Makalipas ang labing-anim (16) na taon ay binigyang-linaw ni Marian Rivera ang isa sa pinakamatagal nang showbiz rumors na inuugnay sa kanya—ang umano'y pag-padlock niya sa CR sa kapwa aktres na si Bela Padilla.
Sa episode ng Gandang Gabi Vice nitong Linggo, October 25, 2026, nakisaya si Marian sa iba't ibang segments ng programa.
Sa isang acting challenge kasama ang "Geng Gang" members na sina Verna Joy Periwinkle at Vince Maristela, binigyan ni Vice Ganda si Marian ng eksenang mahuhuli nito ang karakter ni Verna na "hindi tinatantanan" si "Dingdong" kahit tapos na ang shooting at nag-"cut" na ang direktor.
Si Vince ang gumanap bilang Dingdong, habang kinumpronta ni Marian ang karakter ni Verna nang dumating siya sa set para sana sorpresahin ang asawa.
Sa skit, dumating si Marian at sinaway ang karakter ni Verna.
Lalong ikinatuwa ng audience nang maglabas si Marian ng malaking padlock at gamitin ito bilang bahagi ng eksena, tila patama sa matagal nang kumakalat na "padlock" issue na kinasangkutan niya noon.

MARIAN RIVERA ON PADLOCK ISSUE WITH BELA PADILLA
Matapos ang segment, diretsahang tinanong ni Vice si Marian kung may katotohanan ba ang matagal nang tsismis.
Tanong ni Vice: "Pero since ngayon pina-punchline na lang natin yan. Pero is it an urban legend? Yung padlock-padlock na yan dati? Did it really happen?"
Hindi nagdalawang-isip si Marian na sagutin ang tanong.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Bela, ngunit hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na nagkaroon ng isyu sina Marian at Bela noong pareho pa silang nasa bakuran ng GMA-7.
Ayon sa Kapuso Primetime Queen, matagal nang maayos ang relasyon nila ni Bela at minsan na rin silang nagkausap tungkol sa kontrobersiya.
Sagot ni Marian kay Vice: "Alam mo, okay ako.
"Yung totoo niyan, maayos na kaming dalawa. Noon pa man, way, way back na at hinding-hindi ko makakalimutan.
"Nag-guest kasi siya sa Marian show. Sabi sa akin nung staff doon, 'Okay ba ige-guest ko si ganito?' Sabi ko, 'Of course, sige.'
"Pumunta siya. Nagkita kaming dalawa. Nag-sorry siya sa akin.
"So from there, alam niya na may mga nangyari na hindi naman talagang nangyari.
"Para sa akin, hindi ko na kailangan i-explain sa social media. Pero bilang ikaw yan, at na-open up mo, willing naman ako to open up."
Dagdag pa ni Marian, hindi niya kailanman pinatulan sa publiko ang isyu dahil naniniwala siyang may mga tao nang nakabuo ng sariling paniniwala tungkol dito.
"Alam mo, buong buhay ko never ko itong pinag-uusapan kasi kahit anong paliwanag mo sa tao, nakadikt na sa utak nila... yung totoong nangyari.
"So, okay na ako doon. Ang mahalaga, kaming dalawa, pag nagkikita kami, okay na kami.
"At ako, para sa akin, napatawad ko na siya.
"Pero kung ang tanong mo ay nangyari ba talaga? Hindi."
Muling paglilinaw ni Marian, walang padlock dahil nasa loob ng CR ang lock para sa pinto.
Patuloy ni Marian: "Paano mo gagawin yun na i-lock mo na nasa loob yung lock? Ibig sabihin, kaming dalawa ang nag-lock."
Sinang-ayunan ito ni Vice, na nagtaka rin kung bakit magkakaroon ng padlock sa isang dressing room.
"At saka sa dressing room ba may padlock?
"Yun yung imagine ko kasi kunwari sa ABS, yung mga dressing room hindi mo pina... nala-lock pero sa loob, pero hindi siya... wala siyang padlock."
