Nagdadalamhati ang aktres na si Sue Ramirez dahil sa pagpanaw ng kanyang inang si Concepcion “Chit” Dodd noong Lunes, August 17, 2026.
Kinumpirma ni Sue ang malungkot na balita sa pamamagitan ng kanyang Instagram Stories noong Martes, August 18, kung saan ibinahagi niya ang isang larawan nilang mag-ina.
Kalakip ng litrato ang madamdaming mensahe ni Sue: “Mahal na mahal na mahal kita.”

Nagbahagi rin siya ng isang video na kuha habang nasa loob siya ng sasakyan at umuulan.
Sabi niya rito, “Kasabay kong umiiyak ang langit.”

Condolences and prayers for Sue’s family
Nagpaabot naman ng dasal at pakikiramay ang ilang taong malapit kay Chit at sa pamilya ni Sue.
Kabilang dito ang dating boyfriend ni Sue na si Negros Occidental Third District Representative Javi Benitez.
Read: Javi Benitez confirms breakup with Sue Ramirez
Sa Facebook noong August 18, ibinahagi ng kongresista ang screenshot ng mensaheng ipinadala sa kanya ni Chit nang minsan niya itong bigyan ng bouquet of flowers.
Binigyang-pugay rin ni Javi ang malasakit at dedikasyon ni Chit sa mga manggagawang Pilipino.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang ina ni Sue ay isang labor leader.
Vice-president siya ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), isang pederasyon ng mga labor union sa Pilipinas na kumakatawan at nagtataguyod sa mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
Mababasa sa caption ni Javi: "This is how I will remember Mommy Chit... flowers in her arms, that radiant smile, beautiful and completely herself.
"Make no mistake, she was not soft. She had strong opinions and stronger principles, and she fought for the Filipino worker like it was personal.
"So when she smiled at you like this, you knew you mattered.
"I brought her flowers whenever I could. She always gave back more.
"A daughter of Sipalay, Negros Occidental. My deepest condolences and prayers to her loved ones."
Read: Javi Benitez predicts marriage for Sue Ramirez and Dominic Roque
Dagdag pa niya, "Salamat sa imo kabuhi nga ginhalad para sa mga mamumugon. Pahuway na, Tita."
Kapag isinalin sa Tagalog, ang mensahe ay: “Salamat sa iyong buhay na inialay para sa mga manggagawa. Magpahinga ka na, Tita.”
Bukod kay Javi, nakiramay rin ang TUCP sa naulilang pamilya ni Chit.
Sa Facebook post ng organisasyon, sinabi nitong pumanaw si Chit noong gabi ng August 17, 2026.
Post nila sa Facebook: "Sa gitna ng malungkot at maulap na araw, nakikiramay ang buong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa pagpanaw ng ating minamahal na Vice President, Sis. Concepcion “Chit” Dodd, na pumanaw noong gabi ng Agosto 17, 2026.
"Si Sis. Chit ay nagsilbing National President ng Confederation of Labor and Allied Social Services (CLASS) at Vice President ng TUCP.
"Sa kanyang mahabang paglilingkod sa kilusang paggawa, iniwan niya ang isang mahalagang ambag sa pagsusulong ng kapakanan at karapatan ng mga manggagawa.
"Higit sa kanyang paglilingkod sa labor movement, siya rin ay isang mapagmahal na ina na naging haligi at inspirasyon ng kanyang pamilya.
"Lubos ang aming pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, kasamahan, at buong labor community.
"Maraming salamat, Sis. Chit, sa iyong serbisyo at walang sawang paglilingkod. Mananatili ang iyong alaala at pamana sa kilusang paggawa.
"May your soul rest in eternal peace."
Sue’s mom’s health ordeal before passing
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya ni Sue tungkol sa sanhi ng pagpanaw ni Chit.
Ngunit noong January 6, matatandaang nanawagan si Sue ng blood donors para sa kanyang ina na nakatakdang sumailalim noon sa isang open-heart surgery.
Hindi pa malinaw kung may kaugnayan ang naturang health ordeal sa pagpanaw nito.
Read: Sue Ramirez in need of blood donors for mom’s open heart surgery
