Nakangiti lamang si Congressman Javi Benitez nang inusisa ng media, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tungkol sa ex-girlfriend na si Sue Ramirez.
Mutual decision daw ng dalawa na tapusin ang kanilang relasyon noong November 2024.
Pagkatapos, kanya-kanya na nilang hinarap ang buhay sa labas ng kanilang nagwakas na pag-iibigan.
Si Javi ay nagpatuloy sa kanyang katungkulan noon bilang alkalde ng Victorias City, Negros Occidental.
Ngayon, siya ay nakaupo bilang kongresista ng third district ng Negros Occidental.
Si Sue naman ay abala pa rin sa kanyang pag-aartista.
Nakahanap na rin siya ng bagong pag-ibig sa katauhan ng dating aktor na si Dominic Roque.
Read: Javi Benitez confirms breakup with Sue Ramirez
JAVI on sue: "Wala akong masabing masama about sa kanya."
Sa pakikipagkuwentuhan ni Congressman Javi sa mga miyembro ng Multi-Media Press Society (MMPress) kahapon, May 20, 2026, sa isang restaurant sa Quezon City, naitanong sa kanya ang tungkol sa ex-girlfriend.

Puro positibong salita lamang ang namutawi sa bibig nito patungkol kay Sue.
Sabi niya, "I'm very happy for her. I'm very happy for her.
"Wala akong masabing masama about sa kanya.
"And I still believe that she is one of the most accomplished and yet still underrated actresses of her time.
"So, very happy ako sa kanya."
Tungkol naman sa kanilang hiwalayan, paniniyak ng kongresista: "Walang bad issue. Walang issue na ganun.
"Nag-usap kami and we both decided that we go on our separate ways."
Matagal din ang naging relasyon nila ng aktres.
Pagsang-ayon ni Javi, "Oo, five years. Yun ang longest relationship ko, five years."
Ano ang masasabi niya sa relasyon ni Sue kay Dominic?
Sagot niya: "Feeling ko, sila na magiging endgame. Yan ang prediction ko.
"Well, both of them want to get married and have kids.
"Nagsabi naman po siya, di ba? So, feeling ko, magiging sila.
"Tsaka bagay sila, di ba? Happy ako sa para sa kanila."
Mukhang napanood niya ang latest interview ni Sue kung saan tinanong kung gusto na niyang magkaroon ng anak sa karelasyong aktor.
Sagot ng aktres: "Why not? Sana. Kung maibibigay, di ba? I think Dominic will be a very, very good father in the future, if he does want to have kids."
Read: Sue Ramirez ready to be a mom: "Kung ibibigay sa akin, why not?”
Sa ngayon, simpleng "happy" lang ang sagot ni Javi nang matanong tungkol sa usapin ng kanyang puso.
Samantala, bukod sa MMPress, nag-imbita rin ang grupo ng ilang media sa intimate interview ni Congressman Benitez.