Paglilinaw muli ni Vice: "So the padlock thing never happened?"
Ang maikli ngunit diretsong sagot ni Marian: "Never."
MARIAN RIVERA ON BELA PADILLA: MAAYOS KAMI
Sa kabila ng mga taon na lumipas at iba't ibang espekulasyon na kumalat online, sinabi ni Marian na mas mahalaga para sa kanya na maayos na ang relasyon nila ni Bela.
"Pero alam mo ba, yun yung pinakamaganda diyan. After all lahat ng speculation, kung anong gusto nilang isipin, ang mahalaga, kami nung tao, maayos kami.
"Okay na ako doon."
Sa huli, inamin din ng aktres na noong bata pa siya ay naging "mapusok" siya sa ilang pagkakataon.
Pero para sa kanya, mas mahalaga ang kapayapaan at pag-move on mula sa mga lumang isyu.
"So alam mo, yung kabataan mo talaga, mapusok ka talaga, e.
"Kung ang pagbabasehan mo ay kung inaway mo ba, tinarayan mo, ay, marami. Marami talaga."
MARIAN RIVERA-BELA PADILLA PADLOCK ISSUE TIMELINE
Ang tinutukoy na "padlock" issue ay nag-ugat sa mga tsismis noong 2010 habang umeere ang GMA-7 primetime series na Endless Love, kung saan ginampanan ni Marian Rivera ang karakter ni Jenny at si Dingdong Dantes ang gumanap sa papel ni Johnny.
Kabilang din sa cast si Bela Padilla bilang Yumi, ang babaeng nagkaroon ng romantic connection kay Johnny at naging karibal ni Jenny sa kuwento.
Noong panahong iyon ay magkasintahan pa lamang sina Marian at Dingdong.
Noong August 2010, nakausap ng PEP si Bela tungkol sa mga kumakalat na ulat na umano'y nagalit si Marian sa kanya dahil sa mga eksena nila ni Dingdong.
May mga lumabas ding bali-balitang "kinuwelyuhan" umano siya ni Marian dahil sa selos.
Itinanggi noon ni Bela na may pisikal na kumprontasyong naganap sa pagitan nila.
Aniya, "She [Marian] didn't do anything physical to me. I'm okay naman with her...
"Siguro mga three or four times lang kaming nagkasama sa eksena ni Ate Yan dahil we work in different units.
"Ako, madalas sa unit ni Direk Andoy Ranay, sila ni Dingdong sa unit ni Direk Mac [Alejandre]."
CLAIRE DELA FUENTE ON WHAT BELA TOLD HER
Naging mas kontrobersiyal pa ang isyu nang magsalita noon sa PEP.ph si Claire dela Fuente, ang co-manager ni Bela, at ilahad ang umano'y serye ng hindi magandang karanasan ng aktres sa set ng Endless Love.
Ayon kay Claire, umabot na raw ng halos tatlong buwan ang mga insidenteng kinakaharap ni Bela, at ang pinakaseryoso umano ay naganap sa isang out-of-town taping sa Fontana Leisure Park sa Pampanga matapos ang isang eksena nina Bela at Dingdong.
Pahayag ni Claire, "Hirap na hirap siya sa set because Marian is giving her a hard time."
Batay sa ikinuwento umano ni Bela sa kanyang manager, nakita niya si Marian na naghihintay sa dulo ng hallway pagkatapos ng eksena.
Tinawag umano siya nito at itinuro ang comfort room. Pumasok naman daw si Bela sa pag-asang makapagpaliwanag at maipaalam na wala siyang interes kay Dingdong.
Ayon pa sa salaysay ni Claire, pinapalabas umano ni Marian ang ibang tao sa loob bago isinara at ni-lock ang pinto.
Dito na umano kinompronta ng aktres si Bela at pinagtaasan ng boses habang nakasiksik siya sa isang sulok malapit sa lababo.
