Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Kip Oebanda noong Biyernes, October 11, 2024, sa Gateway Mall bago ang red-carpet premiere ng Balota.
Ito ay pinagbidahan ni Marian Rivera, na ginampanan ang karakter ng isang teacher na nakaranas ng karahasan sa araw ng eleksiyon.

Excited ang indie director na ipakita sa publiko ang reedited version ng Balota, na unang ipinalabas noong August sa Cinemalaya.
“Fortunate kami that I was able to reedit,” kuwento ni Direk Kip.
“Honestly kasi pag nasa festival environment, rushed yung ganap. So it’s nice to get that feedback, and make the film better, in my opinion.”
Read: Marian Rivera hopes Balota delivers life-changing impact
DIREK KIP OEBANDA ON FEEDBACK OF VIEWERS
Ni-reveal ng multi-awarded director na talagang inalam at inaral niya ang feedback ng mga manonood noong Cinemalaya.
“Seven screenings yung nagtago ako sa harap ng Cinemalaya , pinapanood ko yung audience because I was taking notes for the mainstream release,” sabi niya.
Isa sa mga natututunan niya ay ang bawasan ang mga nakakatawang eksena para lumakas ang thrilling aspect ng pelikula.
“Siyempre when you’re making something na thrilling, ayaw mo na maputol yung tension.
"When you’re making something na comedy, ayaw mo na parang, na matira yung mga jokes na hindi kasing-benta.
"It’s not an overhaul of the story in any way. It’s just massaging the tone,” pahayag ni Direk Kip.

Mas binigyang-diin din niya ang depiksyon ng mother-son relationship ni Teacher Emmy, played by Marian, at ang anak nitong si Enzo, played by Will Ashley.
“I would say na mas lumakas yung mag-ina in the film. I took inspiration from the second cut of Liway.
"Kasi when we recut Liway, mas lumakas yung reception kasi mas pinalakas namin yung mag-ina as opposed to the community.
"Kasi nung Cinemalaya, sobrang kumapit yung mga audience sa Marian-Will dynamic kaya pinalakas namin,” paliwanag niya.
Ang Liway ay ang pelikulang unang nagbigay-pangalan kay Direk Kip.
Tungkol ito sa isang batang lumaki sa kulungan kasama ang kanyang ina noong panahon ng martial law.
Ipinalabas ang Liway noong 2018 sa Cinemalaya, at pinagbidahan nina Glaiza de Castro, Dominic Roco, at Kenken Nuyad.

DIREK KIP OEBANDA ELECTION SEASON
Sa October 16 na ang simula ng nationwide screening ng Balota, naka-timing ba ito para sumabay sa election season?
Matatandaang katatapos lang ng period of filing ng certificate of candidacy para sa eleksiyon sa susunod na taon.
Sagot ng direktor, nagkataon lang ang kanilang screening date.
Aniya, kasali kasi sa Hawai'i International Film Festival ang kanyang pelikula at may requirement na kailangan mauna ang pagpapalabas doon.
Noong October 6 ang first screening ng Balota sa Hawai’i.
Ayon kay Kip, itinuturing na niyang kontribusyon sa election season ang Balota.
Disappointed daw kasi siya sa kakulangan ng political content ngayong taon, kung ikukumpara sa output ng mga artists noong 2022 Philippine presidential elections.
Paliwanag niya, “Medyo disappointed ako na 2024 na, two years later, parang wala pa tayong political content. Pa-eleksiyon na, we’re not really seeing...
"Kasi if you remember 2022, both sides. I’m not just referring to one side, pero lahat ng political part noon very active.
"Mga director, we were volunteering and making videos. May mga songs na nag-e-emerge. May art na lumalabas.
"Parang nabuhay ang buong art community at na-politicize. Ang then it disappeared.”
Kaya okay na sa kanya na nasa oras ang pagpapalabas sa Balota.
Pero pagpapatuloy niya, sana raw ay marami pang mga direktor at iba pang mga artists na maglabas ng election content.
“Sana iba rin. Yung naman yung point ko. Isa lang naman kami, it’s not gonna change the world, right?
"Pero if you remember, two years ago, there was an upwelling of political content and political discourse and there was a lot of hope and fire.
"And ramdam na ramdam natin yung pinagsasabi namin sa pelikula na bawat isa sa atin may kapangyarihan,” saad ni Direk Kip.
Ipapalabas ang Balota nationwide simula sa October 16.
Bukod kay Marian Rivera at Will Ashley, tampok din dito sina Gardo Versoza, Nico Antonio, Sassa Gurl, Esnyr, Royce Cabrera, Sue Prado, Mae Paner, Donna Cariaga, Joel Saracho, at Raheel Bhyria.