Naniniwala si Archie Alemania na naging mabuti siyang asawa sa estranged wife niyang si Gee Canlas, sa kabila ng mga pinagdaanan nila na humantong sa kanilang paghihiwalay
Sa Fast Talk with Boy Abunda noong March 3, 2026, inamin ni Gee na siya mismo ang nakipaghiwalay sa mister niyang si Archie, na naging hudyat ng pagtatapos ng kanilang walong taong pagsasama bilang mag-asawa.
Bagamat hindi idinetalye ni Gee ang dahilan ng kanilang paghihiwalay, sinabi niyang hindi naging madali para sa kanya ang naging desisyon, lalo na't mayroon silang isang anak ni Archie, si Caleb, 7.
Read: Gee Canlas, kinumpirmang hiwalay na sila ni Archie Alemania
Archie talks about marital struggles with Gee
Sa panayam ni Archie sa vlog sa YouTube ni Ogie Diaz noong August 23, naging bukas siyang pag-usapan ang tungkol sa hiwalayan nila ni Gee.
Ayon sa aktor, sa kabila ng naging imahe niya sa ilang tao matapos siyang magkaroon ng tatlong anak sa magkakaibang babae bago niya pakasalan si Gee, naging tapat daw siya sa kanyang misis sa loob ng ilang taon nilang pagsasama.
Pahayag niya: "Ako, I believe na dakila akong asawa.
"Kasi noong nagpakasal ako, as in wala talaga. Walang kalokohan, siya lang talaga. Time and effort sa pamilya ko.
"Everything that I have is for them, and everything I do is for them.
"Kaya masasabi ko na, and I believe from the bottom of my heart that I am a good father and I'm a good husband."

Kung naniniwala si Archie na naging mabuti siyang mister kay Gee, ano ang naging dahilan para humantong sila sa hiwalayan?
Ayon sa aktor, noon pa man ay may mga problema na sila ni Gee, lalo na pagdating sa pagdedesisyon para sa kanilang pamilya.
Read: Gee Canlas, Archie Alemania's wife, posts cryptic quote
Aniya, tila naging problema sa kanilang pagsasama ang sitwasyong si Gee umano ang madalas nasusunod at nagdedesisyon.
Saad ni Archie: "Pareho kaming Christian ni Gee. Lahat ng pinanghahawakan ko tungkol sa pagiging magkarelasyon kapag pareho kayong Kristiyano, yung ikaw ang hari ng tahanan at siya yung reyna.
"Wife, submit to your husband. Husband, love your wife.
"E, ang nangyayari, pareho kaming hari sa isang kaharian, so hindi puwede yon.
"Ayun yung laging nangyayari for the past how many years.
"So, saan pa ako lulugar? Pinagbibigyan ko lahat. Lahat-lahat binigay ko.
"Ayun yung laging pinagtatalunan naming dalawa, and even yung mga magulang niyang pastor.
"Ayun din ang sinasabi sa anak nila, pero walang nagbago, e."
Read: Archie Alemania, tanggap na "under de saya" sa asawang si Gee Canlas
Bago pa man tuluyang makipaghiwalay si Gee kay Archie, ilang beses na raw sinubukan ng aktor na kumalas sa kanilang pagsasama.
Hindi na raw kasi niya matiis ang paghihigpit umano ni Gee at ang pagdedesisyon nito nang sarili lang niya.
Ngunit sa bawat pagtatangka niya, pinipigilan daw siya ni Gee.
Pagbabalik-tanaw ni Archie: "May mga times na [sinasabi kong] 'Ayoko na, ayoko na. Ayoko na talaga!'
"Pinipigilan niya ako, always... Yung ayoko na talaga, gusto ko nang umalis. Pero yung huling-huli na, ayoko na, hindi na ako aalis. Para sa anak ko na lang.
"Nag-decide akong hindi na umalis, pero wala ka nang makukuha sa aking emosyon. Kung anuman yung gusto mo, go.
"Desisyon sa bahay, huwag mo na akong tanungin, ikaw na. Sa iyo na. Kasi lahat naman ng major decisions in our lives, siya yung sumusunod."

Para mas maipaliwanag ang kanyang punto, nagbigay si Archie ng isang insidente kung saan si Gee umano ang nasunod kahit may iba siyang nais.
Kuwento niya: "Katulad ng paglipat ng bahay, sa kanya nagmula. Ako dapat yon, e.
"Dati kasi magkasama kami sa bahay, kasama yung parents niya sa bahay nila for four or five years din siguro.
"Ang tagal ko nang gustong bumukod, pero ayaw niya, ayaw din ng parents niya.
"Kahit gusto ko, hindi naman ako nasusunod. Kesa mag-away pa, yung peace ko rin naman yung inaalagaan ko, kaya sabi ko, 'Okay!'
"And then one time, nag-away silang lahat sa bahay. Kaaway ni Gee ang lahat. Doon kami nakalipat ng bahay.
"Doon ako naging parang masaya na nawala kami sa poder nila.
"Hindi naman sila masamang tao. Parang ang gusto ko lang, gaya ng sinabi ko sa isang kaharian, dalawa ang hari.
"E, kaharian ng tatay niya yon, e. Kaharian ng parents ni Gee yon. Nasaan naman yung kaharian ko?
"Nakalipat lang kami noong nagkaroon sila ng gulo, and that's her decision again; it's not mine.
"Doon pa lang nakikita mo na yung desisyon niya, e, ayun lagi ang nasusunod.
"Naapakan na ako nang todo doon."
Archie reacts to Gee's statement on Fast Talk
Nagbigay rin ng reaksiyon si Archie sa naging panayam ni Gee sa Fast Talk with Boy Abunda, kung saan sinabi nitong siya mismo ang umalis sa kanilang bahay, hudyat ng tuluyan niyang pakikipaghiwalay sa aktor.

Pahayag dito ni Archie: "Yung sinabi niya doon na dapat matagal na pala siyang bumitaw. Dapat iyon na nga ang ginawa niya dati pa.
"For the sake ng katahimikan namin, kasi hindi naman nabago kung ano yung ginagawa niya.
"Ako kasi, I always walk out kapag confrontation, magulo. Gusto kong laging tahimik, kaya tumatahimik na ako. Magsalita ka diyan, tatahimik ako.
"Ayoko kasing makapagsalita ng masama. Ayokong magkaroon ng conflict.
"Kasi, imagine, yung pipilitin ka na mag-react. Reaction mo yung panghuhugutan niya, yung alam mo, yung tatahimik ka, pero pipilitin ka para makakuha ng reaction.
"Tapos kapag na-provoke ka, yung reaction mo yung masama, hindi yung provocation niya, hindi na yung ginawa niya.
"Kapag pumutok ka, kahit kasalanan niya, kasalanan mo pa rin."
Diin pa ng aktor: "Saan ka lulugar? Wala kang lulugaran. Ikaw lagi ang may kasalanan. Kahit siya ang may kasalanan, ako pa rin ang may kasalanan.
"That’s my point of view, ha. Kasi, yung naranasan ko at nakita ko."
Archie on his relationship with son Caleb
Magmula nang umalis si Gee sa kanilang bahay, hindi na rin daw nito ipinakita sa kanya ang anak nilang si Caleb.
Read: Archie Alemania, guilty sa isinampang kaso ni Rita Daniela
Labis daw itong ikinasasama ng loob ni Archie dahil, ayon sa kanya, wala naman siyang ginawang masama sa kanilang anak para ilayo ito sa kanya.
Saad niya: "[Isa pa sa] kinasasamaan ng loob ko, yung pati yung anak ko ayaw ipakita.
"Ano bang ginawa kong masama sa bata? Araw-araw pinagluluto ko yung anak ko.
"Lahat ng kaibigan namin, nakikita kapag magkakasama kami. Kasama ko yung bata sa akin. Sumasama yung anak ko.
"Ayaw sa kanya, sa akin lagi nakakandong, sa akin lagi nakayakap.
"Alam niya, e, na doon lang ako masasaktan, sa hindi pagpapakita sa akin sa anak ko."
Isa pa raw sa ikinasasakit ng damdamin ni Archie ay ang pagpapalabas umano kay Caleb na siya ang may kasalanan sa kanilang paghihiwalay.
Pahayag ng aktor: "Nakita ko nga yung anak ko, e, one time doon sa park, sa dati naming village.
"Pinuntahan ko yung kaibigan ko... Nakita ko naglalaro doon, after eight months na hindi ko siya nun nakita ha, yumakap, kumiss.
"After five minutes, dumating si Gee. Hinatak niya si Caleb. Naghahatakan kami.
"Kaysa masaktan yung bata, go, binitawan ko kahit nami-miss ko yung bata, and they left.
"Hindi ko na alam kung umiyak yung bata o hindi. Basta ang sinasabi lang nung bata nung niyayakap ko, 'Why do you always fight with Mommy?'
"Sabi ko, 'Don't worry, I'm not gonna fight with Mommy anymore because Daddy left. I don't wanna fight with Mommy anymore.'
"Kahit hindi naman yon yung istorya. Para na lang sa anak ko, ako na [yung may kasalanan].
"Dahil may narinig yung anak ko na sinasabi sa kanya na ganoon. I don't know. I don't want to assume. Pero bakit sasabihin ng bata yon kung hindi niya narinig?
"So, ayun yung masakit sa akin na every day mong pinagluluto, pinaghahanda, inaalagaan.
"Ayun lang naman yung way para masaktan ako, e, and nagwagi ka doon, nasasaktan mo ako [Gee]."
Bagamat hindi nakikita ang anak na si Caleb, masasabi raw ni Archie na masaya at naging payapa siya nang magkahiwalay sila ni Gee.
"Peaceful. Mas tahimik yung buhay. Pero siyempre may kalungkutan dahil hindi ko kasama yung anak ko.
"But I’m happy now and mas peaceful in a sense sa relasyon. Mas tahimik. Mas okay ako ngayon. Intindihin ko muna ang sarili ko," aniya.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na reaksiyon si Gee bilang tugon sa mga naging pahayag ni Archie.
