Ibinahagi ni Kris Aquino ang hindi inaasahang pagkikita nila ng dating asawang si James Yap sa isang ospital.
Kasama ni Kris ang anak nilang si Bimby noon.
Ayon kay Kris, siya pa mismo ang unang bumati sa dating mister nang magkita sila.
Kapansin-pansin din daw ang laki ng ipinagbago ng kanilang 19-anyos na anak dahil mas matangkad na ito ngayon kaysa sa kanyang basketball star na ama.
Sa kanilang livestream para sa e-commerce platform Shopee noong Miyerkules, November 11, 2026, ikinuwento nina Kris at Bimby ang naturang pangyayari.
Hindi binanggit ng mag-ina kung kailan eksaktong naganap ang pagkikita.
Naroon daw sa parehong ospital si James kasama ang anak nitong si Francesca.
Si Francesca ay anak ni James sa Italian partner niyang si Michela Cazzola.
KRIS SHARES CANDID CONVERSATION WITH JAMES
Ayon sa Queen of All Media, siya ang unang bumati kay James nang makita nila ito malapit sa elevator.
"I like this because I feel na it's good to have love, love, love and peace on earth. Ako pa yung nag-hello kasi nakita namin yung tatay ni Bimb," kuwento ni Kris.
Nasa elevator area umano sila nang mangyari ang pagkikita.
"They were holding the elevator for us actually tapos sabi ko, 'Join us,'" dagdag niya.
Napansin daw ni James ang laki ng ipinagbago ng anak.
Patuloy ni Kris, "'Uy, tangkad mo na,' sabi niya [kay Bimb]. Tapos sinabi ko, 'Yes, he's taller than you,'"
Ayon naman kay Bimby, may iba pang magagandang sinabi ang kanyang ina sa dating asawa nito.
"Yes, but I'm censoring myself," sagot ni Kris na natatawa.
Hindi rin pinalampas ni Kris ang pagkakataong pabiro na ipaalala kay James ang matagal na nitong ipinangakong regalong kotse para sa kanilang anak.
Ibinunyag din ng aktres na nagkakaroon na ng komunikasyon sina James at Bimby.
Sa kabila nito, si Bimby na rin mismo ang nagpasiyang ipagpaliban muna ang pagkuha ng kotse.
"I feel proud of you kasi madali naman talagang—you were eight, so it's been 11 years na—'wag na natin sabihin, but anyway, pwedeng-pwede ka… karapatan mo as his child to ask for something.
"But he said, 'Mama, I don't feel comfortable, and I'm earning,'" ani Kris.
KRIS PRAISES JAMES' EFFORT TO RECONNECT WITH SON
Nagpasalamat naman si Kris kay James dahil nakikita niyang may pagsisikap itong muling makipag-ugnayan sa kanilang anak.
"Nando'n 'yung spirit of trying to reach out," puri ni Kris kay James na kasalukuyang naninilbihan bilang councilor sa unang distrito ng San Juan City.
Masaya rin si Kris na hindi na kailangang isiwalat pa sa media at publiko ang komunikasyon ng mag-ama.
"I'm happy for you because at least hindi na puro sa media dinadaan. Diretso na na kayong dalawa lang," sabi niya kay Bimby.
Samantala, pinuri naman ni Bimby ang kanyang ina dahil naging magiliw at maayos ang pakikitungo nito kay James sa maikling minuto ng kanilang pagkikita.
Para kay Bimby, hindi magandang tingnan kung magkikita sila at hindi man lang magpapansinan.
"You were very nice, very honest, very you," sabi ni Bimby sa kanyang ina.
Ikinasal sina Kris at James noong July 10, 2005 sa isang civil ceremony.
Noong June 2010, inianunsyo ni Kris na hiwalay na sila ng tanyag na basketbolista.
Noong January 2012, nagdesisyon ang korte na ipawalang-bisa ang kasal nina Kris at James.