Nagulantang ang marami nang ibalita ang karahasang sinapit ng child actor na si Angelo Teves.
Ayon sa ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Oktubre 17, 2026, isinugod sa ospital si Angelo matapos siyang saksakin nang walong beses sa Barangay Payatas, Quezon City.
Ang suspek ay ang 15-anyos na kalaro ni Angelo.
Hustisya ang panawagan ng kanyang kuya na si Matthew Johann.
Bagama't nasa youth center na ang suspek, napag-alaman ni Matthew na tatlong katao pa ang diumano'y involved din sa insidente, pero nakakalaya pa ang mga ito.
Nananawagan din siya na muling suriin ang Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Aniya, tila nagbibigay ito ng lakas ng loob sa mga kabataan na gumawa ng karumal-dumal na krimen.
"Wala nang takot pumatay ang mga bata ngayon dahil protected sila ng Juvenile Justice Welfare Act,” pahayag ni Matthew.
Bukod pa rito ang mga kuwentong ginagamit ang mga bata para maging fall guy sa mga krimen.
Ano nga ba ang batas na ito, at bakit may mga sumasalungat dito?
Read: Child actor Angelo Teves in ICU after being stabbed eight times; brother Matthew calls for justice
Juvenile Justice and Welfare Act of 2006
Naisabatas ang Republic Act No. 9344 upang protektahan ang mga tinatawag na Children in Conflict with the Law (CICL).
Imbes na ikulong ang mga kabataang nagkasala, isinasailalim sila sa rehabilitasyon.
Ayon kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na siyang pangunahing may-akda ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, layunin nitong ipatupad ang restorative justice sa mga CICL.
Isa itong sistema na nakatuon sa pag-aayos ng pinsalang idinulot ng krimen, sa halip na isailalim ang mga menor de edad sa matinding parusa o retributive justice.
Sa pamamaraang ito, maaaring maituwid pa ang buhay ng nagkasala kasabay ng paghilom ng biktima at kaakibat ang paglahok ng komunidad sa proseso.
Layunin nitong ipaunawa sa menor de edad ang bigat ng kanyang ginawa at panagutin ito sa paraang angkop sa kanyang kapasidad, upang mabigyan siya ng pagkakataong magbago at muling makabalik bilang maayos na bahagi ng lipunan.
Ang konseptong ito ay nakabatay sa mga pamantayan ng United Nations (UN), partikular sa UN Convention on the Rights of the Child (UN CRC), na naniniwalang hindi pa fully developed ang pag-iisip at emosyon ng mga kabataan kaya’t hindi pa nila lubos na alam ang ginawa nilang kasalanan.
Read: Angelo Teves out of ICU; condition improves after stabbing
CRIME INVOLVING A SUSPECT WHO 15 YEARS OLD AND BELOW
Sa ilalim ng batas na ito, ang kabataang nakagawa ng krimen na ang edad ay hindi lalagpas sa 15-anyos ay hindi ikinukulong sa regular na piitan.
Kung tapos na ang birth date ng CICL, halimbawa ay 15 taon at isang araw ang eksakto niyang edad, hindi na siya saklaw ng RA 9344.
Nakadepende sa edad at sa ginawang krimen ang lugar kung saan dadalhin ang batang suspek.
Para sa ordinaryong paglabag (Community-based)
Kung hindi malubha ang krimen at may kakayahan ang pamilya na gabayan at alagaan siya, ibinabalik ang suspek sa kustodiya ng kanyang mga magulang.
Isasailalim din siya sa mga community-based intervention programs gaya ng counseling at edukasyon.
Para sa malubhang krimen (Mandatory Placement)
Samantala, hindi na pinapauwi sa pamilya ang batang 12 hanggang 15-anyos ang edad kung siya ay nakagawa ng seryosong krimen tulad ng murder, rape, o kidnapping.
Dinadala agad siya sa Intensive Juvenile Intervention and Support Center (IJISC), isang espesyal at mas mahigpit na pasilidad sa loob ng Bahay Pag-asa, upang dumaan sa masinsinang rehabilitasyon.