Dahil sa mga alegasyong ito, nanawagan noon si Claire sa pamunuan ng GMA-7 na protektahan si Bela.
Ang naturang kuwento ang naging ugat ng matagal na ring kumalat na "CR" o "padlock" issue na ilang beses naging paksa ng mga usap-usapan sa showbiz sa loob ng maraming taon.
mommy eva wants marian to apologize to belA
Nagsalita rin noon ang lola ni Bela na si Eva Cariño-Padilla, at sinabihan si Marian na humingi ng tawad sa kanyang apo.
Bahagi ng pahayag ni Mommy Eva sa exclusive interview ng PEP noong September 11, 2010:
"Nagagalit ako dahil hindi tama na ikinulong ni Marian sa CR si Bela. Ginawa niyang hostage ang apo ko!
"Paano kung may nangyari sa kanya? Tulala at hindi na makakain si Bela!"
Nalaman daw ni Mommy Eva na may isyu sa pagitan ng kanyang apo at si Marian nang mapanood niya ang interbyu kay Claire sa Juicy, defunct showbiz talk show ng TV5.
Lahad ni Mommy Eva: "Tinawagan ko agad si Bela nang mapanood ko ang interbyu ni Claire.
"Nagkuwento si Bela sa akin na pack-up na raw ang kanyang taping nang tawagin at ikulong siya ni Marian sa CR ng Fontana Hotel.
"Hindi raw siya makalabas ng pinto dahil nakaharang si Marian at pinaalis nito ang ibang mga tao.
"Sinabi raw ni Marian na ayaw nito na makita si Bela. Gusto raw niyang saktan, gusto niyang bugbugin ang apo ko...
"[Sinabihan] na 'Ang bobo mong umarte! Ang pangit-pangit mo at kahit kailan, hindi magkakagusto si Dingdong sa yo!'
"Ang sabi ni Bela sa akin, 'Umiyak na lang po ako. Pinakakalma ko po siya dahil takot na takot ako. Gusto kong mag-collapse dahil sa takot sa kanya.'"
Pagpapatuloy ni Mommy Eva: "Kilalang-kilala ko si Bela. Relihiyosa siya.
"At the age of 8, preacher na siya sa simbahan namin sa Seventh Day Adventist Church. Hindi siya marunong makipag-away.
"Wala siyang alam kundi ang mga salita ng Diyos."
Ipinasok na rin ni Mommy Eva sa usapan ang angkan ng mga Padilla: "Kaya ngayon, sabi ng mga Padilla, hindi namin puwedeng payagan ang ginawa ni Marian kay Bela. Masyado niyang tinakot ang apo ko. Naaawa kami kay Bela.
"Napagkaisahan namin na maghanap ng katarungan. Hindi niya...hindi masabi ng dila ko... si Dingdong!"
"Nilalandi" ang salitang gustong sabihin ni Mommy Eva, pero hindi niya binigkas ang salita.
"Ngayon," pagpapatuloy ni Mommy Eva, "kung totoo na may kasalanan si Bela, may karapatan si Marian na hiyain siya. Kung may pruweba siya! Pero kilala ko nga ang apo ko.
"Tinakot ni Marian ang bata. Ikinulong niya. Parang ginawa niya na hostage.
"Paano kung may nangyari kay Bela? Buti sana kung butangera siya. Ang kaso, ni hindi nga siya umaalis ng bahay...
"Concerned ako sa apo ko. Hindi ko siya pababayaan.
"Nasaktan kami ni Marian. Sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan.
"Isipin mo ang nerbiyos na inabot ni Bela?
"Ngayon, kung aaminin ni Marian ang kanyang pagkakamali, hahangaan pa siya ng mga tao. Magandang tingnan na nagpapakumbaba ang isang nagkamali."
Sabi pa ni Mommy Eva: "Basta kilala ko si Bela, may takot siya sa Diyos, at subukan mo na magtanong sa kanya tungkol sa Bible, alam niya!
