Siniguro ni Niña Jose-Quiambao na walang dapat ipag-alala ang kanyang mga tagahanga sa kapansin-pansing pagbabago sa kanyang hitsura at pangangatawan.
Kamakailan ay mainit na pinag-usapan online ang mga larawang ibinahagi ng dating Pinoy Big Brother: Teen Edition 1 housemate at ngayo'y mayor ng Bayambang, Pangasinan matapos mapansin ng mga netizen ang kanyang pagpayat.
Sa mga litratong ini-upload niya sa social media noong October 5, 2026, makikitang nakasuot ng kulay cream na turtle blouse na may itim na blazer si Niña.
Tila kuha ang mga larawan sa kanyang mismong opisina.
Ngunit sa halip na papuri, batikos ang inabot ng mga larawan niya.
Karamihan sa mga nagkomento sa kanyang post ay kinukuwestiyon ang kanyang hitsura nang siya raw ay nabawasan ng timbang.
May mga nagsabing nagmukha umano siyang Corpse Bride animated character dahil hindi umano bagay sa kanya ang sobrang pagpapayat.
May ilan ding nangamba sa kanyang kalusugan at inisip na baka may iniindang sakit ang alkalde ng Bayambang kaya nagbago ang hitsura at pangangatawan.
Niña responds to comments on her appearance
Sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Martes, October 6, nilinaw ni Niña ang mga komento tungkol sa kanyang hitsura at pagpayat.
Read: Niña Jose gives birth to second child
Siniguro niya sa mga nangangamba sa kanyang kalusugan na wala siyang sakit at sadyang gusto lamang niyang maging payat.
Paliwanag niya: "Thank you for the engagement, guys. Kahit nega yung iba, nagulat ako dahil lang sa picture ko pa talaga.
"Hahaha, thank you, mahal ko kayong lahat, and God bless us all.
"By the way wala akong sakit, sadyang gusto ko lang maging skinny."
Read: Mayor Niña Jose reacts to her viral “mabahong mic” issue
Biro pa ni Niña, "Goal ko nga si Corpse Bride eh, hahaha, jooooke. But thank you for the concern.
"Kahit may ibang pressing matters, yung itsura ko pa talaga ang pinag-uusapan hahaha nakaka-touch din, salamat."
Ibinahagi rin ni Niña na hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng mga pambabatikos tungkol sa kanyang pisikal na anyo.
Aniya, "Nakakatawa lang kasi when I was bigger, tawag sa akin aparador, nung puti face ko chimchamchu, yung payat naman ngayon kalansay or tarsier."

Sa kabila nito, tila hindi naman sineryoso ni Niña ang mga negatibong komento at sa halip ay sinabayan pa niya ito ng biro.
"But in all that I can say, madami affected sa akin, hahaha Bakit???? Hahaha you must love me talaga," hirit niya.
Sa huli, hinikayat niya ang publiko na mas pagtuunan ng pansin ang mahahalagang bagay sa halip na ang kanyang itsura.
Pahayag niya, "Anyway, sa dami ng gulo sa mundo, let us remember to live. Laugh and Love."
