Nananawagan si Dagul, Romeo “Romy” Pastrana sa totoong buhay, sa mga dati niyang kasamahan sa showbiz industry na tulungan siya sa kabila ng mga hamong kinahaharap niya ngayon.
Tumatak sa telebisyon ang little person na si Dagul nang mapabilang siya sa comedy show na Kool Ka Lang (2001–2003) sa GMA-7 at sa gag show na Goin’ Bulilit (2005–2019) sa ABS-CBN.
Read: Heart, John revive "Please Be Careful With My Heart" duet
Ngunit ang isa sa mga pinakakilalang komedyante noon ay aminadong nahihirapan ngayon sa buhay.
Sa panayam ni Dagul sa Kay Susan Tayo! Vlogs noong August 1, 2026, emosyonal niyang ibinahagi na sa edad na 66, halos wala na siyang proyekto at nahihirapan silang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin, lalo na matapos siyang magkasakit noong 2025.

"Okay na ang health, hindi tulad dati, noong last year na lagi akong nasa hospital.
“Parang paglabas ko, after one week, babalik na naman ako [sa ospital].
“Ang sakit ko kasi pulmo, sleep apnea, at mino-monitor din ang kidney ko,” ani Dagul nang kumustahin ni Susan Enriquez ang kanyang kalagayan.
Read: Ex-"Goin Bulilit" kids now all grown up (Part 6)
Bukod sa mga nabanggit niyang kondisyon, hindi na rin daw siya makalakad at makatayo nang tuwid at maayos dahil sa problema niya sa tuhod, dahilan para gumamit siya ng wheelchair.
Pahayag niya: "Dati kasi noong okay-okay pa akong nagte-taping sa Goin’ Bulilit, hindi ko na kayang maglakad nang malayo.
“So ngayon, totally hindi ko na kaya kasi nga yung tuhod ko, siguro nga kasi mabigat na yung katawan ko, so hindi na kaya ng tuhod ko tumayo at maglakad.”
Mayroon din daw iniindang problema sa mata sa Dagul.
“Sa left po, nagpatingin ako, may katarata.
“Kaya lang hindi agad maoperahan kasi mino-monitor pa yung heart ko.
“Marami silang hinihinging test... At the same time, [problema] rin sa financial," sabi niya.
Dagul appeals for work to help ease financial struggles
Ito raw ang mga dahilan kung bakit nanawagan si Dagul sa mga dati niyang nakasama na bigyan siya ng trabaho, raket, o anumang maaari niyang pagkakitaan.
Saad niya: "Walang projects ngayon.
"Gusto ko rin nga magkaroon ng trabaho [para] sa mga bayarin namin pang-araw-araw, kasi wala rin namang tumutulong sa akin na magtrabaho.
"Ang pinakasandata ko ay ang magdasal. Sabi ko, ‘Lord, tulungan mo naman kami. Sana may dumating na biyaya o trabaho. Kung sino man ang mahipo Mo na tulungan kami.'
"Ayon po ang lagi kong hiling."

Kabilang sa mga pinakiusapan ni Dagul ay ang mga nakasama niya noon sa Goin’ Bulilit—sina Kathryn Bernardo, Julia Montes, Belle Mariano, at Kiray Celis.
Pahayag niya: "Ang dami nang sumikat na bata noon na kasama ko. Si Julia ni Direk Coco [Martin], Kathryn, si Kiray, si Belle.
"Tuwang-tuwa ako sa narating nila. Sabi ko sa isip ko, 'Ayan ang mga bata na kasama ko dati.'
"Biruin mo kapag nagte-taping kami, takbuhan, laro. Pero ngayon kita mo sikat na sikat na.
"Kaya tuwang-tuwa ako sa mga yan kapag nakikita ko."
Read: Pen Medina reveals Coco Martin's financial assistance; Coco reacts
Pagsusumamo pa niya: "Sa Goin' Bulilit, alam ko naman na marami sa inyo ang sumikat.
"Sana mapansin niyo ako kung may maitutulong man kayong project.
"Sinasabi ko na, kailangan ko ang tulong ninyo.
“Kahit palamuti lang, kahit anong role, tatanggapin ko para sa pamilya ko."
Bagamat mayroon naman daw dating tumulong sa kanya gaya nina Benjie Paras, Long Mejia, at dating senador Manny Pacquiao, hindi raw ito sapat dahil sa dami ng gastusin ni Dagul para sa kanyang mga gamutan.
Sabi niya: "Kapag hinihingian ko talaga ng tulong, tutulong talaga mga yan.
"Pero hindi ko naman inaabuso yung pagkakaibigan namin. Gaya ng kunwari na isandal ko na yung lahat ng pangangailangan namin.
"Kapag struggle lang talaga, yung mapapatanong ka na, 'Lord, anong gagawin ko, wala na talaga.'
"Ayan, doon ako tatawag. 'Pwede ba na humingi ng konting tulong o may maitulong ka.'
"Nagbibigay naman sila."
Matapos mawala sa ere ng Goin’ Bulilit noong 2019, pagkatapos ng labing-apat na taon, hindi na rin gaanong napanood si Dagul sa telebisyon.
Noong 2022, sa isa niyang panayam, sinabi ni Dagul na nagtatrabaho siya sa barangay hall ng Montalban, Rizal, kung saan siya ang head ng command center ng mga kagawad sa kanilang lugar.