"Magpunta siya sa school ni Bela at ipagtanong niya doon ang apo ko. Wala siyang nakaaway sa school.
"Dapat mag-apologize si Marian dahil kung hindi niya ito gagawin, medyo mabigat ang magiging resulta.
"Kung siya kaya ang ganunin, ano ang mararamdaman niya? Kung talagang may kasalanan si Bela, mabuti nga na bugbugin siya at sabunutan, pero wala talaga.
"Bakit niya pinag-iinitan ang apo ko? Parang hindi siya artista... Artista rin naman siya dahil nakaka-partner niya ang ibang aktor."
THE MEDIATION
Noong September 14, 2010, nagkaroon ng closed-door meeting ang dalawang aktres sa opisina ni Wilma Galvante, na noo'y Senior Vice President for Entertainment TV ng GMA-7.
Kasama ni Marian sa naturang pagpupulong ang kanyang manager ng panahon na iyon na si Popoy Caritativo, habang dumalo naman si Bela kasama ang kanyang mga manager na sina Claire dela Fuente at Ida Henares ng GMA Artist Center.
Naroon din si Annette Gozon-Valdes, president ng GMA Films noong panahong iyon.
Ayon sa ulat, tumagal ng humigit-kumulang 10 hanggang 15 minuto ang closed-door meeting. Hindi na rin nagpa-interview sina Marian at Bela matapos ang closed-door meeting.
Ngunit nag-issue ng official statement ang GMA-7 management: "GMA Management met with all parties concerned surrounding the alleged issues that happened on the set of Endless Love.
"An agreement has been reached not to give further comment or opinion on the matter that has, unfortunately, been blown way out of proportion.
"Marian Rivera, being GMA's prime artist, has agreed to put this matter behind.
"Bela Padilla, on the other hand, being one of GMA's newest talents and potential stars as well, has also graciously agreed to comply.
"The Network acknowledges that misunderstandings and disagreements are inevitable as we go through demanding production assignments. Harmony and professionalism should nonetheless prevail.
"We request everyone to respect the decision of both parties to put this matter to rest. Thank you."
Read: (UPDATED) FIRST READ ON PEP: Marian Rivera and Bela Padilla officially end their rift
Apat na taon matapos umugong ang kontrobersiya, muling nagkrus ang landas nina Marian at Bela sa mas positibong pagkakataon.
Noong July 26, 2014, nag-guest si Bela sa GMA dance-variety show ni Marian na Marian, sa tulong ng kanilang common friend na si Sarah Lahbati.
Ayon kay Marian, nagsimula ang lahat nang mas madalas silang magkasama ni Sarah sa mga lakad kasama sina Dingdong Dantes at ang dating boyfriend ni Sarah na si Richard Gutierrez, na kapwa mahilig sa motor.
Sa kanilang mga pag-uusap, nabanggit umano ni Sarah na matagal nang nais ni Bela na magkaroon sila ng maayos na closure.
Kuwento ni Marian: "Naisip ko, sabi ko, it's about time siguro. Tapos sabi ko sa Marian [production team], gusto kong i-guest si Bela kasi magkaibigan sila ni Sarah.
"So, sila yung guests ko, para mag-best friend."
Read: Marian Rivera ends rift with Bela Padilla
Sa panayam naman noon ng PEP.ph, inamin ni Bela na nagulat siya nang matuloy ang guesting ngunit nakatulong ito upang magkaroon sila ng closure.
Aniya, “I was surprised, of course! … It’s been so long and I really wanted closure. I’ve been looking for a way lang, and that guesting was the perfect opportunity to do that.
"Even four years ago, when it [the issue] just happened, I was initially sad and scared, but I let it go right away. I’m not the type to hold grudges.”
Ikinuwento rin ni Bela ang naging unang pagkikita nila ni Marian sa studio.
“When I saw her in the studio, we just smiled at each other and she kind of opened her arms for a hug and I hugged her back…
"There’s no awkwardness or gap. Like I said, everything’s okay na.”
READ MORE:
