Laking pasasalamat ng Sparkle young actress na si Elijah Alejo, 20, na ligtas siya matapos niyang maholdap.
Sa video na in-upload ni Elijah sa TikTok nitong Huwebes, November 28, 2024, idinetalye niya ang nakakatakot na karanasan habang siya'y papasok sa eskuwelahan.

Si Elijah ay kasalukuyang first year college sa kursong Medical Technology sa Manila Central University (MCU) sa Caloocan City.
Ayon sa dalaga, papunta siya noon sa eskuwelahan upang dumalo sa kanilang tree planting activity.
Read: What is Elijah Alejo's best advice to newbie actors?
Dahil maaga ang kanilang call time, bumiyahe nang maaga si Elijah sa pamamagitan ng pagbu-book ng mototaxi, sa takot na baka siya'y ma-late.
Nang makababa na sa motor na kanyang na-book ay naglakad daw si Elijah papasok sa kanilang campus.
Dito na raw siya nilapitan ng isang lalaki.
ELIJAH ALEJO'S TRAUMATIC EXPERIENCE
Pagbabahagi ni Elijah sa video: "Story time, na-holdap ako kaninang madaling-araw. 5:30 A.M. ang call time namin sa campus since may tree planting kami ngayon.
"Late ako nagising tapos masama pa ang pakiramdam ni Mommy so nag-mototaxi na lang ako.
"So, supposedly, pagkarating namin doon sa campus, doon dapat ako magpapababa sa loob. Pero nagpapadagdag si Kuya rider [ng bayad] kaya hindi na ako pumayag.
"So, doon na lang niya ako binaba sa may sidewalk. Hindi siya sa tapat ng gate ng campus namin nor sa gate ng hospital namin.
"Siyempre nagbayad ako and then pagkabayad ko, umalis na siya and ako naglakad na ako papunta doon sa gate."

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad ay bigla raw nakaramdam si Elijah na may tumutok ng matulis na bagay sa kanyang tagiliran.
Pasimple raw siyang binulungan ng holdaper na ibigay nito ang dala niyang wallet.
Ani Elijah: "Biglang may tumutok sa tagiliran ko and it's something matulis. Sinabihan ako ibigay ko yung wallet ko."
Sa sobrang gulat at takot ni Elijah ay bigla raw siyang nablangko na wari'y hindi alam ang gagawin.
Pagbabalik-tanaw ng Kapuso young actress, "That time nag-freeze yung utak ko.
"Lahat ng alam kong self-defense, lahat, as in nawala na parang bula. As in natakot ako.
"Binigay ko na lang yung wallet ko."
Read: Are the Prima Donnas Book 2 lead stars ready for love teams?
ELIJAH grateful that she’s safe
Bagamat natangay ng holdaper ang kanyang wallet, laking pasasalamat daw ni Elijah na wala itong ibang ginawa sa kanya.
Isa lang daw ang pinoproblema niya ngayon.
Nang i-report daw niya sa mga kinauukulan ang insidente ay napag-alaman nilang walang CCTV (closed-circuit television) sa lugar kung saan siya hinoldap.
Sabi ng dalaga, "Thank, God, I'm safe. Ang problem lang is walang CCTV doon sa area."
Sa huli, pinaalalahanan ni Elijah ang publiko na maging alerto tuwing naglalakad sa mga pampublikong lugar at nagko-commute.
Aniya, "To everyone na naglalakad o hindi kaya'y nagko-commute, stay safe."
Read: Alex Gonzaga falls victim to cellphone snatchers on EDSA; recovers phone
