Walang problema sa pagitan nina Ara Mina at Angelu de Leon kahit magkatunggali sila sa darating na May 2025 elections.
Parehong tumatakbong konsehal sa second district ng Pasig City sina Ara at Angelu.
Si Angelu ay topnotcher noong 2022 elections at tumatakbo muli ngayon para sa kanyang ikalawang termino.
Kabilang siya sa partido ni incumbent mayor Vico Sotto.
Si Ara ay tumatakbo naman sa kauna-unahang pagkakataon.
Kabilang siya sa grupo ni Sarah Discaya, ang kumakalaban kay Vico sa pagka-alkalde.

Read: Ara Mina explains decision to run for councilor in Pasig City
ARA MINA ON ANGELU DE LEON
Noong March 17, 2024, humarap si Ara sa mga kaibigan niyang miyembro ng entertainment press para ipaalam ang mga nais niyang gawin sakaling palaring maihalal bilang konsehal ng Pasig City.
Dito ay hindi naiwasang matanong si Ara kung kamusta sila ni Angelu.
Ayon sa kanya, nananatili silang civil sa isa't isa.
Sabi ni Ara: "Okay naman kami, nagkikita kaming dalawa sa mga events.
"Tapos sa kabilang party, siya yung artista dun, ako naman kay Ate Sarah."
Nagkausap ba sila?
Saglit lamang daw.
Dagdag niya, "Noong una, sabi niya, 'O, tatakbo ka daw?'"
Hindi raw kaagad siya nakasagot sa tanong ni Angelu.
Kuwento ni Ara: "Actually nung bumaba ako nun, di pa talaga ako [nagdedeklara] kasi ano yun, e, [event] para sa seniors yun, e.
"Nag-iisip pa rin ako. Pero bumaba ako kasi for charity nga.
"Sabi niya, 'O, tatakbo ka pala.'
"Napa-smile lang ako sa kanya. Di pa ako sumagot sa kanya nun.
"Pero okay naman kami, matagal na kami magkakilala, e."
Ano ang mga prayoridad niyang proyekto sa Pasig sakaling manalo siya?
Saad ni Ara: "Well, alam ng mga tao, I have advocacy, PWD [Persons With Disabilities].
"Isa yun sa gusto ko, maging more friendly ang city, PWD-friendly.
"And mag-focus din ako sa urban poor. And siyempre, sa women."
Sinabi rin ni Ara na nagpaabot na ng suporta sa kanya ang malapit niyang kaibigang si Piolo Pascual.
Read: Ara Mina, Shamcey Supsup seek posts in Pasig City council
SARAH DISCAYA RUNNING FOR MAYOR
Kasamang humarap ni Ara sa press ang mayoral candidate na si Sarah Discaya.
Si Sarah at ang mister nitong si Curlee Discaya ang may-ari ng St. Gerrard General Consultancy and Development Corporation, isang contracting company.
Ayon kay Ara, nagkakilala sila ni Sarah sa isang charity event. Mula raw noon, naging magkaibigan na sila.
Si Sarah rin daw ang kumumbinsi sa kanyang tumakbo sa ilalim ng kanilang grupo.
Tatlong buwan daw pinag-isipan ni Ara kung papalaot siya sa pulitika.
Dahil magkasundo raw sila sa maraming bagay pagdating sa kanilang mga adbokasiya, napapayag ang aktres na tumakbo.

Pangunahing tututukan daw ni Sarah ang kababaihan, healthcare para sa lahat, at ang sektor ng PWD.
Tulad kay Ara, malapit umano si Sarah sa mga batang may special needs kaya isa rin daw ito sa kanyang tututukan.
Excited din daw sina Ara at Sarah na maging "smart city" ang Pasig para masigurong konektado ang mga Pasigueño sa mga serbisyo ng local government units.
Notice: This article falls under promotional material for candidates running in the 2025 election.
