Usap-usapan ngayon sa social media ang Facebook post ng aktor na si Nikko Natividad patungkol sa kontrobersiyang kinahaharap ngayon ng ABS-CBN noontime show na It's Showtime.
Ito'y matapos i-call out ng mga host, partikular na si Vice Ganda, ang searchee na si Axel Cruz nang besohin nito ang searcher na si Christine, sa segment na "Expecially For You" noong May 31, 2024.
Hindi nagustuhan ng ilang netizens ang pag-call out ni Vice kay Axel.
Ayon sa kanila, "napahiya" ang male searchee sa ginawang pagsita ng TV host on national television.
Nitong Huwebes, June 6, 2024, naglabas ng saloobin si Nikko sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagpu-post sa Facebook.
Ayon sa kanyang burado nang Facebook post, naaawa siya sa sinapit nina Axel at Christine na naba-bash dahil sa nangyari.
Mababasa sa post ni Nikko (published as is): "Naaawa ako sa dalawang contestant. Gusto lang nila ma experience at ng exposure pero sobrang trauma yung nakuha nila."

Nasundan pa ito ng isang makahulugang post, kunsaan ibinahagi ni Nikko ang kanyang karanasan bilang isa rin umano sa napahiya at biktima ng power tripping sa telebisyon.
Saad niya (published as is): "Ipagpalagay na natin na bebeso talaga yung lalaki. Hindi naman nya intensyon manyakin sa live yung babae.
"Ang mali lang nya ay hindi nya alam na need pala muna magpaalam bago bumeso.(kunwari lang na bebeso talaga sya ha).
"Naaawa lang ako sa lalaki na may nagawang mali pero hindi nya talaga intensyon. At sympre dun sa babae. Na offend man sya o hindi sya lang ang makakapag sabi nyan. Kung na offend man sya alam ko na mapapatawad nya yung lalaki.
"Sobra lang kasi napahiya yung lalaki na sasabihan pa na tatadyakan at pwede kasuhan.
"(Again sakin lang po ito ha) ALAM KO KASI PAKIRAMDAM NG PINAPAHIYA SA TV AT NAPOPOWERTRIP BASE SA EXPERIENCE KO."

NETIZENS REACT
Walang binanggit na pangalan si Nikko kaya nag-iwan ng palaisipan sa netizens kung sino ang pinasasaringan sa kanyang post na namahiya at nang-power trip sa kanya.
Hula ng ilang netizen, may kaugnayan kay Vice ang post niyang ito, lalo na't sa pagkakaalam ng publiko ay malapit sila sa isa't isa ni Nikko.
Si Nikko ay dating miyembro ng all-male group na Hashtags sa It’s Showtime, kunsaan main host si Vice.
AXEL-CHRISTINE-VICE STATEMENT
Ilang araw nang usap-usapan online ang kontrobersiyal na pagsalang nina Axel at Christine sa "Expecially For You" sa It's Showtime.
Mas lalo itong lumiyab nang bawiin ni Vice ang kanyang tweet na mag-a-apologize siya kay Axel dahil sa pagsita niya rito.
Noong June 1, naglabas ng pahayag si Axel para klaruhin ang isyu.
Hindi raw niya hinalikan si Christine kundi nakipag-appear lang at nakipagdikit-balikat na tinawag niyang “bro code.”
Humingi rin siya ng tawad kung meron mang nasaktan, at kung na-misinterpret ang kanyang ginawa.

Read: EXpecially For You searchee Axel Cruz posts cryptic messages
May mga kumampi kay Axel, pero na-bash din siya dahil sa wala umanong paalam na paghalik sa searcher na si Christine.
Sinegundahan ni Christine ang pahayag ni Axel nang mag-post siya ng video sa TikTok. Dito ay sinabi niyang hindi niya naramdamang hahalikan siya ng binata.
Dahil dito, nag-tweet si Vice noong Sabado, June 2, upang ipahayag ang kanyang intensiyong mag-apologize kay Axel dahil sa mali niyang akala.
Tweet niya (published as is): "Sorry na mali ang reaction ko. Ang dating kasi sakin at sa ibang andun eh na-off si girl na sinunggaban sya ng halik and i thought na she felt violated. Since hindi naman pala I will apologize to the guy."
Read: Vice Ganda expresses intention to apologize to Axel Cruz
Vice retracts apology to AXEL
Pero sa live episode ng It's Showtime noong Martes, June 4, binawi ni Vice ang kanyang tweet na mag-a-apologize siya kay Axel.
Ayon sa TV host-comedian, "Binabawi ko yung twineet ko na I will say an apology because I do not need to apologize for what I did.
"Ito ang aking paniniwala, at paniniwala din namin na hindi kinakailangang mag-apologize because what we did was right."
Ayon pa kay Vice, kinolout nila si Axel base sa mga nakita nilang mga host at karamihan ng mga nasa audience, at base sa naging reaksiyon ni Christine sa ikinilos ni Axel.
Read: Vice Ganda retracts apology to "EXpecially For You" searchee
Nagkaroon daw ng usapin kung tama o mali ang kanilang ginawa o kung na-discriminate si Axel, base sa sinasabi ng ibang netizens, na kinolout ito dahil sa kanyang hitsura.
Sabi ni Vice, "Kasi nga, ulit, ang pag-call out namin ay base sa aming reaksiyon base sa nakita namin. So I said, I will say an apology."
Nag-usap-usap daw ang hosts, unit head, producers, at psychologists ng It's Showtime tungkol sa isyung ito.
Nakausap din daw nilang muli sina Christine at Axel.
At pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay napagtanto raw ni Vice na hindi siya dapat humingi ng paumanhin.
Pahayag niya: "Binabawi ko yung twineet ko na I will say an apology because I do not need to apologize for what I did.
"Ito ang aking paniniwala, at paniniwala din namin na hindi kinakailangang mag-apologize because what we did was right."
Isiniwalat ni Vice na, sa muling pakikipag-usap ng It's Sowtime staff at ng psychologist kay Christine noong June 3, sinabi ng huli na totoong na-off siya sa naging kilos ni Axel.
"Talagang na-off siya at may naramdaman siyang hindi siya kumportable sa ginawa nung searchee," sabi ng TV host-comedian.
May dahilan daw si Christine kung bakit sinabi nito sa kanyang TikTok video na hindi siya na-off, pero hindi na raw nila ito ibabahagi.
DO NOT BASH AXEL AND CHRISTINE
Personal din daw nakausap ni Vice si Axel.
Aniya, "Nauunawaan niya po yung nangyari. Kinapupulutan niya ng aral. Yun ang maganda po kay Axel."
Nauunawaan din daw nila kung bakit sinabi ni Christine na hindi siya na-off sa ikinilos ni Axel.
"Si Christine din naman po, nauunawaan namin at, again, may dahilan siya kung bakit nasabi niya yon sa TikTok na okay siya. At ibibigay namin siya.
"Pero ginagawa lang din namin ito kasi karapatan din naman namin ito," ani Vice.
Kasunod nito ay nakiusap si Vice sa netizens at sa mga manonood na tigilan na ang pamba-bash kina Axel at Christine.
"Nakikiusap po kami na nawa po'y ihinto ninyo ang pamba-bash kay Axel at kay Christine.
"Una, si Axel, nakausap ko siya, maganda na nauunawaan niya. Pinuproseso niya ito at tinutulungan po namin siya, ha, pati psychologist namin ay tinutulungan siya.
"Magkikita pa nga kami ni Axel, ipinangako ko sa kanya."
Read: EXpecially For You searchee Axel Cruz posts cryptic messages