Mandatory placement din ang nagiging hatol sa menor de edad na 15 pababa kung paulit-ulit ang ginagawa nitong mababaw na krimen.
Halimbawa ay yung bumabalik siya sa pagnanakaw kahit na binigyan na ng intervention.
Kasama rin dito ang mga kabataang hindi kayang gabayan ng mga magulang, o kung napatunayang kumilos sila nang may "discernment" o lubos na kaalaman ukol sa ginawang krimen.
15 YEARS OLD AND ABOVE
Ang mga menor de edad na higit sa 15 ngunit mababa sa 18 taong gulang ay hindi na awtomatikong ligtas sa mga kasong kriminal.
Dito na mahigpit na sinusuri ng mga social workers at ng hukuman ang tinatawag na "discernment" o ang lubos na kaalaman at kakayahan ng isang kabataan na unawain kung tama o mali ang ginawa niyang krimen.
Nakasalalay sa pagsusuring ito ang magiging kahihinatnan ng CICL.
Kung walang discernment
Kapag mapatunayang hindi pa sapat ang pag-unawa ng menor de edad sa bigat ng kanyang ginawa, ang proseso ay nagiging katulad ng sa mga 15-anyos pababa.
Ligtas sila sa pananagutang kriminal at ibibigay sa kustodiya ng mga magulang o dadalhin sa Bahay Pag-asa upang sumailalim sa mga intervention programs.
Kung may discernment
Kung mapatunayang plinano at ginawa ang krimen nang may sapat na pag-iisip, haharap na ang suspek sa pormal na proseso ng batas.
Maaari nang sampahan itong kasong kriminal, litisin sa korte, at lagyan ng piyansa tulad ng mga matatanda.
Isang malinaw na halimbawa nito ay ang kaso ng school shooting sa Tacloban ngayong taon.
Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang 15-anyos na shooter ng three counts of murder, three counts of frustrated murder, at multiple counts of serious physical injuries dahil napatunayan na may sapat siyang kaalaman sa kanyang ginawang krimen.
Kahit sinampahan na ng kaso, mahigpit pa ring ipinagbabawal ng batas na ikulong ang mga CICL sa regular na piitan, tulad ng city jail, kasama ng mga matatanda habang nililitis ang kaso.
Kapag tuluyang nahatulan na ng korte ang CICL, ipatutupad ang tinatawag na suspended sentence.
Ibig sabihin nito, hindi muna ipapadala ang nahatulan sa Bilibid o iba pang pambansang kulungan.
Magpapatuloy ang pamamalagi at rehabilitasyon sa loob ng Bahay Pag-asa upang doon pagsilbihan ang sentensya.
At pagsapit ng CICL sa edad na 18, muling bubuksan at susuriin ng korte ang kaso, pag-uugali, at naging pagbabago sa loob ng pasilidad. Dito pormal na magdedesisyon ang hukuman kung matagumpay ba ang rehabilitasyon at maaari nang palayain ang indibidwal, o kung tuluyan na itong ililipat sa regular na kulungan upang bunuin ang natitirang taon ng kanyang sentensya.
CALLS FOR REPEAL
Bagaman may mga nakalatag na mekanismo o safeguards ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, patuloy pa rin ang panawagan ng marami na ibasura o tuluyang amyendahan ito upang mas mapanagot ang mga kabataang nasasangkot sa karahasan.
Kasama sa mga tutol ay ang dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay patuloy na sinisi ni Duterte ang nasabing batas sa pagtaas at paglala umano ng krimen sa bansa.
Aniya, ang pagpapakawala ng mga batang nagkasala ay nagtuturo lamang sa kanila na walang malalang parusa ang paglabag sa batas.
May mga pinakawalan din siyang maling impormasyon ukol sa batas, tulad ng pahayag na hindi mahahatulan ang mga menor de edad kahit sobrang bigat na krimen ang gawin ng mga ito.
“Hindi mo talaga ma-detain ang bata whatever the crime may be. It could even be genocide. Walang sasagutin,” pahayag ng dating Pangulo sa isang taumpati noong 2018.
Kabilang din sa mga aktibong tumutuligsa sa batas ang pamilya ng Maguad siblings, na brutal na pinaslang noong 2021.
Sa kasong ito, pinatay ng dalawang 17-anyos na suspek ang magkapatid na sina Gwynn at Boyboy Maguad sa kanilang tahanan sa Cotabato.
Kahit na nahatulan sa kasong murder at nakulong na ang mga menor de edad na suspek, patuloy pa rin si Lovella Maguad, ina ng mga biktima, sa panawagan niyang baguhin ang batas.
Nagbigay siya ng reaksiyon sa kanyang Facebook page matapos ang naganap na Tacloban school shooting noong June 2026.
“What pains me most is that despite clear evidence of flaws in our existing laws, there remains a persistent refusal to acknowledge them.
"Instead of confronting these shortcomings, some continue to defend a system that, in certain cases, fails to deliver justice to victims and their families while providing excessive protection to minor offenders, regardless of the gravity of their crimes.
“My stand has never changed: justice must not only protect the rights of offenders; it must also uphold the rights, dignity, and memory of the victims whose lives were taken too soon.”
Sa hanay ng mga mambabatas, isa si Senator Robin Padilla sa mga tumutuligsa sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa isang Facebook post matapos ang Tacloban shooting, inihayag ng dating action star ang pagkabahala sa pagtaas ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Dahil dito, mariing isinusulong ni Senator Padilla ang Juvenile Justice and Welfare Act o ang SBN 372, na magpapababa sa minimum age of criminal responsibility sa 10 taong gulang.
Nais ng senador na maging priority ang isinulat niyang batas.
“May pag-asa kaya na ma-special session ang kalagayan ng aking panukala para amyendahan ang Juvenile Justice Act?
"Sunud-sunod na po ito. May hold-up, may rape, ngayon pamamaril sa paaralan. Ano po ba ang hinihintay ng mga kasama nating senador?”
SENATOR KIKO PANGILINAN REACTS
Sa kabila ng mga matitinding batikos, inalmahan ni Senador Kiko Pangilinan ang ugong ng publiko tungkol sa pagbabasura sa batas.
Ayon sa kanya, nababahiran daw kasi ng maling impormasyon o fake news ang isyu kaya nagkakaroon ng maling pananaw ang publiko.
Iginiit ni Pangilinan na hindi totoo na wala nang pananagutan sa batas ang mga menor de edad.
Hindi rin totoo na agad na pinapakawalan ang mga gumawa ng seryosong krimen.
“Dapat lang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen na galing sa menor de edad, subalit hindi tama kapag sinabi na kapag menor de edad dapat pakawalan.
"Number one, dahil kapag pinakawalan iyan, labag sa batas iyan. Dapat parusahan yung mga nagpapakawala ng mga menor de edad na nagkasala,” pahayag ng senador sa isang press release.
Gayunpaman, bukas siya sa mga usapin ukol sa pananagutan ng mga menor de edad.
“We welcome this opportunity na magkaroon talaga ng diskusyon, makita ang maganda sa batas, makita ang kakulangan sa implementasyon, at tingnan din natin itong usapin nung lowering of the age,” saad niya.
May mga mambabatas na sumusuporta kay Pangilinan.
Isa na rito si Senator Risa Hontiveros, na kumokontra sa mga panawagang pababain ang edad ng criminal responsibility.
Sa halip, dapat munang ayusin ang buong implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Tinawag naman ni Party-list Representative Leila de Lima na “failure of compassion” ang proposal ni Senador Padilla na gawing 10 years old ang minimum age of criminal responsbility.
“Hindi kriminal ang bata. Ang batang naligaw ay hindi dapat kinukulong kundi kinakausap, inaaruga, at binibigayan ng pag-asa,” saad niya sa isang press statement.
Ganito rin ang opinyon ni Party-list representative Antonio Tinio.
Aniya, “barbaric” ang isinusulong ni Senador Padilla.
“Rather than addressing the root causes of youth violence—chronic underfunding, severe shortages of guidance counselors, overcrowded classrooms, and inadequate psychosocial support—this proposal would criminalize vulnerable children instead of providing the care they desperately need,” saad ng House Deputy Minority Leader.