May aral na dapat matutunan ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa kapwa niya atletang si Manny Pacquiao, sa singer na si Sarah Geronimo, sa aktres na si Ruffa Gutierrez, at sa magkapatid na sina Andre at Kobe Paras.
Ang mga celebrity na ito ang sumagi sa isip ng Cabinet Files habang pinapanood ang video ni Carlos at ng girlfriend nitong si Chloe Anjeleigh San Jose tungkol sa away ng champion gymnast sa kanyang sariling ina na si Angelica Yulo.
Read: Carlos Yulo's mother speaks up about "mukhang pera" accusations
Ni minsan, walang narinig ang publiko na sinumbatan ni Manny ang nanay nitong si Dionisia Pacquiao tungkol sa pera.
Ni minsan, hindi rin nagsalita si Manny laban sa kanyang ina, kahit nagkaroon ng mas batang karelasyon si Mommy Dionisia.
Read: Mommy Dionisia, kasama ang ex at present sa 75th birthday

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mga isyu nina Sarah at Ruffa sa pagkakaroon ng mga nanay na mahigpit. Pero hindi sila napanood na nagsasalita ng masasakit o anumang kasiraan ng kanilang mga ina.

Matagal nawalay sina Andre at Kobe sa kanilang ina na si Jackie Forster.
Masalimuot ang mga kuwento tungkol sa relasyon ng tatlo. Pero walang pinakawalang masasamang salita sina Andre at Kobe laban sa kanilang ina kaya natuwa nang husto ang publiko nang dumating ang panahon ng kanilang pagkakasundo.
Read: Jackie Forster recounts emotional reunion with sons Andre and Kobe Paras

CARLOS YULO'S FEUD WITH HIS MOTHER
Sa isang iglap, nagbago ang ihip ng hangin para kay Carlos dahil sa pagsasalita nito tungkol kay Angelica at sa ugat ng mga hidwaan nila — pera at ang kanyang girlfriend na si Chloe.
Read: Carlos Yulo breaks silence on statements of mother against him, girlfriend Chloe San Jose
Nang magpaliwanag si Angelica tungkol sa pera na puno’t dulo ng mga hindi nila pagkakaunawaan ni Caloy, siya ang lumabas na kontrabida sa paningin ng publiko, tumanggap ng mga masasakit na salita at sari-saring paratang.
Pero nang sagutin ni Carlos ang isyu tungkol sa kanilang mag-ina habang katabi niya si Chloe, marami ang nakisimpatiya sa kanyang ina.
Tumanggap din si Carlos ng mga unsolicited advice na ayusin nito ang sigalot nila ni Angelica sa pamamagitan ng tahimik at pribadong pamamaraan, hindi sa social media tulad ng ginawa nila ni Chloe ngayong Martes, Agosto 6 — habang magkasalong ninanamnam sa Paris, France, ang tagumpay ni Carlos sa Paris Olympics.
Nang sabihin ni Angelica sa isang panayam na pinaratangan siya ni Carlos na magnanakaw, siya pa ang nilibak ng mga tao, pinaratangang "maldita," "mukhang pera," at gumagawa ng kuwento.
Pero mukhang naniniwala na kaming may kakayahan nga si Carlos na magsalita nang masakit laban sa ina dahil sa mga pahayag niya sa video na kanyang inilabas.
Nakapangliliit at nakalulungkot ang mga rebelasyon ni Carlos tungkol sa nanay nito, pati na ang malaking halaga ng pera niyang naglaho pero walang saysay kung ikukumpara sa buhay na ibinigay ng kanyang ama at ina.
In bad taste din, para sa amin, ang pagpapakita ni Chloe ng mga screenshot ng palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng kanyang pamilya at ng nanay ni Carlos.
Read: Chloe San Jose reacts to statement of Carlos Yulo's mother about her

CARLOS YULO "FORGIVES" HIS MOTHER
Mabangong-mabango ang pangalan ni Carlos nang manalo ito ng dalawang medalyang ginto sa Paris Olympics.
Ipinagbunyi siya ng mga Pilipino sa buong mundo at itinuring na isang bayani na naghatid ng malaking karangalan sa ating bansa.
Read: Carlos Yulo reveals plans for incentives after double gold feat
Pero sa isang iglap, mukhang nabawasan ang mga paghanga at papuri sa kanya nang dahil sa pagsasalita niya laban sa ina.
Mahirap tanggaping matapos isiwalat sa publiko ang mga diumano’y kamalian ng kanyang ina, na nasaktan niya nang husto, saka nagsalita si Carlos nito: “Ma, mag-heal kayo, mag-move on. At napatawad ko na kayo a long time ago po.
“Pinagpe-pray ko na maging safe kayo palagi at nasa maayos kayong kalagayan diyan lahat.
"Tigilan na po natin ‘to at i-celebrate na lang po natin yung mga ginawa pong paghihirap, pagsasakripisyo ng bawat atletang Pilipino dito sa Olympics.”
Talaga ba?
Naiwasan sana ang mga nakalulungkot na pangyayari kung piniling kausapin ni Carlos ang kanyang ina sa cellphone o sa pamamagitan ng mga text message, hindi sa social media.
Higit sa lahat, dapat isinaisip at isinapuso ni Carlos ang Ika-Limang Utos ng Diyos na "Igalang Mo ang Iyong Ama at Ina" — kahit malalim na malalim ang kanyang kinikimkim na sama ng loob.
Bali-baligtarin man ang mundo, mananatiling ina ang mga ina na patuloy na magmamahal sa kanilang mga anak sa kabila ng kanilang mga hindi pagkakaunawaan at magkakaibang pananaw sa buhay.