Maituturing na makulay ang 2025 midterm elections lalo na nang lumabas ang resulta ng nangyaring halalan ng Mayo 12, 2025.
Halimbawa, kumpara sa mga nakaraang eleksyon, maraming artistang tumakbo ngayon para sa national and local posts ang hindi nanalo.
Kung anuman, nangangahulugan itong tila may nagbago na sa pananaw ng mga botante pagdating sa mga kandidatong iluluklok sa gobyerno.
Read: How did celebrities fare in the 2025 elections?
Hindi rin nawalan ng drama at komedya ang eleksyong ito.
Tulad halimbawa ng nanalong mayor ng Rizal, Cagayan, na si Jamila Ruma.
Sa edad na 21, ang dalagang si Jamila ang pinakabatang mayor-elect ng bansa nitong 2025.
Kinagiliwan naman at nag-viral ang councilor-elect ng San Ildefonso, Bulacan, na si Nong Nong Bautista.
Ito ay dahil sa “pagmamakaawa” nitong iboto siya dahil ilang beses na siyang natatalo.
Read: Iba pang celebs na nanalo at natalo sa 2025 elections
JAMILA RUMA: YOUNGEST MAYOR IN 2025 ELECTIONS
Bittersweet ang pagkapanalo ni Jamila Ruma bilang alkalde ng Rizal, Cagayan.
Ang amang si incumbent Mayor Joel Ruma ang official candidate bilang re-electionist.
Ngunit noong April 23, 2025, sa gitna ng pangangampanya, pinatay si Mayor Ruma sa tama ng baril.
Ayon sa kapulisan, nagmula ang bala sa isang sniper-rifle. Ngunit hanggang ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang salarin.
Sa pagpanaw ni Mayor Ruma, humalili sa pagtakbo sa pagka-alkalde ang anak na si Jamila.
Nanalo si Jamila, gayundin ang ina nitong si Brenda Ruma na tumakbo sa pagka-bise alkalde.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, nagbitiw ng pangako si Jamila matapos manalo.
Pahayag ng 21-year-old: “Bilang susunod din po na pinakabatang alkalde po sa buong Pilipinas, I vow to be a great example of good governance po sa ating mga kabataan, kahit hindi po ganun kaganda ang istorya kung bakit nandito po ako sa sitwasyon na ito ngayon.
“Mai-inspire po natin ang susunod na henerasyon din po.”
Sabi pa ni Jamila: “I may be young, but public service knows no age.
“As long as determinado, buo ang loob, at maganda ang intensiyon mo na magsilbi sa iyong bayan, sa gabay po ng ating Diyos at sa patnubay rin ng aking ina na si Vice-Mayor Brenda, I know po that my father is extremely proud of me, for standing up for him.
"And I also know that he is watching over and guiding us through every step of our journey.”
Si Jamila ay nagtapos ng Development Studies sa De La Salle University, at consistent na Dean’s Lister.

Hindi si Jamila ang unang naihalal na mayor sa edad na 21.
Si Jose Antonio “Tonton” C. Bustos ay 21 nang naihalal na mayor ng Masantol, Pampanga, noong 2022 elections.
Taong 2016, sa edad din na 21, nang manalo bilang mayor ng Cabugao, Ilocos Sur, si Josh Edward Cobangbang.
CAMPAIGN JINGLE THAT WENT VIRAL
Napukaw naman ang atensiyon ng mga taga-San Ildefonso, Bulacan, sa ginamit na campaign jingle ni Nong Nong Bautista, isang kandidato para konsehal.
Maging ang netizens ay naaliw sa kanyang campaign jingle dahil sa lyrics nitong nagmamakaawang iboto siya.
Ito rin ang sinasabing rason kaya siya nag-No. 1 sa lahat ng tumakbong konsehal sa kanilang bayan.
Sa tono ng musikang ginamit sa hit Korean Netflix series na Squid Game Season 2, ang campaign jingle ni Nong Nong ay may catchy lyrics: “Parang awa niyo na, pangatlong laban ko na…”
Ito na kasi ang pangatlong beses ng pagtakbo ni Bautista.
Paliwanag ni Bautista sa panayam sa kanya ng News5, “Nagmamakaawa na po talaga ako dahil gusto ko po talagang maglingkod sa bayan ng San Ildefonso.”

Sabi naman niya sa 105.1 Brigada News: “Inisip ko po, ano ba magandang jingle? Nakikita ko po, naririnig ko po yung mga jingle, puro mga pangako, puro magagandang salita, panghihikayat sa mga tao, na sila ay iboto.
“Nakaisip po ako ng isang magandang kakaiba na tatatak sa tao, na itong tao na ito nagmaakawa dahil gusto ko lang maglingkod sa bayan ng San Ildefonso."
Taong 2013 ay tumakbo si Bautista bilang kagawad, subalit natalo. Pero itinalaga siya ng kanilang barangay captain bilang kalihim ng barangay.
Tumakbo siya sa pagkakonsehal noong 2019 at 2022, pero natalo. Pinalad na siyang manalo ngayong 2025.
