Mariing inalmahan ng drag artist na si Angel Galang ang umano’y natatanggap niyang death threats online matapos niyang laitin ang kapwa drag artist na si Marina Summers, na nag-host sa Miss Universe Philippines 2026.
Ginanap ang grand coronation night ng most prestigious beauty pageant sa bansa noong May 2, 2026, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa isang social media post, sinabi ni Angel: “Binagot mo ang #MUPH. Totoong buhay lang.”

Bukod pa rito, nagbahagi rin siya ng note sa kanyang Facebook Story na nagsasabing, “Chaka host MUPH.”

Umani ito ng kaliwa’t kanang batikos mula sa fans ni Marina, maging sa ilang miyembro ng LGBTQIA+ community na hindi nagustuhan ang pangmamaliit ni Angel sa kapwa drag artist.
Agad namang humingi ng paumanhin si Angel sa publiko at kay Marina, kalakip ang pag-ako niya sa kanyang pagkakamali.
Read: Angel Galang apologizes to Marina Summers over "chaka host" post
Angel Reveals She Received Death Threats
Bagamat pinagsisisihan na ni Angel ang kanyang nagawa, hindi pa rin umano siya tinantanan ng ilang netizens.
Read: Kaladkaren defends Marina Summers’ hosting style at MUPH 2026
Sa Facebook post niya nitong Martes, May 5, inireklamo niya ang patuloy na batikos na natatanggap niya online, na umabot na raw sa pagbabanta sa kanyang buhay.
Mababasa sa post niya (published as is): "Mga tao, nakilala niyo ako na madalas hindi seryoso at nilalaro nalang ang lahat ng bagay, pero may gusto lang ako ibahagi sainyo.
"Nagkamali ako sobra sa nagawa ko, pero mali naman din siguro na pati buhay ko ay pinag-babantaan na.
"Naintindihan ko na. Naintindihan ko na hindi lahat laro, hindi lahat ginagawang biro, or dinadaan sa saya lalo na kapag mabigat ang mga bagay bagay.
"Naintindihan ko na ang bigat ng salitang sisterhood at tunay na suporta.
"Malaki ang pasasalamat ko sa mga taong sumusuporta parin hanggang ngayon, pero parang hindi naman tama na hinihiling na mamatay ako.
"Naisip ko lang, hanggang saang sukdulan ang galit niyo para hilingin na mawala ako sa eksena?"
Sa kabila nito, nagpasalamat si Angel sa mga taong nagpayo at tumulong sa kanya upang matutunan ang pagiging mas maingat sa pagbibigay ng opinyon online, lalo na kung maaari itong makasakit ng damdamin ng iba.
Saad niya: "Salamat uli sa mga lessons na binigay niyo sakin, isa itong malaking pagkatuto sa akin na maging maingat sa pagsabi ng mga opinyon, lalo na kung alam kong makakasakit ako ng damdamin.
"Habang ako ay lalayo at patuloy na dadamdamin ang mga aral ng sitwasyon, makikipag coordinate ako sa mga tamang tao dahil hindi naman din tama pati ang buhay ko ay pinagbabantaan.
"Salamat sa mga tunay na nagmamahal at sana maghilom din ang lahat ng sugat sa takdang panahon."
Read: AC denies using "connections" to get early BTS pop-up access
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Marina laban sa mga naging pahayag sa kanya ni Angel.
Read: Jonas Gaffud's MUPH 2026 viral clip clarified by pageant official
