Inamin ng TV host na si Robi Domingo na nagkaayos na sila ng aktor na si John Lloyd Cruz matapos mangyari ang iringan ng dalawa noong December 2025.
Sa live guest appearance ni Robi sa programang Fast Talk With Boy Abunda kahapon, October 20, 2026, inusisa siya ni Boy Abunda tungkol sa pagkakaayos nila ni John Lloyd.

Ayon kay Boy, "I don't wanna bring this up because this was controversial, pero natutuwa ako na nagkaayos na kayo ni John Lloyd Cruz, ni Lloydie."
Pagkumpirma ni Robi, "Yes, yes. We're good."
Dagdag pa ni Boy, "I'm really glad. You know why? I didn't want to bring this up, but I decided to because ang hirap, ang hirap sa buhay natin sa industriya. Gusto man o hindi, gusto man o hindi, you get into problems."
Nangyayari raw ito kahit hindi naman intentional.
Reaksiyon ni Robi, "And it was unintentional, I guess. Just happened, on a whim.
"But in a nutshell, what I wanna say is, it's done.
"I appreciate Kuya Lloydie kasi he reached out too to different managers in Star Magic para maayos.
"And doon sa circle of friends namin, okay na. All is well."
Komento ni Boy, "That's good. Ako, I appreciate him [John Lloyd]. Alam niya na kakaiba ang tingin ko sa kanya.
"I love John Lloyd. One of the very few actors na napapatahimik ako.
"And you know, I owe him a lot. Most of his major stories in his life, I did the interviews."
Read: Sarah spotted at Regine’s Finale concert amid pregnancy rumors
ROBI DOMINGO-JOHN LLOYD RIFT
Nangyari ang girian sa pagitan nina Robi at John Lloyd sa wedding reception nina Ria Atayde at Zanjoe Marudo noong December 22, 2025.
Sa gitna ng masaya sanang okasyon, nabahiran ito ng gulo matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa.
Ayon sa ulat na nailathala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong January 11, 2026, base sa kuwento ng veteran showbiz reporter at talent manager na si Ogie Diaz sa kanyang vlog, hindi umano nagustuhan ni John Lloyd ang sinabi ni Robi, na siyang tumayong host ng wedding reception, at nauwi ito sa sagutan na narinig ng mga bisita.
Ibinahagi ni Ogie ang mga pangyayari base sa naikuwento ng kanyang source.
“So habang nagho-host daw itong si Robi, ito’y kuwento lamang sa atin ano ng isa sa mga nakasaksi run, na habang nagho-host si Robi ay nasambit niya kay Ria na, ‘How does it feel do be Mrs. Marudo?’ and si Zanjoe naman, ‘How does if feel to be Mr. Atayde?’"
Malapit na magkaibigan sina Ria, Zanjoe, at Robi, kaya wala naman daw problema sa bagong kasal ang biro ni Robi, at nagtawanan pa nga raw maging ang mga bisita.
Dagdag pa ni Ogie: “So, pagbaba ni Robi ng entablado patungo dun sa may bar, e, biglang um-approach si John Lloyd Cruz na isa rin sa mga bisita.
"At yung tagpo na yun na paglapit ni John Lloyd, e, biglang napalakas yung boses ni John Lloyd kaya nakapukaw ng atensiyon ng ibang bisita.
“Sabi raw ni John Lloyd [kay Robi], 'Mali yung sinabi mo, inappropriate yung sinabi mo. Okay ba yung sinabi mo na tawagin mong Mr. Atayde [si Zanjoe]?
“Sabi ni Robi raw, 'May isyu ba tayo?'"
Sa puntong iyon ay pasugod daw na balik-sagot ni John Lloyd, "Bakit, ano gusto mo mangyari?"
Sinasabing may mga nag-mediate na para hindi na mag-escalate pa ang komosyon sa wedding reception.
At makalipas nga ang ilang buwan ay nagkaayos din ang dalawa.
Read: Ria Atayde reacts to John Lloyd-Robi "heated exchange"
