Sa unang pagkakataon ay bahagi si Royce Cabrera ng isang pelikula na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kasama si Royce sa cast ng Green Bones, na mula sa GMA Pictures at GMA Public Affairs.
“First time ko po,” ang masayang bulalas ni Royce na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grand mediacon ng Green Bones nitong December 5, 2024, sa Quezon Ballroom 3 ng Seda Hotel sa Quezon City.
Pagpapatuloy pa ni Royce, “Excited kasi, lalo na 50th year pa, so Golden Year na MMFF. Ang daming mga magandang activities.
“Siyempre ang inaabangan ko dito, mapasama sa parade, kasi bata pa lang ako pag may parade kakaway-kaway lang ako.
“Pero finally, isa na ako sa tutuntong sa float, sasakay na and at the same time, yung solidong pelikula ng Green Bones, napasama ako.
“So, malaking karangalan po yun para sa akin.”
Read: Royce Cabrera, tikom ang bibig sa isyung Rita-Archie
ROYCE CABRERA ON WORKING WITH DENNIS TRILLO
Sa Green Bones ay pinakamadalas kaeksena ni Royce si Dennis Trillo, na tinatawag niyang "Kuya Dennis."
Kumusta kaeksena ang isang Dennis Trillo?
“Wow,” bulalas ni Royce. “Sabi ko nga kay Kuya Dennis, ‘Pag may time, papaturo ako ng mga tips and techniques sa iyo.’
“Kasi si Dennis Trillo, isa iyan sa mga idolo ko sa pagiging aktor. And ayun po, na-witness niyo yung trailer pa lang.
“Yung sinabi kanina ni Sir Mike [Michael] de Mesa na yung magic ni Dennis, which is kitang-kita po talaga.”
Unang pelikula rin ito ni Royce na makasama si Dennis, na kilalang mahusay na dramatic actor.
Na-starstruck daw at nawindang si Royce noong malamang makakasama niya si Dennis sa isang proyekto.
“Yes po,” pakli ni Royce. “Isa po yun sa mga kinonsider ko din nung nakita ko yung script nung Green Bones, nung in-offer sa akin yung role, na may Dennis.
"Sabi ko pagkakataon ko na ito, isa rin yun sa dahilan.”
ROYCE CABRERA ON ROLE IN GREEN BONES
Base sa trailer ng Green Bones na pinagbibidahan nina Dennis at Ruru Madrid, seryoso at puno ng drama ang pelikula.
Para kay Royce ay "may mga katungkulan, kadahilanan" yung role niya bilang isang person deprived of liberty o PDL.
Paglalarawan niya, “Ang role ko po dito ay isa rin ako sa mga PDL, prisoner. So kagrupo ko si Dennis, so isa rin ako sa mga katulong niya sa mga bagay-bagay na nagresulta sa mga nangyari.”
Ano ang naging pag-unawa niya sa sitwasyon ng mga totoong PDL? May nakilala ba siya na isang tunay na PDL?
“Kawawa po talaga,” sambit ni Royce. “May mga ilan po sa amin na parang yung during research na parang pinakita, ganun.”
Ano ang naramdaman niya?
Lahad niya, “Kawawa po kasi, kumbaga sa akin two sides, e. Meron yung nakagawa talaga ng kasalanan, meron yung napagbintangan lang.
“So, yung mga nakagawa ng kasalanan, may mali sila, ganun, pero kita mo sa kanila yung pagbabagong nangyayari sa kanila, e.
“Parang kung titingnan mo nga, parang sa itsura nila, panlabas na itsura, pero yung anghel talaga yung mga pagbabagong nangyayari sa kanila.
“And yung isa naman is yung mga siyempre, kakulangan po ng hustisya na talagang mga walang kasalanan, napagbintangan lang, pero binubuno nila yung taon na kailangan nilang bunuin.”
Read: Royce Cabrera at Kokoy de Santos, ipinauubaya sa GMA-7 kung puwede sila mag-BL movie
ROYCE CABRERA ON FRIENDSHIP WITH KOKOY DE SANTOS
Parehong may entry sa darating ng MMFF si Royce at ang kaibigan niya at kapwa Sparkle artist na si Kokoy de Santos.
Kung si Royce ay may Green Bones, si Kokoy naman ay mapapanood sa Topakk at sa And The Breadwinner Is...
Biro namin, magkaibigan sila pero magkalaban sa filmfest.
Tumawa muna si Royce bago ito sumagot.
“Well, actually, pag napag-uusapan naman namin yun, kami naman po hindi naman namin iniisip na magkalaban, e.
“Kumbaga, parang sa amin, ang goal namin this MMFF is mabigyan ng magandang pelikula, entertainment, yung mga tao.
“Dahil alam naman natin na kapag Kapaskuhan, for the family, friends, for anyone.
“Kaya sana suportahan nila lahat ng pelikulang Pilipino.”
Read: Royce Cabrera at Kokoy de Santos, ipinauubaya sa GMA-7 kung puwede sila mag-BL movie
GREEN BONES CAST
Bukod kay Royce, nasa Green Bones din sina Alessandra de Rossi, Ronnie Lazaro, Wendell Ramos, at sina Iza Calzado at Nonie Buencamino sa espesyal na partisipasyon.
Kasama rin sa cast sina Mikoy Morales, Sofia Pablo, Sienna Stevens, Kylie Padilla, Pauline Mendoza, Victor Neri, Ruby Ruiz, Gerhard Acao, Raul Morit, at Enzo Osorio.
Katuwang naman ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa produksyon ang Brightburn Entertainment, at distributed ng Columbia Pictures. Ang Brightburn ay ang film company ng mag-asawang Dennis at Jennylyn Mercado.
Read: How Dennis Trillo, Jennylyn Mercado's film company was born
Ang pelikula ay sa direksyon ni Zig Dulay at sa panulat nina National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner na si Anj Atienza.
Sina Zig at Anj ay parehong bahagi ng award-winning MMFF 2023 entry na Firefly, na iprinodyus din ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Mapapanood ang Green Bones sa mga sinehan simula sa araw ng Pasko.
