Relate na relate ang mga bagets nang awitin ni Imelda Papin ang "Isang Linggong Pag-ibig" sa thanksgiving party ni Manay Aster Amoyo noong Mayo 10, 2024, Biyernes, sa Viva Cafe, Cubao, Quezon City.
Kasabay ni La Papin sa pag-awit niyon ang sisters niyang sina Aileen at Gloria. Inawit din nila iyong "Bakit? (Kung Liligaya Ka Sa Piling Ng Iba)."
“Nakakatuwa, even yung mga bata, alam na alam yung songs!” bulalas ng Jukebox Queen.
“Nakakatuwa dahil until now, I’ve been in show business for 45 years na, pero hindi nila nakakalimutan.
“Magmula sa kanilang mga magulang, mga anak, pati mga apo. Alam na alam yung mga kanta ko.
“Imagine mga nasa elementary level, alam na alam nila yung songs ko, especially 'Isang Linggong Pag-ibig.'
“Grabe! Thank you, Lord!” Nakaranas ba siya ng isang linggong pag-ibig?
Natawa si La Papin, “Aha! Ha! Ha! Hay! Ahhhh ayokong sabihin! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ahhh nangyayari naman minsan sa buhay ng tao yun, di ba?
“So after a while, parang… hindi naman actually isang linggo lang, but probably a couple of months, ganun.
“Basta ang ano dun kasi, if you come to know each other, you will know already the real person. So paraming ganun.”
Read: Imelda Papin, itatalagang bagong chairperson ng PCSO?
IMELDA PAPIN'S LOVELIFE
Marami ba siyang naging boyfriends?
“Konti lang naman!” mabilis na tugon ng veteran singer.
Pero maraming nanligaw sa kanya noong araw?
“Ahhh… yes! Ha! Ha! Ha! Ha!” pagbungisngis muli ni La Papin.
“I-divulge ko na ba? Oo naman. Ano, yung naging partner ko sa pelikulang Pag-ibig, Bakit Ka Ganyan? [1979], Roel Vergel de Dios.
“The late Ace Vergel. Yun na muna! Tama na muna yon!”

Roel Vergel de Dios (left) and Ace Vergel (right)
Nagka-bonding sila ni Roel Vergel sa US?
“Nagkita kami sa Amerika.”
Makulay rin ang love life niya, bukod sa napangasawa niyang si Marinduque Governor Jose Antonio Carrion. Nagkaroon sila ng isang supling, si Maffi.
Tumango si Imelda, “Oo naman, pero I see to it na isa-isa lang. Kasi mahirap naman yung dala-dalawa.
“Mahirap harapin yung ganung klaseng situation. So isa-isa lang talaga.”
Sa sentimental songs ni La Papin noong late 70s at early 80s ay palasak na tema ang pagtataksil, at mga hugot ng pusong sawi.
“May third party lagi, di ba?”
Napapaiyak pa siya noon tuwing kakanta sa TV. Hindi ba siya nauubusan ng luha?
“Ha! Ha! Ha! Hindi naman. Hindi naman, ewan ko, bakit pag kumanta kasi ako ng talagang madamdamin na song, nadadala talaga ako,” pagtatapat ni Imelda.
“Mas gusto ko kasi, napi-feel ng taumbayan, I mean, yung audience ko, pag kumanta ako ay gusto kong maramdaman nila.”
For the record, naging third wheel ba siya sa isang relasyon?
“Hindi naman, hindi naman. Sa awa ng Diyos! Magulo yata yon, di ba?”
Read: Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin, sa tatlong sinehan nag-premiere night
IMELDA PAPIN STILL ACTIVE AFTER 45 YEARS IN SHOWBIZ
Makalipas ang 45 taon sa industriya, humahataw at kumekendeng-kendeng pa rin si Imelda sa pagpe-perform.
Paano niya napapanatili iyon? Ano ang kanyang sikreto?
Natigilan sandali si La Papin bago nagturan, “Ang sikreto is probably because… in anything I do, I always ask God to lead me sa lahat ng mga ginagawa ko.
“I love my family, I love my career. And I love our people. Siguro that makes me really you know vibrant everyday.
“Marami akong mga pangarap na until now, kahit ibinigay na ng Panginoon yung magsilbi — mas magsilbi pa this time.”
Nandoon ang malasakit niya sa mga taga-showbiz. Dinalaw niya kamakailan sa home for the aged ang dalawang dating showbiz journalists.
Pahayag ni Imelda, “Nakakatuwa dahil si Manay Gina de Venecia ang kasama namin, at Congressional Spouses.
“At saka siyempre gusto kong mabisita rin sila lahat doon, at nakakatuwa, we’ll be going back again soon.
“Dahil may mga friends ako na gustong magpasama sa akin para bisitahin sila muli.”
ACTORS GUILD PRESIDENT
Bilang presidente ng Actors Guild, anu-ano ang mga proyekto nila para sa kanilang members?
“Hopefully, matuloy yung awards ng Actors Guild of the Philippines. We will recognize lahat ng mga bahagi ng industriya,” pagbabalita ni Imelda.
“Pinag-uusapan pa namin actually ang concept. Pero gusto ko yun, andami-dami nating mga beteranong artista. Kailangan bigyan sila ng karangalan, pagkilala, recognition.
“It’s about time. In fact, nakilala ko sila. Nagpunta kami, at talagang nakakaano ng puso.
“I was feeling very sad, kasi darating pala ang panahon na maaabot natin yung ganung klaseng age.
“At di ba, minsan, nakakalimot na sila? Yung ganun. So, bago marating yung status na ganun, kailangang mabigyan natin sila ng recognition.”
Kabilang sa veteran stars na balak nilang pagpugayan sina Perla Bautista at Divina Valencia.
“Yung mga talagang naging bahagi ng ating industry. Marami sila,” saad ni Imelda.
“Gusto ko talaga, sabi ko sa board of directors ng Actors Guild, bigyan natin ng halaga itong mga haligi ng industry. “At dapat makilala ng mga young actors natin, para naman malaman nila kung bakit narito tayo ngayon.”
Natatakot ba siyang dumating sa estado na nag-uulyanin?
Napabuntong-hininga si La Papin, “Hindi ako nag-iisip actually ng ganun. I’m very positive.
“At I’m praying so hard na sana, bigyan pa ako ng mahabang buhay at magandang pag-iisip para mas marami tayong matulungan na kasamahan natin sa industry.”
