Palaisipan para sa maraming netizens ang Instagram post ngayong araw, September 23, ng aktor na si Albie Casino.
Ito ay ang mga salitang "Thank you" na nakasulat sa puting letra na may background na itim.
Walang isinulat na anumang caption si Albie dito.
Ngunit sa comment section ay marami ang bumabati at masaya para sa kanya.
Ipinagpapalagay ng maraming netizens na ang IG post na ito ng dating On The Wings of Love actor ay may kinalaman sa paglabas ng balita tungkol sa umano ay tunay na ama ng anak ni Andi Eigenmann.
Ayon sa half-sister ni Andi na si Max Eigenmann, ang ama ng anak ni Andi ay si Jake Ejercito.
Ginawa ni Max ang rebelasyong ito sa podcast ng Good Times With Mo Twister nitong Huwebes ng gabi, September 22.
Sabi pa ni Max: "They did a test. Yeah, he’s the dad."
Read: Jake Ejercito is the father of Andi Eigenmann's daughter, confirms Andi's sister
Matatandaang naging malaking kontrobersiya ang pagbubuntis ni Andi noong 2011.
Read: Jaclyn Jose confirms Andi Eigenmann’s pregnancy: 'Yes, it’s true, my daughter’s pregnant.'
Sinabi kasi ng Kapamilya actress na ang ama ng kanyang dinadala ay si Albie, kahit pa break na sila noon.
Read: Andi Eigenmann names Albie Casino as the father of her child
Inalmahan naman ito ng kampo ni Albie at hinamon ang kampo ni Andi na magpa-DNA test upang mapatunayan kung sino talaga ang ama.
Nagkaroon ng matinding hidwaan sa pagitan nina Andi at Albie kung saan nadamay pati ang kani-kanilang pamilya.
Ang hidwaang ito rin ang naging dahilan kung bakit nabugbog si Albie sa isang bar sa Makati City noong 2012, pagkatapos ng kumprontasyon nila ni Andi.
Inulan din ng matinding batikos si Albie dahil sa hindi umano nito pag-ako sa responsibilidad.
Pagkalipas ng maraming taon ay nagkapatawaran sina Andi at Albie, ngunit hindi pa rin natutukoy kung sino ang tunay na ama ng anak ng aktres.
Ito ay sa kabila ng madalas na pag-post ni Jake sa Instagram ng bonding moments nila ni Ellie.
Hanggang sa magsalita si Max at isiniwalat na si Jake daw ang ama ng anak ni Andi.
