Tila reunion ang pelikulang All About Her para kina Quinn Carrillo, Marco Gomez, at Direk Joel Lamangan.
Matagal-tagal na kasi ang mga pinagsamahan nilang movie projects.
Si Direk Joel ang bumuo ng pelikulang Silab noong 2021 at Fall Guy noong 2023, kung saan naging bida sina Quinn at Marco.
Bukod pa riyan, naging screenwriter si Quinn para sa ilang pelikula ng direktor tulad ng Biyak at My Father, Myself noong 2022.
Umarte rin si Marco sa mga pelikulang isinulat ni Quinn.
Kabilang rito ang Mapanukso at Dayo noong 2024.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Quinn at Marco over Zoom para sa promo ng All About Her noong March 11, 2026.
Read: Veteran actress, muntik nang pumalpak ang pagpapa-enhance
ON DIREK JOEL
Si Quinn ang scriptwriter ng pelikulang kasali sa Sinag Maynila Independent Film Festival ngayong buwan.
Pulis naman ang role ni Marco rito.
Sa kuwento, iimbestigahan niya ang isang krimen na naganap sa isang beauty pageant.
Ang kuwento ng dalawa, lagi silang thankful na makatrabaho si Direk Joel.
“Kay Direk Joel kami nagsimula so you know we're very very blessed and we're always happy to work with him,” sabi ni Quinn.
Sambit naman ni Marco, nawala na ang unang pag-aalinlangan niya kay Direk Joel.
Read: Suspect charged in killing of Miss PH Earth 2013 runner-up

Matatandaang dalawang beses nag-back out ang male actor sa mga pelikulang ginawa ng direktor noong 2020. Isa sa mga raso ay ayaw niya ng kissing scene with a male co-star.
“Before po yun pero, siyempre, like what I mentioned, it's like my fourth time with him. Kumbaga, sanayan na rin yun, e. Tapos yung before, nung Silab days pa, sobrang baguhan pa ako noon. So ang dami ko natutunan noon ever since,” sabi ni Marco.
Hangad ni Marco na maging proud sa kanya ang batikang direktor.
“Gusto kong ipakita yung gumagaling ako bawat project with Direk Joel. Kasi ang dami mo pa rin puwedeng matutunan with Direk. Every time I work with him, there's always something new to learn.”
Pagpapatuloy pa ng dalawa, close na sila sa direktor, na may reputasyong mahigpit at terror sa set.
Ibig sabihin ba nito ay hindi na sila takot kay Direk Joel?
“Hindi, meron pa rin,” ang pabirong sagot ni Quinn. “
Mabilis na pagsang-ayon ni Marco, "Andoon pa rin."
Sobrang professional raw kasi ng award-winning director, pero kapag tapos na ang shoot ay masaya itong kasama.
Paliwanag ni Quinn, “Pag off-cam, off-work, alam mo, sobrang lambing ni Direk. Nagtatawanan kami, nagchi-chikahan kami, pero pag work, work talaga.”
ON WRITING THE SCREENPLAY
Kahit papaano, may pinagsamahan na sina Direk Joel at Quinn dahil sa kanilang directing at screenwriting team-up.
Para sa All About Her, sa direktor raw nanggaling ang ideya ng kuwento.
Ang kuwento ng StarStruck Batch 7 alumna: “Si Direk Joel yung nagbuo ng concepts. Sinabi niya na he has this concept about beauty queens, ganyan-ganyan, ito yung mangyayari. And then, so ako yung naglatag ng story.
"So I'm the screenplay. And yun, natuwa naman siya sa ginawa ko.”
Paano nga ba siya nagsimulang magsulat para sa pelikula?
“Before naman, even when I got into showbiz, I really like writing,” sagot niya.
“But, you know, for school, for personal. So, hindi ko siya plinano na i-pursue professionally. It was kind of like a hobby, you know, a secret hobby of mine.”
Noong 2020 ay nakilala niya ang writer, direktor, at producer na si Dennis Marasigan sa set ng pelikulang Eva, kung saan isa siya sa mga bida.
“Nasabi ko sa kanya na, you know what, Direk, it was always a hobby of mine to write. So, parang, can you give me advice?”
Matapos nito ay na-inspire siyang isulat ang una niyang screenplay.
At sa kabutihang-palad, tinanggap ito ng isang producer para gawing pelikula. “It's called Tahan,” kuwento pa ni Quinn.
“It starred Cloe Barreto, and then the late Ms. Jaclyn Jose, and si JC Santos. Sila ang bida. So, 3:16 Media Network gave me the chance to write for them at pinroduce nila ang movie na yun.”
Sa Vivamax, o VMX, ipinalabas ang Tahan noong July 2022.
Matapos ang premiere nito ay lalo pang nabigyan si Quinn ng oportunidad na magsulat para sa parehong streaming platform.
Marami sa mga pelikula ni Quinn ay mapapanood ngayon sa VMX tulad ng Showroom, Paupahan, Haslers, Kaskasero, at Hiram.
Proud na proud din siya sa All About Her, na magbubukas sa mga sinehan sa March 23, 2026.
“Sobrang happy namin. Of course, the whole production, the whole cast and everyone is really, really happy na ma-release kami theatrically,” saad ni Quinn.
Masaya siya na nakapasok ang kanyang sinulat sa Sinag Maynila Independent Film Festival.
“Yung jury members are very strict and very esteemed, di ba? So, talagang we're very happy na nakasama kami at napili kami ng Sinag Maynila for this year,” sabi pa ng writer-actress.
Sumang-ayon dito si Marco. “Sobrang nakaka-proud kasi isa kami sa napili as a Top 6 finalist sa Sinag Maynila. So doon pa lang, ano na kami, sobrang blessed na blessed na po kami dyan.”