"That was my biggest purchase ever."
Ito na lamang ang nasambit ng dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata nang makabili siya ng mamahaling sapatos sa Dior habang siya'y nasa Tokyo, Japan, kamakailan.
Ngunit ang nasabing sapatos ay hindi para kay Shuvee. Ito ay regalo para sa malapit niyang kaibigan at kapwa PBB housemate na si Ashley Ortega.
Read: Ashley Ortega admits being hurt by "starlet" tag
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, September 19, 2025, ibinahagi ni Shuvee na napalitan na niya sa wakas ang nasira niyang sapatos ni Ashley.

Pagbabahagi ng aktres: "First time ko pumunta sa Dior, pumasok ako sa Dior kasi nga may nasira po akong heels ni Ash na Dior.
"So, dala-dala ko yun. Sabi ko talaga sa sarili ko, once magka-pera na ako, bibilhan ko si Ashley ng Dior na sapatos.
"Noong nasa Japan ako, hindi talaga ako nag-shopping kasi hindi ko naman feel yung need ko to shop.
"E, last day ko na, sabi ko, 'Ay mura lang daw dito yung [Dior].'
"Tiningnan ko yung bangko ko, sabi ko, 'Parang kaya ko naman na pala. Kaya ko naman na pala siguro.'
Read: Shuvee Etrata buys first car worth over PHP1.8 million
Shuvee recalls first Dior store visit
Kuwento pa ni Shuvee, hindi niya naiwasang manibago at kabahan sa loob ng Dior store dahil ito ang unang beses niya na pumasok dito.
"Pumunta ako ng Dior, binigyan ako ng water...nanginginig-nginig na ang loob ko, siyempre, first time ko yun [kahit] na kasama ko yung tito ko na hindi rin marunong.
"Kinakabahan ako kasi baka paalisin ako. [Inisip ko na lang na kunwari], 'Shuvee, imagine mo na lang palagi ka rito, magkano ito?'
"Ganun-ganun ako, Tito Boy, pero I was really happy to buy [those] shoes for her.
"That was my biggest purchase ever," saad niya.
Kuwelang hirit pa ni Shuvee, "Yung tubig [na ibinigay sa akin] dinala ko pa sa hotel namin, sabi ko, 'Dior 'to,' pero ganun din naman pala yung lasa, tubig lang din pala."
Noong July 26, sa vlog sa YouTube ni Vice Ganda unang ibinahagi ni Shuvee ang nasira niyang sapatos ni Ashley nang gamitin niya ito sa isang guesting paka-evict niya sa PBB.
Aniya noon, "Hindi ko rin alam paano [nasira] basta kasama ko si Mowm [Klarisse de Guzman] nun, nakaupo kami.
"Hindi ko napansin na may dents na siya sa likod."
Read: Shuvee Etrata chooses to invest in land over luxury
Agad naman daw siyang humingi ng tawad kay Ashley nang sabihin niya ritong hindi niya sinasadya.
Kilalang malapit na magkaibigan sina Shuvee at Ashley simula nang magkasama sila sila sa defunct GMA Primetime drama series na Heart on Ice.
Matapos ang naturang show, nagsama sina Shuvee at Ashley sa iisang bahay dahil pareho nilang hindi kasama ang kani-kanilang pamilya.
