Hindi nakaligtas sa ilang mapagmasid na netizens ang lumang YouTube video ni Kim Chiu tungkol sa anila’y nagkatotoong prediction sa actress-TV host.
Binalaan pa ng feng shui expert si Kim na dapat itong mag-ingat pagdating sa pagtitiwala.
May kinalaman ito sa latest issue na kinasasangkutan ni Kim at nakatatandang kapatid nitong si Lakam Chiu.
Sinampahan ni Kim ng reklamong qualified theft si Lakam sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Martes, December 2, 2025.
Sa pahayag ni Kim, sinabi nitong may kinalaman ang paghahain niya ng reklamo sa “financial discrepancies” na natuklasan sa kanyang business assets.
Maugong sa social media na may kinalaman umano sa pagkalulong ni Lakam sa sugal ang dahilan kung bakit nawalan ng “substantial amounts” si Kim.
Nagpadala ng mensahe ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Lakam para kunin ang kanyang panig, subalit hindi pa ito sumasagot.
Read:
- Kim Chiu sues sister Lakam for qualified theft
- Kim Chiu accompanied by sister Twinkle at QC Prosecutor's Office
KIM chiu'S FENG SHUI warnings in 2024
Kaugnay nito, nahalungkat ng netizens ang YouTube video ni Kim noong February 2024 kung saan kumonsulta ito sa feng shui coach na si Johnson Chua.
Ang video ay para sa Chinese New Year noong 2024 na Year of the Wood Dragon.
Si Kim, na may dugong Chinese, ay consistent sa pagdiriwang ng tradisyon pagdating sa Chinese New Year, kasama na ang feng shui.
Ang kumalat sa social media ay video clip mula sa YouTube video na ito tungkol sa paalala ng feng shui expert sa mga isinilang sa Year of the Horse tulad ni Kim.
In-upload ang video sa X (Twitter) at makalipas lamang ang ilang oras ay higit 200,000 views na ito at patuloy na umaakyat.
Sa video, partikular na tinukoy ng feng shui expert ang tungkol sa pagnanakaw, pagtraydor, at backstabbing na maaaring maranasan sa zodiac sign ni Kim.
Incidentally, kasama ni Kim ang kapatid niyang si Lakam sa video na ito.
“May ilang things na kailangan bantayan,” paalala ni Chua kay Kim.
Kim: “Ano yun?!”
Lakam: “Ay, nakakakaba. Ayoko naman niyan.”
Kim: "Alam mo nagiging totoo iyan, e, yung mga sinasabi ni Johnson.”
Humingi ng detalye si Kim ukol sa mga paalala sa kanya ni Chua.
Sabi ng feng shui expert: “So far, ‘no, number one talaga na iingatan natin yung horse is that meron kasing robbery star ang horse, e.
“Ang problema kasi, when you talk about robbery, hindi lang naman pera ang ninanakaw, puwede yung trust, yung mga ganung klase.
“’Tapos also mga traitors and backfighters, you also need to be careful din. Mga user…”
“Maraming ganun ngayon,” bulalas ni Kim.
Nagpaalala si Chua sa Kapamilya actress na maging maingat ito.
“Shocks, magkakaroon pala ako this year ng trust issues,” sambit ni Kim.

Ang feng shui forecast na ibinigay ni Chua kay Kim ay para sa taong 2024, pero may ilang netizens ang nagsabing dalawang taon na raw ang tagal ng isyu nina Kim at Lakam.
Walang binanggit si Kim sa kanyang pahayag kung gaano na katagal nangyayari ang sigalot nila ng nakatatandang kapatid.
Subalit nabanggit ng aktres sa kanyang statement na pinag-isipan niya sa loob ng maraming buwan ang pagsasampa ng reklamo sa kapatid.
NETIZENS REACT
Kanya-kanyang reaksiyon at komento ang netizens sa pangyayari.
May ilang nagsabing nagkatotoo raw ang prediksiyon kay Kim.
Hindi rin nakaligtas sa mapanuring netizens na sa mismong video ay kasama pa si Lakam, na sinampahan ni Kim ng reklamo.

May isa pang nagsabing matapos ang ginawang legal action ni Kim, bigla nitong naalala ang feng shui video ng aktres noong 2024.
Samantala, kung nagkatotoo man ang prediksiyon o nagkataon lang, lagi ring ipinaaalala ng feng shui experts na ito ay gabay lamang.
Pero ang tiyak dito ay ang ipinunto ng maraming netizens kung gaano kahirap ang sitwasyon dahil magkadugo pa ang sangkot sa isyu.
Ang iba, may pahayag pang may pagkakataong sariling pamilya ang makakaaway mo sa usaping pera.
Pero ang sigurado raw, sabi ng iba, masakit para kay Kim ang pangyayaring ito.




