Binasag na ni Raymart Santiago ang kanyang pananahimik kaugnay ng pagbuhay muli ni Inday Barretto ng mga lumang isyu ng aktor at ng estranged wife nitong si Claudine Barretto.
Si Claudine ang bunsong anak ni Inday at ng namayapa nitong asawang si Miguel Barretto.
Noong October 19, 2025 ay in-upload sa YouTube ang panayam ni Ogie Diaz sa ina ni Claudine na si Inday.
Dito ay isiniwalat ng Barretto matriarch ang mga nalalaman at nasaksihan niya sa mga "kahayupan" na ginawa umano ni Raymart kay Claudine.
Mabigat at seryoso ang mga alegasyon ni Inday laban kay Raymart gaya ng pananakit, pambubugbog, panggigipit, at panggagahasa.
Naglabas noon ng pahayag ang legal counsel ni Raymart, ang Calleja Law Firm.
Tinawag nilang "untruthful and slanderous" ang mga alegasyon ni Inday.
Read: Inday Barretto warns Jodi Sta. Maria about Raymart Santiago
RAYMART SANTIAGO FINALLy SPEAKS UP
Sa pamamagitan ng Instagram Stories ngayong Lunes ng hapon, October 27, 2025, naglabas si Raymart ng kanyang saloobin sa pag-ungkat ni Inday sa mga dati nilang isyu ni Claudine.
Ayon sa aktor, matagal niyang pinag-isipan kung kailangan na niyang basagin ang matagal na pananahimik upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya ng kampo ng nakahiwalayang asawa.
Ito ay para na rin daw sa kanyang ikatatahimik.
Saad ni Raymart (published as is): "Ilang araw ko rin pinagisipan kung kailangan ko pa bang personal na magsalita.
"Kahit mas matimbang sa akin na manahimik na lang, siguro ay kailangan ko rin ilabas kahit paano ang aking saloobin para sa aking kapayapaan.
"Sa loob ng halos labintatlong taon, pinili kong manahimik at idaan ang lahat sa tamang proseso.
"Naging mahirap ito dahil ang pangalan na iningatan at ipinamana ng aking mga magulang ay nadungisan dahil sa mga kasinungalingan at maling akusasyon.
"Masakit, dahil may mga anak kaming nakakaintindi na at naaapektuhan ng kanilang mga naririnig at nababasa sa media.
"Nakakadismaya, dahil kung makapagsalita ang iba ay akala mong naging bahagi sila ng aming buhay at ang lahat ay alam nila.
"Kahit na ganon, alam ko na ang pananahimik ang mas makabubuti para sa aming kanya-kanyang pamilya at mga anak.
"At alam ko at ng mga tunay na nakakakilala sa amin ang katotohanan."
Read: Raymart Santiago reveals "final straw" that did in his marriage to Claudine Barretto
RAYMART ON MOMMY INDAY'S DISGUSTING ACCUSATIONS
Nakarating daw kay Raymart ang "nakakasuklam na akusayon" ni Inday, na itinuring niyang pangalawang ina.
Labis daw itong ikinagulat ni Raymart dahil ang taong dapat ay higit na nakakakilala sa sarili nitong anak at labis daw humingi ng paumanhin sa kanya noon ang siya ngayong nagpakawala ng "mga kasinungalingan."
Himutok ng aktor: "Hindi kaila sa akin ang paninira at nakasusuklam na akusasyon ni Mommy Inday, ang taong nirespeto, minahal at tinuring kong pangalawang ina.
"Pero nakagugulat, dahil yung tao na dapat na higit na nakakikilala sa kanyang anak, ang taong siya mismong walang humpay sa paghingi ng paumanhin sa akin nuong mga nagdaang panahon ay siya ngayong nagbibitaw ng mga kasinungalingan.
"Hindi ko lubos maisip kung paano nila nasisikmurang humarap sa publiko at ipahiya ang kanilang sariling pamilya at harap harapang manira ng ibang tao."
Muling iginiit ni Raymart na hindi niya ginawa ang mga akusasyon laban sa kanya ng mag-inang Inday at Claudine.
Pahayag niya: "Hindi man naging perpekto ang aming pagsasama, malinaw sa aking konsensya na kailanman ay hindi ko nagawa o magagawa ang mga paratang nila.
"Tinupad ko ang pangako ko sa kanila ni Daddy Pikey [Miguel Barretto]. Kahit na sarili ko ay tinaya ko para maprotektahan lang ang anak nila.
"Higit sa lahat, mahal na mahal ko ang aking mga anak at binigay ko ang higit pa sa nararapat."
Sa huling bahagi ng kanyang pahayag ay nakiusap si Raymart na iwasan ng publiko ng magpahayag ng komentong "maaaring makasakit at makasama" sa kanila, lalo na ang kanyang mga anak.
Hahayaan na lamang daw niyang ipaubaya sa panahon na lumabas ang katotohanan.
Aniya: "Naiintindihan ko na kami ay 'public figures' at inaasahang tatanggapin ang bawat komento at kritisismo.
"Ngunit sa pagkakataong ito, hindi naman siguro kalabisan na hilingin ko na ang bawat isa ay umiwas sa pagpapahayag ng mga bagay na maaaring makasakit at makasama sa kapakanan ng bawat isa, lalo na sa aming mga anak at sa kanilang kinabukasan.
"Sa bandang huli, mas pipiliin ko pa rin ang respeto at na ipaubaya sa panahon na siyang humusga at maghayag ng katotohan."
Samantala, sa naunang pahayag ng legal counsel ni Raymart ay pinaalalahanan nila ang partido ni Claudine na umiiral pa rin ang gag order na inisyu ng Family Court ng Branch 5 ng Mandaluyong City noong September 20, 2023.
Sa loob daw ng panahong iyon ay matapat itong sinusunod ni Raymart, kaya umaasa silang susundin din ito ni Claudine at ng kanyang pamilya bilang respeto sa korte at, higit sa lahat, para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
