Lilipat na ba ng ibang network at ibang talent-management company ang Kapamilya stars ngayong wala nang prangkisa ang ABS-CBN?
Ito marahil ang katanungan ng maraming tagasubaybay ng broadcast giant na hindi na napapanood sa free-to-air television.
Binigyang-linaw ito ni Lauren Dyogi, head ng entertainment and TV production ng ABS-CBN, sa isang maiksing vlog kahapon, September 10.
Ayon sa kanya, hindi maiiwasang lumipat ang Kapamilya stars dahil marami sa kanila ay kailangang maghanapbuhay.
Kasunod ng pagbasura ng Kongreso ng franchise renewal ng network noong July 10, 2020, napilitang magsagawa ng malawakang retrenchment ang ABS-CBN upang makapagpatuloy ang kanilang limitado nang operasyon.
Pahayag ni Direk Lauren, "So, sa katanungan pong lilipat nga po ba ang mga Kapamilya artists sa ibang talent management or ibang network...
"Alam niyo po, bago po mawalan kami ng prangkisa ay may ilan na pong artist ang nagpaalam sa amin na lumipat sa ibang network.
"Hindi naman po ito bago sa mga nakaraang panahon at pinayagan naman po namin sila.
"Ayaw namin na mapagkaitan sila ng hanapbuhay o kabuhayan."
Kung may maganda man daw nangyari, ito ay napatunayan nilang dekalibre ang Kapamilya stars dahil marami ang nagpapakita ng interes na kunin ang kanilang serbisyo.
Saad ng TV executive: "Kaya po sa darating na panahon, maaari pong makita niyo ang mga Kapamilya stars o artists na magiging guest o magiging bahagi ng programa sa ibang network.
"Sa aming mga nakaraang pag-uusap sa ilan naming mga contract stars, nabalitaan namin o nalaman namin na kahit hindi pa naman nagbawas ng mga programa o kahit hindi pa kami nawalan ng prangkisa, marami na pong managers o talent agencies na lumapit po sa aming artista para tanungin kung interesado silang lumipat o maging bahagi ng network.
"Alam niyo, nakakatuwang marinig po yun. It is flattering, it’s a compliment to us.
"Kasi dun po namin napapatunayan na ang aming mga kapamilya stars ay dekalibre talaga at in demand kaya hinahabol sila ng ibang mga agencies o management."
LOYAL ARTISTS
Ayon pa kay Direk Lauren, kahit may mga lumipat na o lumabas na sa ibang istasyon, marami rin daw Kapamilya stars ang nagpahayag na mananatili sila sa ABS-CBN hanggang sa huli.
"Pero ang mas maganda pong balitang natanggap namin, marami rin po kaming nakausap na artista na they will stay loyal and they will stick it out with the Kapamilya network hanggang ito po ay makabangon.
"Tutulong po sila na magtaguyod sa pagbangon ng bagong ABS-CBN."
Kahit wala na silang prangkisa, hindi naman daw titigil ang management sa paggawa ng mga programa para sa kanilang loyal viewers.
Sabi ni Direk Lauren, "So, kung makikita niyo, buhay na buhay ang ABS-CBN.
"Patuloy po kaming gumagawa ng programa at patuloy po at nandiyan ang aming mga artista, andiyan ang Star Magic, ang Rise artists, ang Star Hunt management at ang iba pang artists na managed by PAMI or Professional Artists Management Incorporated."
Ang Star Magic ay ang talent-management arm ng ABS-CBN. Ang Rise ay ang talent-management company naman ng Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN. Ang Star Hunt ay ang talent-audition search ng ABS-CBN. At ang PAMI ay kinabibilangan ng mga bigating talent managers ng showbiz.
Sabi pa ni Dyogi sa kanyang vlog: "Sa inyong lahat po na patuloy na sumusuporta sa ABS-CBN, maraming-maraming salamat po.
"Hindi po namin makakalimutan itong panahon na kami ay inyong dinadamayan para maitaguyod ulit ang kumpanya."
ABS-CBN CONTINUES TO PROVIDE JOBS AND ENTERTAINMENT
Sinabi rin ni Direk Lauren na kahit ilang buwan nang on lockdown ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic, gumagawa ng paraan ang ABS-CBN para makapagbigay ng trabaho sa kanilang mga tauhan.
Pag-amin niya, “Mas mahal po ang paggawa ng mga programa ngayon dahil po sa safety protocols.
"At dahil wala nga po kami sa free TV, ang kita po namin kung ikukumpara sa isang kiluhan ay halos isang guhit na lang.
"Alam niyo po, kung iisipin namin ang kita ng kumpanya, mas madali pong tumigil at hindi gumawa ng mga teleserye at programa at mag-replay na lang po kami.
"Pero po sa tingin namin, sa panahong ito ay kailangang matugunan namin ang aming commitment to serve sa ating mga kababayan. Dahil po sila ngayon ay naghahanap ng kaunting aliw, maibsan ang kaunting hirap sa panahong ito.
"At gusto rin po namin makatulong sa ekonomiya kaya kailangan po kaming mag-produce ng programa at mabigyan natin ng hanapbuhay ang ating mga manggagawa at ang ating mga artista."
Kinumpirma rin ni Direk Lauren ang balitang nagtapyas sila ng sahod at talent fee ng kanilang mga manggagawa upang makapagpatuloy sa kanilang operasyon.
Aniya, "Pero ang mas importanteng balita, karamihan po sa amin, kami po, ang aming mga artista, mga tao, at manggagawa ay pumayag po na magbawas ng suweldo at talent fees para lang po matuloy ang paggawa ng programa para sa ikabubuti ng karamihan."
Ikinagalak daw nila ang kooperasyon ng lahat, lalo na't may krisis ngayon sa mundo.
Kasunod ng pagsasara ng lahat ng regional stations ng ABS-CBN noong August 28, binawi na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng TV, radio, at digital TV frequencies ng ABS-CBN Corporation kahapon, September 10.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika