"Mabait" kung ilarawan ni Rizza Amimita Dizon, ina ni Ryzza Mae Dizon, si Bimby Aquino.
Sina Ryzza Mae, 21, at Bimby, 19, ay pinagtatambal sa TV5 noontime show na Eat Bulaga!. MaeBy ang bansag sa kanilang "love team."
Sa launching ni Mommy Rizza bilang bagong endorser ng Luxe Slim, inusisa siya ng entertainment media tungkol kay Ryzza Mae na iniuugnay sa dalawang kasamahan niya sa Eat Bulaga!.
Bukod kay Bimby, na naging guest co-host, ay ipinapareha rin si Ryzza sa Koreanong si Hyeonyul Kim, winner ng “Foreignoy: The AFAM Invasion” ng Eat Bulaga! noong 2025.
Kanino siya mas boto?
Sagot ni Mommy Rizza, "Ako naman po, kung sino po yung magugustuhan ng anak ko, kung sino yung magmamahal sa kanya at mamahalin din niya, support po ako."
So, meron na bang nagmamahal sa anak niya? May nanliligaw na kay Ryzza Mae?
"Ay, di ko po alam!" natatawang tugon ng celebrity mom.
MOMMY RIZZA ON BIMBY
Kumusta ang pakikitungo ni Bimby sa kanila?
"Okay naman po. Mabait po. Mabait po si Bimby," sabi ni Mommy Rizza.
Hindi ba sila naiilang dahil galing sa kilala at mayamang angkan si Bimby?
"Ay, hindi. Noong una po kasi matagal kaming hindi nagkita," sagot ng ina ni Ryzza Mae.
Unang nagkatrabaho sina Ryzza Mae at Bimby sa pelikulang My Little Bossings, na pinagbidahan ni Kris Aquino at Vic Sotto, noong 2013.

Dagdag niya: "So, nakita ko lang po siya ulit... ay, nagkita kami pala sa Japan, e. Medyo ano pa siya noon, medyo maliit pa siya noon, medyo bata pa. Yun.
"Ngayon po, nung nakita ko siya nung birthday na ni Ryzza, ayun, nagulat ako kasi sobrang taas na niya.
"Tapos napakaano, napakabait na bata, magalang po siya."
Nag-reunite sina Ryzza Mae at Bimby sa 21st birthday celebration ni Ryzza Mae sa Eat Bulaga! noong June 12, 2026.

So, boto siya kay Bimby?
"Mabait po si Bimby," paiwas na sagot ni Mommy Rizza.
Dagdag niya, "Ako po, totoo lang po tong sinasabi ko. Kung sino po yung magugustuhan ng anak ko, support ko siya."
Payag na ba siyang magka-boyfriend ang anak?
"Okay lang po kung talagang gusto na ni Ryzza, support lang po ako palagi."
May ipinapayo ba siya kay Ryzza Mae sa pagpili ng manliligaw?
"Yung sinasabi ko sa kanya, 'Piliin mo yung mabait tsaka mapagmahal sa magulang.'"
Read: Bimby and Ryzza Mae spark kilig with their Eat Bulaga! reunion
RIZZA ON DAUGHTER RYZZA MAE's NAYSAYERS
Noon, may ilang bashers na nilalait ang anak niyang si Ryzza Mae habang lumalaki.
Ano ang sinasabi ni Ryzza Mae sa kanya tungkol dito?
"Yun, sinasabi ni Ryzza na yun nga po, lagi magpasalamat. Tapos huwag pong papansinin yung mga ibang sinasabi ng mga tao kasi may kanya-kanya po tayong komento.
"Siyempre, yun po ang komento nila para sa sarili nila so hayaan lang po natin sila.
"Huwag natin silang patulan. Hayaan lang po natin.
"Ang importante po, kahit papaano nandiyan pa din sila para sa atin," pagbabahagi ni Mommy Rizza.
Lumalaki sa harap ng publiko si Ryzza, at may mga taong sadyang masakit magsalita.

Ano ang nararamdaman niya bilang ina?
Saad ni Mommy Rizza: "Ayun po, siyempre po bilang nanay, nasasaktan po tayo pag sinasabihan yung anak natin ng ganun, ganito, ganyan.
"Pero lagi ko pong pinapaliwanag kay Ryzza na, 'Hayaan mo lang siya, anak,' sabi kong ganun.
"Kasi ano, mas maganda yung mas, 'Hayaan mo lang siya na ganyan yung sinasabi nila. Huwag mo lang silang papansinin. Basta ang importante, magdasal ka lang palagi sa Panginoon.'"
Read: ABS-CBN announces retrenchment of nearly 200 employees
RIZZA AND HER NEW ENDORSEMENT
Noong Sabado, September 12, 2026, inilunsad si Mommy Rizza bilang bagong endorser ng Caffe Black at Konjac Zero ng Luxe Slim ng negosyanteng si Anna Magkawas.
Ayon kay Anna, natuwa siya sa authenticity ng pagtulong ni Mommy Rizza sa mga nabahaan o biktima ng kalamidad kung saan namamahagi sila ng bigas, pagkain, at groceries.

Malaki naman ang pasasalamat ng ina ni Ryzza Mae na may nagtiwala sa kanyang brand.
Read: Ellen Adarna flaunts cash support from John Lloyd Cruz for Elias
