Bahagyang naluha si Glaiza de Castro habang kinakausap ng press matapos ang special screening ng 58th kagabi, August 13, 2026, sa Cinemalaya Film Festival sa isang mall sa Mandaluyong City.
Naalala kasi ni Glaiza si Ricky Davao, na gumanap bilang ama niya sa nasabing docudrama na tungkol sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Emosyunal ang Kapuso actress habang nakikipag-usap sa press.
Aniya, lalo siyang naging close sa beteranong aktor dahil pinagsabay nilang gawin ang 58th at ang seryeng Sang'gre.
“Parang ang saya lang na yung yung co-actor mo, makita mo ulit sa isang proyekto. Kaya sinabi ko talaga sa kanya, ‘Direk ang sipag mo naman, parang lahat na ginawa mo,’” saad ni Glaiza.
Marami raw bumalik na alaala habang pinapanood niya si Direk Ricky sa mga eksena nito sa 58th.
Aniya, “Kinikilabutan na ako. Kinikilabutan. Tapos kanina yung anak niya, si Rikki, told me na I'm one of the… parang paborito niyang actors to work with. So sabi ko, medyo naiiyak ako kasi special sa akin si Direk Ricky.
"Naging director ko siya sa Sang'gre, so hindi lang siya co-actor for me, parang siya yung matuturing kong tatay sa showbiz.”
Pumanaw si Ricky noong May 1, 2025, sa edad na 63.
Read: Glaiza de Castro does not mind being asked about baby plans
PLOT OF 58TH
Sa pelikula, ginagampanan ni Direk Ricky ang role bilang isang mapagmahal na ama na si Reynaldo Momay, isa sa mga mamamahayag na naging biktima ng karumal-dumal na Maguindanao Massacre noong 2009.
Gumaganap naman si Glaiza bilang si Reynafe Momay-Castillo, ang anak ni Reynaldo.
Ipinapakita ng pelikula ang patuloy na paglaban ni Reynafe upang makamit ang hustisyang ipinagkakait pa rin sa ama hanggang sa kasalukuyan.
Matatandaang kahit 58 ang itinuturing na kabuuang bilang ng mga naging biktima ng masaker, 57 counts of murder lamang ang kinilala ng korte nang hatulang guilty ang magkapatid na Datu Andal Ampatuan Jr. and Zaldy Ampatuan noong 2019.
Hindi kasi natagpuan ang katawan ni Reynaldo, kaya hindi siya isinama ng hukuman sa naturang verdict.
Dahil dito, hanggang ngayon ay patuloy ang laban ni Reynafe.
Samantala, dahil sa matapang na tema ng pelikula ay nahirapan ang GMA Pictures na kumuha ng Permit to Exhibit mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa 58th.
Sa katunayan, ibinahagi ni GMA Pictures Executive Vice President Nessa Valdellon na ang naganap na screening sa Cinemalaya ang una at huling pagkakataong maipapalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas.
Yun lamang kasi ang pinayagan ng MTRCB.
Hinihiling ni Glaiza na sana ay magbago pa ang isip ng MTRCB dahil nais niyang mas marami pa ang makapanood ng 58th.
“We also want to help our producers kasi hindi madali gumawa ng pelikula lalo na sa panahon ngayon. And especially with this kind of film na napapanood natin, hindi siya puwedeng sabihin na you go to the cinema to be entertained. It's not about that. It's all about educating people,” paliwanag nya.
Balak ng GMA Pictures na ipalabas ang 58th sa mga film festivals sa ibang bansa.
Noong January 31, 2026, nga ay nag-premiere ito sa Rotterdam Film Festival sa Netherlands.
Dumalo rito si Glaiza at ang direktor ng pelikula na si Carl Joseph Papa.
Kinuwento ng Kapuso actress na nakaramdam siya ng takot para sa kanyang buhay matapos mapanood ang pelikula sa naturang foreign film fest.
“Kasi yung mga tao behind the massacre are still in power. So parang honestly, meron akong imagination na baka pag-uwi ko, merong magsabi na, ‘Uy, yung mga mga actor diyan, yung mga tao behind the film, kasama sila sa pagkuwento ng istorya na iyan,’ nadawit yung pangalan natin.
"Parang meron akong ganung fear,” paliwanag niya.
Gayunpaman, proud pa rin siya na naging bahagi siya ng 58th.
“I know na telling this story served its purpose at bilang isang aktor, isa yun sa goals ko na makapagsabi rin kung ano yung totoo.”
Read: Foreign tutor insults English skills of Filipina online teacher