Naniniwala ang Kapamilya young actor na si Iñigo Jose na pasasaan pa't maaayos din ang hindi nila pagkakaunawaan ng amang si James Blanco.
Sa ginanap na Star Magic Spotlight presscon nitong Miyerkules, March 18, 2026, nahingan si Iñigo ng reaksiyon matapos isapubliko ni James ang gusot sa kanilang pamilya.
Kabilang dito ang hiwalayan nila ng asawang si Tania Creighton at ang hindi na umano pakikipag-usap sa kanya ng dalawa niyang anak na sina Iñigo at Sebastian.
Read: James Blanco on estrangement from kids: "Napakasakit."
Ayon kay Iñigo, nais niyang pag-usapan muna nang pribado ang isyu ng kanilang pamilya bago idetalye sa publiko kung ano ang puno't dulo ng kanilang hidwaan.
Hiling din ni Iñigo na bigyan sila ng sapat na panahon, dahil hindi raw ganoon kadali ang pinagdaraanan ng kanilang pamilya, lalo na ng kanyang ina.
Pahayag niya: "Ang masasabi ko lang po sa dad ko, sa mga nanonood, at sa mga nagko-comment diyan, ako po, I wanna keep it private matter.
"Siyempre po, gusto ko kami muna ang mag-usap, then afterwards puwede na pong pag-usapan sa publiko.
"Gusto ko po munang maayos privately yung family matters namin to give respect to my mom, as well to my family.
"Kasi hindi naman po madali pagdaanan yung mga ganyang bagay sa publiko.
"Kaya gusto ko po munang i-address iyon privately bago ko po siya pag-usapan publicly."
Read: Lella Ford grateful to Kaila Estrada for making Daniel "happy"
Gayunpaman, malaki ang tiwala ni Iñigo na maaayos din ang problemang kinakaharap ng kanilang pamilya.
Saad niya: “Nagkita po kami noong Christmas… pero hindi pa kami nakakapag-usap.
“Pero like I mentioned kanina, gusto ko po muna siyang pag-usapan in private.
“Maayos [din po] yan, siyempre. Pero we want to do that privately.”
James Blanco admits estrangement from son Iñigo Jose
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay James noong March 15, 2026, sinabi niyang napilitan siyang aminin ang katotohanan matapos ibunyag ni Iñigo sa publiko na hiwalay na ang kanyang mga magulang.
Kailangan din daw niyang klaruhin ang samu't saring mensahe ng panunumbat na kanyang natatanggap dahil sa umano'y hindi niya pagsuporta kay Iñigo nang sumali ito sa PBB: Celebrity Collab Edition 2.0.
“Sinasabi nilang pabaya akong tatay. Hindi ko sinuportahan ang anak ko sa PBB.
"At nung lumabas siya sa PBB house, wala ako. Anong alam nila kung nasaan ako?” himutok ni James.
Ayon sa aktor, wala siyang natanggap na imbitasyon kaya hindi siya nasilayan nang lumabas si Iñigo mula sa Bahay ni Kuya.
Masakit daw sa kalooban ni James na hindi na siya kinakausap ng kanyang mga anak na sina Iñigo at Sebastian mula pa noong Disyembre 2025.
Diumano, hindi na rin sumasagot ang dalawa sa mga text message na ipinadadala niya.
Read: James Blanco, napilitan lang umaming hiwalay na sa asawa
Ano ang mensahe ni James para kina Iñigo at Sebastian?
Saad niya: “Simple lang naman, hindi nila ako kaaway.
"Hindi ako kaaway ng mga anak ko, kakampi nila ako sa lahat ng bagay.
"Huwag nilang isipin na kaaway nila ako dahil ako magtatanggol sa kanila.
“Huwag nilang isipin na sinisiraan ko sila or ang nanay nila."
Malungkot na pagpapatuloy ni James: "Nasasaktan din ako bilang tatay.
"Masakit kasi siyempre ito yung mga panahong sinabi ko sa sarili ko na ayoko talagang magkakaroon ng isyu, tapos ang anak ko pa ang topic sa showbiz.”

Sa huli, sinabi ni James na handa siyang maghintay hanggang sa dumating ang araw na handa na siyang kausapin nina Iñigo at Sebastian.
Aniya: “Bilang tatay, nandito lang naman ako. Ang tatay… siyempre hanggang malakas ako, maghihintay ako sa kanila.
“I-explain lang nila sa akin kung ano ang problema.
"Huwag silang tumingin sa pagkukulang sa pinansiyal, tumingin sila kung anuman yung mga naitulong ko bilang tao sa kanila.
“Kasi lahat naman tayo nagkakaproblema sa pinansiyal.
"Kung ang pinansiyal na kakulangan, e, magiging basehan mo para maging masamang tatay ka, parang hindi yata maganda iyon.”
Additional report by Jojo Gabinete
