Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ng Kapuso actor na si Will Ashley ang kuwento sa likod ng viral hugging video nila ng Kapamilya actress na si Bianca de Vera sa Big Night ng Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition.
Sina Will at Bianca ay naging housemates sa makasaysayang edisyon ng PBB.
Ilang araw nang usap-usapan online ang kuhang video nina Will at Bianca sa naganap na Big Night sa New Frontier Theater noong July 5, 2025.
Read: PBB: Celebrity Collab Big Night highlights
Bukod sa pagkakahirang na Second Big Placer ni Will at ng ka-final duo niyang si Ralph de Leon, naging viral ang interaksiyon nina Will at Bianca.
Sa mga kumalat na video, makikita ang paglapit ni Bianca kay Will sa pagtatapos ng Big Night para i-congratulate ito.
Read: Will Ashley reflects on his PBB Celebrity Collab journey
Tila isang eksena sa pelikula ang nasaksihan ng publiko kung saan nagkakasiyahan at nagtatalunan si Will kasama ang ex-housemates na sina Michael Sager at Emilio Daez, at biglang kumalma si Will nang kalabitin siya ni Bianca.
Pagkatapos ng ilang sandali ay mahigit na nagyakap ang dalawa na ikinakilig ng mga nasa loob ng venue at ng mga nakapanood ng video sa social media.
Ayon pa sa mga naglabasang ulat, bago raw magyakapan ang dalawa ay nagpaalam pa si Will kay Bianca kung maaari niya itong yakapin.
Nang pumayag, hindi raw nag-aksaya ng oras si Will para hagkan nang mahigpit ang noo'y malapit niyang kaibigan.
Dahil sa video ng dalawa, marami ang kinilig na netizens partikular na ang fans ng kanilang tandem na WillCa (portmanteau o pinagsamang pangalan nina Will at Bianca).
Hindi man opisyal na naging loveteam sa loob ng bahay ang dalawang housemates ay marami pa rin silang hukbo ng mga tagahanga.
Ang naging ka-loveteam ni Bianca sa PBB house ay ang kapwa Kapuso actor ni Will na si Dustin Yu.
Read: Dustin Yu admits he was jealous of Will Ashley
Will Details Story Behind Viral Hugging Video
Sa panayam ni Will, kasama si Ralph, sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Huwebes, July 10, 2025, tinanong ng host na si Boy Abunda kung ano ang kuwento sa likod ng mahigpit na yakapan nila ni Bianca.
Read: Ralph de Leon acknowledges Will Ashley’s role in his PBB journey
Pagbabalik-tanaw ni Will sa naging interaksiyon nila ni Bianca: "Nasa isang stage po kami tapos sakto po nagkalapit kami ni Bianca.
"Naikukuwento po niya sa akin sa loob ng Bahay Ni Kuya na pangarap po niyang maging parte ng Big 4.
"So, ang nabanggit ko po sa kanya nung time na yun is 'sayang' po.
"Gusto ko kasing magkasama kami sa stage, e.
"Gusto ko po na mai-share din sa kanya yung stage since lagi po niyang sinasabi sa akin na gusto niya maging part ng Big 4.
"And I told her po na sobrang proud ako, sobrang proud ako sa kanya.
"Ayun lang naman po yung naging conversation namin."
Read: Will addresses "love triangle" with Bianca and Dustin in PBB
Sundot na tanong ni Boy, "Who said, ‘Can I hug you?’"
Dito na nilinaw ni Will na hindi niya ito sinabi, maging ni Bianca.

Maaaring na-misinterpret lang daw ng netizens ang naging buka ng kanyang bibig noon.
Saad ni Will: "Actually, wala naman pong katanungan na ‘Can I hug you?’
"Wala naman pong nagtanong na ‘Can I hug you?’. Kasi, parang ano na po sa aming mga housemates yun na yung magyayakapan.
"Kumbaga, ayun po yung love language namin."
BIANCA AND WILL'S PAST
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na bago pa man pumasok sa loob ng PBB house sina Will at Bianca ay magkakilala na sila.
Sa episode ng PBB: Celebrity Collab Edition noong April 9, lakas-loob hinarap at ipinagtapat ni Will kay Bianca ang kanyang nararamdaman at panghihinayang sa naudlot nilang pagkakaibigan ng Kapamilya actress, dalawang taon na ang nakararaan.
Taong 2023 nang magtambal sila sa unang collab drama series ng ABS-CBN at GMA-7, ang Unbreak My Heart.
Makalipas ang dalawang taon, nagtagpo muli ang kanilang landas nang kapwa sila maging housemates sa PBB: Celebrity Collab Edition.
Habang nasa loob ng Bahay Ni Kuya, napag-usapan nina Will at Bianca ang pagiging close nila noon, ngunit hindi napunta sa puntong nagkaaminan sa tunay nilang nararamdaman.

Matapos daw kasi ang taping at pag-ere ng Unbreak My Heart ay unti-unti ring nawala ang komunikasyon at pagiging malapit nina Bianca at Will, dulot na rin ng magkaiba nilang network at magkahiwalay na projects.
Dito rin nanggaling ang tawagan nilang "taping friends" sa loob ng Bahay Ni Kuya.
