Nakatanggap ng pagkilala mula sa isang international film festival sa Argentina si Marietta Subong, mas kilala sa kanyang screen name na Pokwang, para sa kanyang pagganap sa pelikulang 2 Valid IDs.
Ginawaran si Pokwang ng Special Mention in Acting sa 41st Mar del Plata International Film Festival sa Argentina, ayon sa Super! Entertainment, ang production company sa likod ng nabanggit na pelikula.
Ginampanan ni Pokwang sa pelikula si Sylvia, isang mahirap na magsasakang nagsisikap makuha ang medical remittance para sa kanyang asawang si Ramon, na ginampanan naman ni Joey Marquez.

Bagong kategorya ang Special Mention in Acting recognition sa prestihiyosong film festival, at si Pokwang ang kauna-unahang tumanggap nito.
Nagbukas ang edisyon para sa taong ito ng film festival noong November 5, at tumakbo ito ng sampung araw.
Idinaos naman ang awarding ceremony noong November 14 sa Teatro Auditorium sa Mar del Plata, Argentina.
Read: Pokwang explains using "Marietta Subong" in 2 Valid IDs
FILM FESTIVAL BACKGROUND
Taong 1954 unang inilunsad ang Mar del Plata International Film Festival para mabigyan ng pagkakataon ang mga manonood sa Latin America na mapanood ang iba't ibang pelikula mula sa ibang bansa.
Marami nang pinagdaanan ang festival, kabilang ang pagtigil nito mula 1967 hanggang 1969 dahil sa malaking bilang ng mga film festival sa rehiyon.
Matapos muling buksan noong 1970, nakansela ulit ang film festival dahil sa mga kaganapang pulitikal sa loob ng bansa na humantong sa military dictatorship noong 1976 hanggang 1983.
Sa paglipas ng mga taon ay sinubukang buhayin ang festival ngunit hindi ito naging matagumpay.
Noong 1996 ay muling inilunsad ang Mar del Plata International Film Festival at kalaunan ay kinilala itong "the most important film festival of Latin America."
Hindi ito ang unang pagkakataong nagpalabas ng pelikula mula sa Pilipinas ang tanyag na festival.
Ilan lamang sa mga pelikulang Pilipino na nakasali sa Mar del Plata International Film Festival ay ang Jose Rizal (Marilou Diaz-Abaya), Window Boy Would Also Like to Have a Submarine (Alex Piperno), Kapag Wala Nang Mga Alon (Lav Diaz), at Apag (Brillante Mendoza).
Ngayong taon ay itinanghal na Best Feature Film ang The Night Arezou Disappeared mula saIran, at nasungkit din ng direktor nitong si Arian Vazirdaftari ang Best Director award.
Read: Pokwang transforms from runway diva to poor farmer in 2 Valid IDs
2 VALID IDS CONTINUE TO SURGE
Samantala, patuloy naman ang pamamayagpag ng 2 Valid IDs dito sa Pilipinas.
Kamakailan ay nabalita na pumalo na sa PHP115 million ang kinita ng pelikula sa mga sinehan.
Unang napanood ang 2 Valid IDs sa 22nd Cinemalaya Independent Film Festival nitong Agosto.
Kinilala ng nasabing festival si Pokwang bilang Best Actress, ka-tie si Ruby Ruiz para sa Status: Rejected, dahil sa mahusay niyang pagganap.
Nasundan ito ng nationwide screening sa mas maraming sinehan noong Oktubre.
Ang pelikula ay idinirek ni Ma-an Asuncion-Dagñalan batay sa screenplay na likha ni Abet Pagdagdagan Raz.
Bukod kay Pokwang, kasama rin sa cast sina Meryll Soriano, Zaijian Jaranilla, at Joey Marquez.
Read: Cinemalaya 2026: Pokwang and Ruby Ruiz tie for Best Actress