“Yes” ang sagot ni Will Ashley sa tanong kung bukas siya sa posibilidad na muling makapareha sa isang proyekto ang Kapamilya actress na si Bianca de Vera.
Sa The Big Collove concert ng Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition ex-housemates na ginanap sa Araneta Coliseum nitong Linggo ng gabi, August 10, 2025, tinanong si Will makaraan nilang mag-perform ng ka-duo niyang si Ralph de Leon.
Read: WillCa, DustBia spark fan hysteria at PBB The Big Collove concert
Binasa ng host na si Bianca Gonalez ang tanong mula sa isang fan: "Are you open, Will, to work with Bianca de Vera as a love team again? Yes or no?"
Hindi agad nakasagot si Will dahil sa pagdagundong ng loob ng Araneta Coliseum bunsod ng napakalakas na tilian at hiyawan ng fans ng tambalan nila ni Bianca, ang WillCa, at maging ng iba pang nasa audience.
Nang bahagyang kumalma ang crowd, sumagot si Will ng, "Ako po, siyempre looking forward po ako na mangyari, so yes."
Nagparinig at nanawagan pa ang Kapuso actor sa executive bosses ng GMA-7 at ABS-CBN, na nasa audience, na pagbigyan sila muli ni Bianca na magsama sa isang proyekto.
Aniya: "To our bosses, Ms. Annette [Gozon-Valdes], Ma’am Cory [Vidanes], and Direk Lauren [Dyogi], hello po."
WILLCA FIRST PROJECT TOGETHER
Taong 2023 nang magkrus ang landas nina Bianca at Will sa pamamagitan ng unang collab drama series ng ABS-CBN at GMA-7, ang Unbreak My Heart.
Dito gumanap si Will bilang si Jerry habang si Bianca naman bilang Gwen.
Ang kanilang mga karakter ay nagsimula bilang magkaibigan hanggang sa magkagustuhan at maging magkasintahan.
Read: Will Ashley addresses real score with Bianca de Vera
WILLCA'S RELATIONSHIP INSIDE THE PBB HOUSE
Dahil sa chemistry na nabuo ng dalawa, marami sa kanilang fans ang nag-abang sa kanila sa PBB house.
Sa isang episode ng PBB, lakas-loob na hinarap at ipinagtapat ni Will sa aktres ang kanyang nararamdaman at panghihinayang sa naudlot nilang pagkakaibigan, dalawang taon na ang nakakaraan.
Read: Will clarifies viral hug with Bianca in PBB Big Night
Bagamat noo'y may malalim silang koneksiyon at pagkakaintindihan, hindi napunta sa puntong nagkaaminan sila sa tunay nilang nararamdaman.
Matapos daw kasi ang taping at pag-ere ng Unbreak My Heart ay unti-unti ring nanlamig at nawala ang komunikasyon at pagiging malapit nina Bianca at Will, dulot na rin ng magkaiba nilang network at magkahiwalay na projects.
Dito rin nanggaling ang tawagan nilang "taping friends" sa loob ng Bahay Ni Kuya.
Read: Did Bianca de Vera just "taping friend" zone Will Ashley?
WILLCA-DustBIA SONG PERFORMANCES
Isa sa pinakahiniyawan nang hustong production number sa PBB The Big Collove concert ay ang pagsasama nina Will, Bianca, at Dustin Yu sa entablado.
Sa kanilang song number, unang lumabas sa stage si Will at sinimulan ang kantang "Akin Ka Na Lang" ni Morissette.
Sumunod si Bianca na kinanta naman ang unang bahagi ng "Sana Dalawa Ang Puso Ko" ni Bodjie Dasig.
Read: Are Dustin Yu and Will Ashley open to do a project with Bianca?
Mula sa kanilang puwesto sa magkabilang dulo ay nagtagpo ang dalawa sa gitna ng stage para sa kanilang duet, dahilan ng pagdagundong sa loob ng Araneta Coliseum dahil sa napakalakas na tilian at hiyawan.
Lalo na nang mag-share sila ng isang mikropono at nang mag-holding hands sila, at nang hawakan ni Will ang mukha ng aktres.

Read: Will Ashley speaks up on WillCa-DustBia fan war
Hindi naman nagpatalo ang DustBia (tawag sa tambalan nina Dustin at Bianca) fans dahil tinapatan nila ang pagtoili at paghiyaw nang pumasok si Dustin at kumanta ng "Akin Ka Na Lang" ng Itchyworms.
Itinuloy naman ni Bianca ang pagkanta ng "Sana Dalawa Ang Puso Ko" at saka sila nag-duet ni Dustin na nagpakilig nang husto sa kanilang fans.

Tila feel na feel naman ni Bianca ang ang-haba-ng-hair moment niya dahil sa "pag-aagawan" sa kanya nina Will at Dustin habang kinakanta ang "Ang Ganda Ko" ni Sandara Park.
Sa isang punto ay nilapitan niya pareho sina Will at Dustin na nasa magkabilang dulo. Pinisil niya ang pisngi ni Will at nag-flying kiss naman siya kay Dustin.
Lalong lumakas ang tilian at hiyawan nang magtagpo ang tatlo sa gitna ng stage at kinanta nina Will at Dustin para kay Bianca ang "Palagi" ni TJ Monterde, at sinundan naman ni Bianca ng "Sana Dalawa Ang Puso Ko."
Read: Dustin Yu, nililigawan na nga ba si Bianca de Vera?
Additional reports by Erwin Santiago.
