Inunahan ng direktor na si Darryl Yap ang pag-aresto sa kanya sa pamamagitan ng pagbabayad agad ng piyansa para sa kinahaharap na two counts of cyberlibel charges.
Kaugnay ito ng inilabas niyang kontrobersiyal na teaser ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma noong January 1, 2025.
Sampung libong piso bawat isang count ng cyberlibel, o kabuuang PHP20,000, ang binayaran ni Yap para sa pansamantala niyang kalayaan.
Read: Darryl Yap charged with cyberlibel over Pepsi Paloma movie teaser
Noong March 19, 2025, Miyerkules, nag-isyu ng arrest warrant si Muntinlupa Regional Trial Court Branch 203 Presiding Judge Myra Quiambao para sa kasong isinampa ng TV host-comedian na si Vic Sotto — paglabag sa Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code kaugnay ng Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pero noong araw ring iyon ay nagbayad ng piyansa si Yap kaya pina-recall ang e-warrant of arrest laban sa kanya.
Sa court order na pirmado ni Presiding Judge Quiambao, nakasaad ang panandaliang pagpapalaya kay Yap matapos nitong boluntaryong magpakita sa korte at magbayad agad ng piyansa pagkalabas ng kanyang warrant of arrest.
Itinakda ng korte ang arraignment ni Yap sa March 26, 2025.

VIC SOTTO-DARRYL YAP COURT BATTLE
Noong January 9, 2025, nagsampa si Vic Sotto ng 19 counts of cyberlibel laban kay Darryl Yap sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
Read: Vic Sotto files 19 counts of cyber libel against Darryl Yap
Nag-ugat ito sa teaser ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma ni Yap, kunsaan tampok ang mga artistang sina Gina Alajar at Rhed Bustamante.
Sa eksena, tinanong ni Charito Solis (Gina) si Pepsi (Rhed) kung totoo bang "ni-rape" siya ni "Vic Sotto."
Pasigaw at mangiyak-ngiyak na sagot ni Pepsi (Rhed), “Oo!”

Noong March 17, umakyat sa husgado ang kasong cyberlibel laban sa direktor matapos makitaan ng sapat na basehan ang reklamo ni Vic.
Ngunit sa labingsiyam (19) na patung-patong na reklamong libel na inihain ni Vic laban kay Yap, dalawa lang ang sumampa at labimpito (17) ang ibinasura ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapalabas ang pelikula ni Yap.
Read: Darryl Yap, walang pahayag matapos makasuhan ng cyberlibel
