Hindi tinantanan ng isang netizen si Bela Padilla matapos itong magbigay ng kanyang paglilinaw ukol sa ugnayan nila ng kanyang tiyuhing si Senator Robin Padilla.
Nauna nang nagpaliwanag si Bela tungkol sa relasyon nila ng tiyuhing si Robin na pareho niyang nasa showbiz din.
Ayon sa aktres, manunulat, at direktor, hindi sila ganun kalapit ng tiyuhing si Robin kahit pa iisa ang mundong kanilang ginagalawan.
Ginawa ni Bela ang paglilinaw matapos punahin ng isang netizen ang pagigiging bukambibig niya sa pagbatikos kay Senator Ronald "Bato" dela Rosa dahil sa kinakaharap nitong warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Puna ng netizen, napakaingay ni Bela sa iba pero hindi sa "incompetent" uncle niyang si Robin.
Inakusahan pa siya nitong kinaray ang tito sa kinabibilangan niyang primetime show sa ABS-CBN, ang Blood vs. Duty.
Read: Bela Padilla on uncle Robin: "We manage to agree to disagree."
BELA PADILLA: "bakit ako aalis sa trabaho ko?"
Sa X (dating Twitter) kagabi, May 14, 2026, sinagot ni Bela ang naunang komento ng netizen tungkol sa pagkakasama kay Robin sa Blood vs. Duty.
Nilinaw niya na wala siyang kinalaman sa pagpasok ni Robin sa serye dalawang linggo ang nakararaan.
Paliwanag ni Bela: "Sorry, but, what? I’m also assigned projects too. I was cast in this project in December.
"My uncle was added on recently. I have no power whatsoever in casting decisions. Hindi nga ako ang pinakamalaking muka sa poster.
"I don’t see anyone else from the cast being asked here. Has he added me in any of his films/shows previously?
"Get your facts straight. We work and are managed separately."
Pero hindi pa rin natapos sa pagbatikos ang netizen.
Gusto ng netizen na umalis si Bela sa serye bilang patunay sa pagkontra ng aktres sa political views ng tiyuhin nito.
Sabi ng netizen, "Sana sinabi mo na lang 'Aalis na ko sa project kaysa masakama ang damuho kong uncle na pahirap sa bansa' kaso hindi. Bakit kaya??? (laughing emoji)"
Dagdag pa ng netizen; "Tawag don pag aklas. Para di mabigyan ng platform yang tito mo. Pero okay lang siguro sayo. at wala namang nagpaparesign sayo, may expectations lang ang tao sayo as you being may say sa politika."
Ipinunto ni Bela na wala sa hulog ang gustong mangyari ng netizen.
Diin niya, ang paglilinaw niya na magkaiba ang political views nila ng tiyuhin ay sapat na para ipakita ang posisyon niya pagdating sa nangyayari sa Senado ngayon.
Pero hindi raw para gumawa siya ng aksyon para lang mapunan ang mga kapritso ng netizen.
Aniya, "Ikaw lang may expectations sakin na ganito kataas, actually.
"Me speaking up and separating us was already my way of saying I’m not ok with things. But I’m not going to extremes to satisfy your whims."
Nauna na ring ipinaliwanag ni Bela na walang kinalaman ang tiyuhin sa kanyang "career, choices, and convictions."
Dagdag niya, may mga responsibilidad siya at at may kontratang dapat tuparin.
Sabi ni Bela: "Bakit ako aalis sa trabaho ko? At ako lang ba part of the original cast? Bakit ako lang pinagre-resign mo?
"Ikaw ba magbabayad ng bills ko pag umalis ako sa show? Wala ba kaming mga kontrata na kelangan tapusin? Ang dali naman ng buhay para sa yo."
Mukhang sumuko na ang netizen kay Bela.
Sabi na lang niya, "Okay te. Now we know na dapat babaan ang expectations sayo despite you being politically and socially aware and very vocal sa mga nagbabagang issues."

Hindi rin pinalampas ni Bela ang name-calling ng isang netizen.
Sabi kasi ng netizen, "I am not asking him to tell her uncle. I, instead, told her about how stupid and dumb her uncle is."
Sagot ni Bela: "And since there’s no call to action here, what do you want to achieve?
"What does this do for you or for me? Wala naman diba? So what was this for?
"Calling someone dumb doesn’t make you smarter. Surely doesn’t make you kinder. This isn’t the win you think it is."
