Pag-asa ang hatid ni Vice Ganda sa mga masisipag na jeepney driver na naglaro sa segment na "Laro Laro Pick" ng noontime show na It's Showtime.
Ngayong Sabado, April 18, 2026, mga jeepney driver ang bumida sa segment, kung saan isa sa 20 manlalaro ang maaaring manalo ng tumataginting na PHP200,000.
Read: PEP Most Influential 2024 ICON: Vice Ganda
Sa huli, ang jeepney driver mula Caloocan City na si Ricky ang pinalad na makapasok sa jackpot round at nakapag-uwi ng premyong PHP200,000.
Bukod kay Ricky, hindi rin pinauwing luhaan ni Vice ang iba pang drivers nang bigyan niya ang bawat isa ng tig-PHP5,000, bukod pa rito ang kanilang napanalunang tig-PHP1,000 sa bawat round ng “Laro Laro Pick.”

Kabuuang 19 jeepney drivers ang nakatanggap ng tig-PHP5,000 mula kay Vice, na malaking tulong bilang pandagdag sa pambili ng gasolina sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa.
Ngayong araw nagbalik si Vice sa paghu-host ng It's Showtime matapos ang ilang linggong bakasyon.
Vice Ganda calls out government over fuel crisis affecting drivers
Bago tuluyang makuha ang jackpot prize, isang contestant na nagngangalang Hapon mula sa Bicol ang nakapagbahagi ng kanyang hirap na pinagdaanan..
Kuwento ni Hapon, mula Bicol ay lumuwas siya ng Maynila para maghanap ng trabaho, pambuhay sa pamilya niyang naiwan sa probinsya.
Read: BINI members introduce themselves in local languages at Coachella
Dahil hindi nakapagtapos ng pag-aaral, driver ng jeep na biyaheng Cubao-Quiapo ang napasukan niyang trabaho.
Sa una, maayos umano ang kita niya, ngunit nang tumaas ang presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa Middle East, hindi na niya kinayang punan ang boundary ng pinapasadang jeep.
Read: VIRAL: Gasoline boy explaining oil crisis is a cum laude graduate
Dahil dito, napilitan daw siyang tumigil sa pamamasada at pansamantalang tumira sa lansangan ng Cubao.

Mula sa pagiging driver, tagabuhat na lang ngayon si Hapon ng mga bagahe ng mga pasaherong umuuwi ng probinsya.
Bagamat walang katiyakan kung kikita siya rito, sapat na raw para kay Hapon ang barya-baryang ibinibigay sa kanya ng mga pasaherong pinagbubuhat niya.
Read: Kyline Alcantara gives free fuel to drivers amid rising oil prices
Nang marinig ang kuwento ni Hapon, hindi naiwasang malungkot ni Vice sa sinapit nito.
Paniniwala ng TV host, isa lang si Hapon sa libu-libong jeepney drivers na nakararanas ng ganito ngayon dahil sa krisis na kinahaharap ng bansa.
Bagamat may paunang ayuda na ang pamahalaan sa mga apektadong jeepney drivers nang mamigay ng tig-PHP5,000 sa mga ito noong mga nakaraang linggo, hindi raw ito sapat sa gastusin ng kanilang pamilya.

Kaya naman nanawagan si Vice sa pamahalaan.
Saad ng TV host-comedian: "Sana lang nanonood ang pamahalaan.
"Marami pong Pilipinong ganito ngayon, nawalan ng trabaho dahil sa taas ng presyo ng gasolina, lalung-lalo na ang mga drivers, sila ang unang tinamaan ng krisis na ito, mga hindi na makapasada.
"Makapasada man, wala naman kinikita.
"Ang tanong, ano ang plano niyo sa kanila?
"As a private citizen, you can always wish to help, pero hindi naman natin makakayanan lahat, e."
Patuloy ni Vice: "Bata pa lang naman tayo, tumataas na ang gasolina. Alam naman natin na mangyayari't mangyayari yan.
"Kaya dapat yung pamahalaan, bago pa mangyari yan, nag-iisip na kayo ng mga gagawin niyo kapag nangyari yan.
"Hindi yung kapag nangyari na, taranta kayo, nakanganga, at walang magagawa sa mga naghihirap na mamamayan."
Dahil sa nakakaantig na kuwento ni Hapon, nagpasya si Vice na tulungan siyang makauwi sa Bicol at magbigay ng panimulang puhunan.
Aniya sa huli: "Sa kasalukuyan, ang sitwasyon ng ABS-CBN ay hirap na hirap na rin pero hindi hihinto ang kumpanyang ito sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayang Pilipino.
"Magdadamayan tayo."
Read: ABS-CBN denounces "PR attacks" vs network amid family dispute
