa kanya ng mga investor ng isang sales company.
Read: Ricardo Cepeda "wrongfully accused," says stepson; still detained at Camp Karingal
Kasalukuyang nakapiit si Ricardo sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao.
Inilipat siya roon noong Nobyembre 29, 2023 matapos ang halos dalawang buwang pagkakakulong sa Camp Karingal, Quezon City.
Inihain ang mga reklamo sa Sanchez Mira, Cagayan.
Dinakip si Ricardo sa Caloocan City noong Oktubre 7, 2023.
Si Executive Judge Gemma Bucayo ng Regional Trial Court Branch ang naglabas ng warrant of arrest para kay Ricardo.
Iginiit din ng aktor na hindi niya natanggap ang warrant of arrest, pero may nakatatak na "served" sa dokumento.
Sa isang panayam noong Oktubre 2023, inilahad ni Ricardo na “shocked” siya sa nangyari.
“Hindi ko man lang alam na may warrant. Na-served ang warrant na hindi ako ang tumanggap. Dinala sa opisina sa Baguio City,” pahayag noon ng aktor.
Nanindigan din ang aktor na inosente siya sa kasong ibinibintang dahil celebrity ambassador lamang umano siya at walang anumang posisyon sa kompanya.
Read: Ricardo Cepeda speaks up about syndicated estafa case: “Hindi ko alam na sinama nila ako.”
LATEST UPDATE ON RICARDO CEPEDA'S CASE
Sa pamamagitan ng isang malapit na kaibigang dumadalaw at nakakausap ni Ricardo, inalam ng Philippine Entertainment (Portal) ang mga bagong kaganapan tungkol sa kasong kinahaharap ni Ricardo.
Ayon sa taong nakausap ng PEP.ph, madalas naaantala ang pagdinig sa kaso ni Ricardo dahil sa iba't ibang kadahilanan.
“Dapat May 2024 tapos na, e, pero nagka-delay delay because of holidays, judges convention, at court inventory.
“Hindi natuloy ang hearing so ang next schedule, malayo na naman.
“Ang nangyari, yung isang schedule was cancelled because of the prosecutor’s convention for one week.
“Lahat ng korte, sarado that week. Next schedule is next month. Yan ang nagiging delay,” pahayag ng source ng PEP.ph.
Dahil nakapiit na si Ricardo sa Cagayan Provincial Jail, kumuha na siya ng abogado mula sa Cagayan na magtatanggol sa kanya at kasama niyang sumisipot sa mga pagdinig sa mga korte ng Aparri at Sanchez Mira.
Sa tuwing may hearing siya sa Sanchez Mira Regional Trial Court, gumigising umano si Ricardo ng alas-kuwatro ng madaling-araw dahil tatlong oras ang biyahe mula sa Tuguegarao hanggang sa Sanchez Mira.
Dalawang oras naman ang biyahe mula sa kulungan niya papunta sa Regional Trial Court ng Aparri.
Read: Ricardo Cepeda, binisita ng mga kapwa artista sa Camp Karingal
RICARDO CEPEDA DISCOVERS HIS PURPOSE IN LIFE
Sa tulong pa rin ng malapit na tao kay Ricardo, hiningi namin ang reaksiyon ng aktor tungkol sa mga nangyayari ngayon sa buhay niya.
Pahayag niya, “Super lakas ng faith ko sa Panginoon. Yan ang humahawak sa akin, e. Alam ko talaga na in His time yan.
“What came to me is parang nakita ko yung purpose ko. Bakit ako yung nahuli? And I realized the purpose of the Lord for me, parang sacrifice Niya.
“I will go through this and it’s really sigurado, basta natapos itong proseso, which really lalabas talaga na dismissed, but it has to go through the process.
"Yung process, bumabagal lang dahil sa mga holiday. We really thought at first, by Christmas, tapos na ito. Then we thought siguro January madi-dismiss na.
"Hindi pala. Kailangan ng mga proseso.
“Parang end of February, I told Marina, ‘You know, parang ito na ang realidad. Napu-frustrate tayo coz we’re expecting matatapos na ito this month.
“'Siguradong matatapos ito sometime and then siguradong innocent ako. We just have to be patient.'”
Ang "Marina" na tinutukoy ni Ricardo ay ang kanyang long-time partner na si Marina Benipayo.
Read: Marina Benipayo on hate comments after partner Ricardo Cepeda's arrest: “Hindi niyo kami kilala.”
RICARDO CAPEDA MAINTAINS HIS INNOCENCE
Muling iginiit ni Ricardo na inosente siya sa mga mabibigat na paratang laban sa kanya dahil ni minsan, hindi niya umano nakilala nang personal ang mga taong sinampahan siya ng demanda.
Lahad niya, “Never akong nakipag-interact sa kanila.
"Yung isang akusado, para magkaroon ng kumpiyansa yung mga taong mag-invest ng pera, sinabi niyang manager ako ng company.
“Hindi siya empleyado ng company. Dahil kumikita siya sa finder’s fee, niloko niya yung mga tao by using my name.
“Lumalabas sa mga testimony nila na never silang nagkaroon ng interaction with anyone in the company, dun lang sa guy na gumamit sa pangalan ko.
“They will talk to him, he will give them information tapos siya ang nag-collect ng mga tseke nila for their investment.”
Kailan siya huling umiyak?
“Noong February, inilabas ko lang lahat.
"Sabi ko, when I was feeling sorry for myself, 'It’s very hard kasi kung guilty ako, tatanggapin ko na lang na kasalanan ko kaya nagbabayad ako.'
“But when you start allowing yourself to think na, 'Bakit ako? Bakit sa akin nangyari ito? Bakit ganyan?'
“Dun ka mapapaiyak, especially kapag nakita mo na yung pamilya mo is worried about you,” saad ni Ricardo.