Bigong mapabagsak ng pambato ng Pilipinas na si Nesthy Petecio, 32, ang nakatapat niyang si Julia Szeremeta, 20, ng Poland sa semifinals ng boxing women's 57-kilogram division.
Ginanap ang semifinals nitong Huwebes ng madaling-araw, August 8, 2024 (Philippine time), kunsaan nag-uwi ng bronze medal si Nesthy.
Read: How much cash do Paris Olympics 2024 gold medalists get?
Sa round one pa lamang ay naging agresibo na si Nesthy na mapatumba si Julia.
Ilang malalakas na suntok ang kanyang pinakawalan laban sa pambato ng Poland.
Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin pagdating sa second round. Ginamit ni Julia ang kanyang liksi at bilis para makontra ang mga suntok ni Nesthy.
Kapansin-pansin ding maganda ang timing ng mga counterpunch niya.
Sinubukan pang bumawi ni Nesthy sa third round, ngunit hindi ito naging sapat para maibalik sa kanya ang bentahe sa laban.
Sa huli, nalamangan ni Julia ang beteranang boksingerong si Nesthy via split decision.

Apat na judges ang pumabor kay Julia, habang isa naman kay Nesthy.
Nesthy STILL IN disbelief over judges' decision
Kahit nabigo, masaya si Nesthy sa ipinakita niyang performance sa semifinals.
Ngunit hindi raw niya maitatangging nalabuan siya sa naging desisyon ng mga hurado para mas paboranan nila ang kanyang kalaban.
Pahayag ni Nesthy sa panayam niya sa One Sports PH: "Sobrang labo, sobrang labo talaga.
"Pero yun yung nakikita nila, e, so wala na tayong magagawa po.
"Pero grabe, wala siyang clear punch sa third round. Yung mga body shots ko, mga hook ko, pumapasok.
"Ewan ko. Hindi ko [rin] po alam kung anong nangyari."
Read: EJ Obiena apologizes for falling short of Paris Olympics medal
Kahit dismayado, nirerespeto raw ni Nesthy ang naging desisyon ng judges sa laban nila ni Julia.
Masaya at proud pa rin daw siya sa kanyang performances, hindi man niya nakamit ang inaasam na gintong medalya.
Aniya: "Siguro ayun nga, hindi ko alam yung nakikitang side nila so sila na yun and nirerespeto ko yun.
"Akala ko akin na 'to this time, pero sobrang grabe yung tiwala ko sa sarili ko na makukuha ko siya.
"Pero ayun nga, medyo hindi tayo [pinalad] ngayong gabi sa panalo. Pero sobrang thankful pa rin ako kay Lord kasi maganda yung pinakita ko.
"Sobrang proud po ako na hanggang ngayon, lumalaban pa rin ako para sa bayan, sa pamilya, sa pangarap, and sa pangarap ko na ginto."
Ang nakuhang bronze medal ni Nesthy ang ika-apat na medalya ng Pilipinas sa Paris Olympics matapos mapanalunan ni Carlos Yulo ang dalawang gold medals sa artistic gymnastic noong August 3 at 4.
Read: Carlos Yulo breaks silence on money issue with his mother
Bronze medal din ang naiuwi ng kapwa boxer ni Nesthy na si Aira Villegas nitong August 7.
Read: PH boxer Aira Villegas wins bronze at Paris Olympics 2024
