Tumugma ang mga salaysay nina Gigo de Guzman, Valentine Rosales, at iba pang kaibigan ni Christine Dacera ukol sa wheelchair na ginamit upang ilabas sa kuwarto ng isang hotel sa Makati City ang 23-year-old flight attendant.
Sa nagsilabasang CCTV footage, makikitang dumating ang hotel personnel, na dala ang wheelchair, bandang 12: 27 P.M. ng January 1.
Bandang 12:30 P.M. naman nila nailabas sa kuwarto si Dacera.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay De Guzman noong January 5, 2021, sinabi nitong wheelchair ang dala ng hotel personnel, sa halip na isang stretcher, upang mailabas si Dacera sa hotel room papuntang hotel lobby.
Nahirapan daw silang isakay si Dacera sa wheelchair dahil wala itong leg assistant.
Noong una raw nilang subukang isakay si Dacera sa wheelchair ay nadudulas daw ito at tila mahuhulog.
Lumulusot daw ang legs ni Dacera at minsan ay napapaluhod pa ito.
Sa pagkaalala ni De Guzman, halos sampung beses umanong nahulog sa wheelchair si Dacera.
Ito marahil ang dahilan kung bakit nakitaan ng mga pasa ang tuhod ng dalaga.
Ito rin ang sinabi ni Rosales, isa sa mga kaibigan ni Christine, sa panayam sa kanila ng media noong January 7, Huwebes.
Lahad ni Rosales, “Noong dumating yung medic, kumuha sila ng wheelchair. Yung wheelchair na kinuha nila, walang leg assist.
“E wala ngang leg assist… Nakikita ko kasi naiipit yung legs niya sa may sidebars ng wheelchair.
"'Tapos si Clark [Rapina], being a nurse, pumunta doon, itinaas niya yung paa habang yung medic itinutulak si Tin papunta sa doon sa back elevator nila."
Bandang 2:30 P.M. na raw sila nakaalis ng hotel dahil nahirapan silang kumuha ng taxi na magsasakay sa kanila.
RESPONDENTS IN CHRISTINE DACERA CASE
Magkakaroon ng preliminary investigation ang Makati City Prosecutor’s Office sa Miyerkules, January 13, para sa kontrobersiyal na pagkamatay ni Dacera.
Dadalo raw rito ang labing-isang taong pinangalanan ng pulisya sa kanilang isinampang reklamo sa piskalya.
January 1, 2021, natagpuan ng mga kaibigan ni Dacera ang dalaga, na hindi na humihinga, sa bathtub ng Room 2209 ng City Garden Grand Hotel sa Makati City.
Idineklarang dead on arrival si Dacera nang maisugod sa Makati Medical Center kinahapunan.
Unang inakusahan ng Makati Police ang labing-isang kasamahan ni Dacera sa salang provisional rape with homicide sa reklamong inihain nila sa Makati City Prosecutor’s Office.
Hiningan naman ng korte ang pulisya na magsagawa pa ng malawakang imbestigasyon dahil kulang pa raw ang bigat ng kanilang mga ipinasang ebidensiya.
Nag-conduct na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng hiwalay na imbestigasyon ukol sa pagkamatay ni Dacera.
Tukoy na rin daw nila ang iba pang personalidad na nasa room 2207.
Samantala, itinanggi ng City Garden Grand Hotel na may pananagutan sila sa pagtanggap ng staycation guests kahit ang klasipikasyon nila ngayong may COVID-19 pandemic ay bilang quarantine hotel.
Hinatid na si Dacera sa kanyang huling hantungan sa General Santos City kahapon, January 10.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika