Nanindigan ang aktres na si Claudine Barretto na hindi niya iuurong ang reklamong cyber libel na kanyang inihain laban sa veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin at sa co-host nitong si Rommel Villamor a.k.a. Rommel Chika.
Nitong Miyerkules, October 21, 2026, personal na nagtungo si Claudine sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang kanyang abogado, upang pormal na ihain ang reklamo laban sa dalawa.
Ang reklamo ay may kinalaman sa mga mapanirang pahayag umano tungkol sa kanya sa online show na Showbiz Now Na! nina Cristy at Rommel.

Matapos maghain ng reklamo, nakapanayam ng media si Claudine at ang kanyang legal counsel.
Sinabi ng aktres na umabot na sa sukdulan ang kanyang pagtitimpi sa mga komentong umano'y patuloy na ibinabato sa kanya simula pa noong nakaraang taon.
Ayon kay Claudine, labis na siyang nasaktan sa mga pahayag na ito, gayundin ang kanyang mga anak at tagahanga.
Saad niya: "Last straw na to. Since last year, hindi talaga niya ako tinatantanan. Ito na yung last straw, kasi hindi talaga siya tumitigil.
“I'm very hurt; my children are really hurt, my fans also hurt.”
Binigyang-diin ni Claudine na desidido siyang ituloy ang legal na hakbang laban kina Cristy at Rommel, kahit pa umano humingi ng tawad ang mga ito sa kanya.
"No, [I don't settle]," paninindigan ng aktres.
Sundot na tanong sa kanya, "Bakit, Ma'am, hindi enough yung apology kung sakali?"
Mabilis na sagot ni Claudine: "Well, ganoon talaga, may consequences ang lahat ng bagay.
"Hindi na talaga tumigil, e.
"Walang-wala yung mga complaints ni Bea Alonzo at saka ni Sharon Cuneta sa lahat ng mga pinagsasabi niya sa akin, sa pagkatao ko."

Ang tinutukoy ni Claudine ay ang reklamong cyber libel na inihain ni Bea laban kay Cristy noong May 2, 2024.
Dawit din sa reklamo ang mga co-host ni Cristy na sina Rommel at Wendell Alvarez.
Read:
- Bea Alonzo vs. Cristy Fermin: A Timeline
- Bea Alonzo forgives Cristy, two co-accused in cyber libel case
Noong May 10, 2024 naman, nagsampa rin ng reklamong cyber libel laban kay Cristy ang mag-asawang Sharon Cuneta at Senator Kiko Pangilinan.
Inihabla ng mag-asawa si Cristy dahil sa umano'y “below-the-belt, malicious, and baseless” na mga impormasyong binitiwan ng beteranang showbiz columnist-vlogger sa kanyang online show.
Read: Sharon Cuneta and Kiko Pangilinan vs. Cristy Fermin: A Timeline
Kalaunan, inatras ng mag-asawa ang reklamo matapos umano silang makatanggap ng paumanhin mula kay Cristy.
Read: Sharon Cuneta, Kiko Pangilinan withdraw suit vs. Cristy Fermin
Balik kay Claudine, nahingan din siya ng media ng mensaheng nais niyang iparating kay Cristy, ngayong pormal na niya itong naireklamo.
Makahulugan at nakangiting sagot ng aktres, "Happy Halloween."
Claudine warns Cristy, Rommel before filing cyber libel case
Samantala, bago magpunta sa NBI si Claudine ay nauna nang iniulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang plano niyang paghahain ng reklamo kina Cristy at Rommel.
Ipinarating ni Claudine ang kanyang planong pagpunta sa NBI sa GTV talk show na Kalurks noong Linggo ng gabi, October 18.
Ang GTV ay sister station ng GMA-7.
Read: Claudine Barretto to file cyberlibel complaint vs. Cristy Fermin
Kabilang sa mga isyung ikinagalit umano ni Claudine ang mga komentong may kinalaman sa kanyang kalusugan, personal na buhay, at umano'y pagdepende niya sa kapatid na si Gretchen Barretto.
Bago tuluyang ihain ang reklamo, nagpadala na rin ang legal counsel ng aktres ng cease-and-desist letter kina Cristy at Rommel, na humihiling sa kanilang itigil ang umano'y mapanira at nakapipinsalang mga pahayag tungkol sa kanyang kliyente.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Cristy para hingin ang kanyang panig tungkol sa reklamong ihahain ni Claudine laban sa kanila ni Rommel.
Sagot nito: "Sa anong dahilan naman daw? Subukan niya! Lahat na lang idedemanda niya?
"Dami niyang ginawang kalokohan na puwedeng lumabas kapag ginawa niya iyan.
“Okay, see her in court na lang. Kalokah siya!”
