Matagal na raw may kumukumbinsi sa veteran broadcaster na si Korina Sanchez para tumakbong senador sa halalan.
Pagbabahagi niya, "Actually, matagal na akong may plano, dati-dati pa.
"Napipigilan parati. Palagay ko mapipigilan na naman ako."
Lagi raw itong nauudlot pero ngayon ay kailangan daw ni Korina na pag-isipang mabuti kung itutuloy niya o hindi.
Aniya, "Lahat sila gusto akong tumakbo. Pero mahirap na. Kailangan alamin muna natin yung kailangan..."
May mga pulitiko raw kasi ngayon na nawawalan ng sense sa kanilang pagseserbisyo.
"Marami namang may sense, sa una. Tapos nawawala bigla yung sense.
"Yung sense, nagiging pesos. Nagiging millions and billions and dollars," sabi ni Korina, na ang tinutukoy ay ang pagiging ganid sa pera ng marami sa mga nakaupo sa puwesto.
Pati ang mister niyang si former Senator Mar Roxas ay atubili na raw bumalik sa pulitika.
Saad ni Korina: "Gusto niya ng public service, but it has to be the right position.
"Maybe, I guess, the positions offered to him are 'been there, done that,' you know.
"So, siya naman, inaasahan din naman niya, tulad natin lahat, di ba? Gusto natin magtagumpay ang administrasyon."
Ipinagmalaki pa ni Korina ang isang batas na nagawa ng asawa noong nasa pulitika pa ito.
Ito ay ang Repulic Act 9501 o "An act to promote entrepreneurship by strengthening development and assistance programs to micro, small and medium scale enterprises, amending for the purpose republic act no. 6977, as amended, otherwise known as the 'magna carta for small enterprises' and for other purposes."
Sabi ni Korina: "Alam mo ba na puwede kang umutang sa bangko ng walang collateral? Batas yan na ginawa ni Mar Roxas.
"E, alam ko pero nobody knows about it. The banks will not tell you. Kasi ayaw nila magpautang ng walang collateral."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang media si Korina sa Tara, Kapatid! 2026 Midyear Media and Trade Celebration ng TV5 kamakailan.

Read: Korina Sanchez says Mar Roxas no longer interested in politics
TV5'S RATED KORINA AND FACE TO FACE
Umere na ang Rated Korina sa TV5 noong August 9.
Ito ay bahagi ng mga bagong palabas ng Kapatid network sa second quarter ng 2026.
Tatlong dekada na ang show niyang ito na nagsimula bilang Balitang K sa ABS-CBN.
"Oo, nagsimula po ako two years old lang," biro ni Korina.
Bawi niya: "Thirty years of telling ordinary stories dahil ang ginto talaga sa bawat istorya ng ordinaryong Pilipino is extraordinary.
"Napakaraming nakukuhang kuwento at habang may kuwentong Pinoy, nandiyan ang Rated Korina.
"From Balitang K. Huwag kayong magmaang-maangan, naabutan ninyo ang Balitang K.
"Balitang K to Rated K and now Rated Korina with TV5."
Bukod sa Rated Korina, host pa rin si Korina sa nagbabagong-bihis na Face to Face.
Sabi pa niya sa bagong yugto ng Face to Face: "Ngayon, bawas bakbakan na.
"More love. More yakapan. More kantahan. I'm really very inspired."
Nakilala ang show noong nagsisimula pa lamang ito sa talakan at minsan ay sa pisikalan na patok na patok sa manonood.
Read: Marvin-Jolina's Mommy Guard leads TV5's programming expansion
