Naghatid ng aliw at good vibes online ang Kapamilya actress na si Sofia Andres matapos ang kanyang “wow mali” moment sa TV Patrol Express.
Noong Lunes, March 16, 2026, nag-guest si Sofia sa nasabing news program ng ABS-CBN para sa promotion ng Alibi, ang seryeng pinagbibidahan niya kasama sina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Read: Did Sofia Andres react to Chie-Matthew rumored breakup?
Ang tila “wow mali” moment ni Sofia ay nangyari sa huling spiel nila nina Jeff Canoy at Harlene Delgado.

Sa outro spiels ng programa, tila nakalimutan ni Sofia na may kailangan pa siyang basahin.
Read: Karen Davila apologizes for “Nagpa-Patrol, Karen Davila” blooper
Dahil sa pagkaaligaga, ipinakilala niya ang sarili bilang si Jeff, imbes na ang sarili niyang pangalan ang banggitin.
"Ako po..." muwestra ni Jeff sa nakalimot na si Sofia.
"Ako po si… Jeff Canoy…" ang naguluhan at gulat na saad ni Sofia.
“Sofia Andres!” natatawang pagtatama ni Jeff.
Dito na humagalpak sa tawa si Sofia nang mapagtantong mali ang nabasa niya sa teleprompter.

Mas nagdulot pa ng katatawanan ang insidente nang sakyan ni Jeff ang pagkakamali ng aktres at ipakilala rin ang sarili bilang si Sofia.
Ani Jeff, “At ako naman po si Sofia Andres. Maraming salamat, at magandang hapon, Kapamilya.”
NETIZENS REACTION ON SOFIA'S BLOOPER
Maraming netizens ang natuwa sa honest mistake na ito ni Sofia.
Tweet ng isang netizen sa X, kalakip ang video clip ng nasbaing insidente, "Yung sa pagod mo hindi mo na sure kung sino ka haha."
Biro pa ng isa (published as is), "POV MAY EXAM: KINOPYA MO PATI NAME NG KATABI MO."
"For me, hindi bagay kay Jeff Canoy ang long hair," hirit pa ng isa.
Dagdag pa ng isa, "I love how professionals TV news are, pero we need this pa rin nowadays e, lalo na't pabigat nang pabigat ang mga balita at nangyayari sa mundo."
SOFIA REACTS TO HER BLOOPER
Maging si Sofia ay hindi rin napigilang balikan ang kanyang pagkakamali on-air.
Sa Facebook, ini-upload niya ang video clip ng kanilang outro spiels, kalakip ang caption niyang, "Ako tuwing Monday be like. Best lutang moment hahahaha Jeff Canoy."
Hindi rin pinalampas ni Jeff na i-repost online ang nasabing video clip, kalakip ang caption niyang, "May bagong Jeff Canoy na."
