Kasama sa pelikulang Uninvited si Lotlot de Leon.
Pinagbibidahan ni Vilma Santos, official entry ang pelikula ng Mentorque Productions sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 25, 2024.
Anak si Lotlot ng Superstar na si Nora Aunor, na mahigpit na showbiz rival ni Vilma lalo na nung 1970s.
At dahil dito, nakaranas daw si Lotlot ng pamba-bash mula sa ilang solid supporters ng mommy niya.
Lahad ni Lotlot, “Huwag na silang magtampo kasi unang-una magkaibigan naman si mommy at si Tita Vilma.
“Inaanak ni Tita Vilma si Kiko, yung kapatid ko, so magkumare ang mommy ko at si Tita Vilma.
“My mom loves Tita Vilma dearly and Tita Vilma loves my mom dearly and pati kaming mga anak, so we're grateful.
“I guess, yung mga iba lang na nag-iisip ng mga tampu-tampo, baka dahil nga sobrang siyempre loyalist sila kay Mommy.
“Pero wala naman pong ano, wala silang dapat ipag-alala at ipagtampo dahil Tita Vilma is also like family to us dahil ang relationship nga nila ni Mommy is magkumare.
“So hindi sila dapat magtampo, plus, trabaho po ito, nagtatrabaho po ako.”
Read:
Vilma Santos "binantaan" si Aga Muhlach sa kanilang reunion movie
Nora Aunor nagulat sa presyo ni Boss Toyo sa kanyang lumang damit
Pinuri rin ni Lotlot ang Star For All Seasons:
"She's a very nice person. She's beautiful in and out, she's very caring.
"Wala po akong masasabi, hands up ako kay Tita Vilma.”
Eksklusibong nakapanayam si Lotlot ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa kanyang tahanan sa Marikina City nitong Nobyembre 27.
WORKING WITH VILMA ONCE MORE
Second MMFF movie na ito na magkasama sina Vilma at Lotlot.
The first was last year sa pelikulang When I Met You In Tokyo .
Kuwento ni Lotlot, “Super grateful! Grateful na nakukuha ako, napagkakatiwalaan ng mga producers to be part of their film.
“And this is actually my second film with Tita Vilma because last year is When I Met You in Tokyo, but wala kaming eksena dun.
"Meron kaming eksena, phone call, pero wala yung talagang magkatabi at nag-uusap.
“So this time it’s different because I had an honor to work with her up close, face-to-face, so very special.
“Malalaman nila pag pinanood nila yung pelikula,”
Kumusta naman ang unang araw ng shoot nila ng Uninvited?
“When I got there, my call time was in the morning, and then nung dumating si Tita Vilma, she immediately looked for me.
“So she went to the tent where I was and then sabi niya, ‘Lot, so nice to see you!’ She was very warm, very welcoming and then nagyakapan kaming dalawa.
"And then sabi ko, ‘Tita, wag niyo po akong pababayaan, ha?’ Natawa siya, sabi niya, ‘Ano ka ba, kayang-kaya mo iyan.’
“So it was a great start to that day, prior to shooting.”
ABOUT UNINVITED
Ang Uninvited ay sa direksiyon ni Dan Villegas at panulat ni Dodo Dayao.
Bukod kina Lotlot at Vilma ay nasa pelikula sina Aga Muhlach, Nadine Lustre, Tirso Cruz III, Elijah Canlas, Gabby Padilla, RK Bagatsing, Ron Angeles, Ketchup Eusebio, Gio Alvarez, Cholo Barretto, at Mylene Dizon.

Ano ang puwedeng ikuwento ni Lotlot tungkol sa plot ng pelikula?
Pakli niya, “Ibang-iba itong pelikulang ito. I think sa lahat ng nagawa ni Tita Vilma, the story, the direction, and ano siya… basta maganda, maganda yung pelikula.
“Ibang-iba. Not like any other film that's been done before.”
ABOUT 50TH YEAR OF MMFF
Nagyong 2024 ang 50th anniversary ng MMFF.
Bukod sa Uninvited ay kasali rin ang mga pelikulang Espantaho (nina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino), Hold Me Close (nina Julia Barretto at Carlo Aquino), My Future You (nina Francine Diaz at Seth Fedelin), The Kingdom (nina Vic Sotto at Piolo Pascual), Green Bones (nina Dennis Trillo at Ruru Madrid), Isang Himala (ni Aicelle Santos), And The Breadwinner Is (ni Vice Ganda), Strange Frequencies: Taiwan Hospital Killer (nina Enrique Gil at Jane de Leon) at Topakk (nina Arjo Atayde at Julia Montes).
Ano ang masasabi ni Lotlot tungkol sa magandang line-up ng mga pelikulang kalahok?
Aniya, “I think it's exciting for the industry, di ba?
“Kumbaga buhay na buhay yung industriya. Ang daming gumagawa ng pelikula, ang daming may trabaho, hindi lang artista kundi lahat ng production.
“Lahat is expecting a really good Christmas so nakakatuwa. Nakakatuwa na buhay na buhay ulit ang industriya, at sana hindi lang tuwing Pasko ito nangyayari.
“Sana all-year round.”
Ano naman ang ang aabangan kay Lotlot ng publiko sa taong 2025?
“May pelikula po akong kakatapos lang. I'm doing other... may mga series din po akong tinatapos, pero hindi po muna puwedeng i-divulge kasi they're all under production.
“But, yes, I'm very busy. Thank God. Thank you, Lord. Kaya exciting, exciting po ang mga dadating na ipapalabas namin sa 2025.”
Isa sa mga proyekto ni Lotlot ay ang pelikulang Unconditional sa ilalim ng BR Film Productions.
Makakasama ni Lotlot sa pelikula sina Rhian Ramos at Allen Dizon, sa direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Nasa cast din sina Elizabeth Oropesa, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Brandon Ramirez, at Joel Lamangan.
In closing, dahil nalalapit na ang Kapaskuhan, ano ang kanyang Christmas wish?
“Kapayapaan po para sa ating gobyerno,” ang seryosong sagot ng multi-awarded actress.
