Kumpirmado na ang paglipat ni Billy Crawford sa TV5.
Sa episode ng Gabing Gabi Na Vice, ang online show ni Vice Ganda sa YouTube, noong September 26, nagkaiyakan sila ni Billy.
Dating magkasama ang dalawa sa noontime show ng ABS-CBN It’s Showtime.
Kasama sa panayam ni Vice ang asawa ni Billy na si Coleen Garcia, na naging bahagi rin noon ng Kapamilya noontime show.
May anak na sina Billy at Coleen, ang halos isang buwan pa lamang na si Baby Amari.
Sa bandang dulo ng vlog, tila nagkabiruan muna sina Vice at Billy.
Saad ni Vice tungkol kay Billy, “Mukha lang tarantado 'yan, pero mabait 'yan. Mabait 'yan sa mga taong mahal niya.
“Pag mahal niya, mabait siya. Kasi sa akin nga, a, bestie-bestie niya ako, napakabait.
“Mahal na mahal ako niyan. Hindi 'yan papayag na makakanti ako, e, paano pa kay Coleen?”
Dagdag pa ni Vice, “Ano pang kaya niyang gawin kay Coleen? Anong puwede niyang gawin kay Coleen?
“Ano pa yung puwede niyang gawin sa anak niya, e, sa akin nga todo na, e.
“Todo sa akin 'yan. Ibang level siya [kung ano] ang gagawin niya for you.
“Andami niyang love for everyone he loves, di ba? We support you.”
Naiiyak na sagot ni Billy, kasabay ng isang malalim na buntong hininga, “I love you, Vice.
“Tatandaan mo 'yan, wala akong pakialam kung anong sabihin ng kahit kanino, basta kayo, alam niyo kung sino kayo, ipaglalaban ko kayo nang patayan, Vice.”
Sumingit naman dito si Vice.
Saad niya, “'Tsaka huwag ka na umiyak. Manatili kang masaya at mapayapa.
“At huwag mo kaming isipin at huwag mong isipin din yung ibang tao, ang mahalaga kayong tatlo.”
Tugon ni Billy, “I just wanna say thank you.
"Thank you sa pakikipagkaibigan mo sa akin.
“Trust me, kahit anong mangyari, tatawagan pa rin kita at sasabihin ko, ‘Ikaw pa rin ang pinaka-number one bitch sa buong buhay ko.'”
“MAGKAKAPAMILYA TAYO”
Nagkatawanan naman sila sa gitna ng kanilang iyakan.
Dugtong ni Billy, “I love you.”
Tugon ni Vice, “I love you at gagalingan mo sa mga gagawin mong trabaho at alam mo, sa pamilya...
"At alam mo sa pamilya, di ba, sa pamilya meron kang kapatid na lilipat ng bahay.
“Pero hindi porke't lilipat siya ng bahay, hindi mo na siya kapatid, hindi mo na siya kapamilya.
“Hindi mo na siya mahal.”
Dito na nagbigay ng clue si Vice na mangingibang-istasyon na si Billy.
Sabi niya, “Maaaring lumipat siya ng bahay, pero family pa rin tayo.
“Kaya kahit lumipat ka ng bahay, kahit saang bahay man tayo magpunta, magkakapamilya, family kita, at mahal na mahal kita.
“Kahit na magkatapat man yung mga bahay natin, family tayong dalawa, di ba?
“Magkakawayan tayo dun sa magkakatapat nating bahay.
“At susuportahan natin ang isa’t isa.”
Humagulhol na sagot ni Billy, “Mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ko kayo.”
BILLY TO TRANSFER TO TV5
Matagal nang usap-usapang may gagawing noontime show at reality show si Billy sa TV5.
Nitong mga nakaraang araw, nakumpirmang ang magiging titulo ng gagawing noontime show ni Billy sa TV5 ay ay Laugh Out Loud. Makakasama niya rito sina Bayani Agbayani, KC Montero, Wacky Kiray, at K Brosas.
Ngayong araw, September 29, ipinost ng TV5 at News5 Facebook pages ang balitang lilipat na sa Kapatid network si Billy.

Bukod sa noontime show, magiging host din si Billy ng reality show na Masked Singer Pilipinas.

Taong 2008 nang maging bahagi ng ABS-CBN si Billy.
Kabilang sa Kapamilya shows kung saan naging host siya ay ang ASAP, It's Showtime, Pilipinas Got Talent, Your Face Sounds Familiar, Pinoy Boyband Superstar, Little Big Shots, at Search For The Idol Philippines.
Dahil sa pagbasura ng Kongreso sa franchise application ng ABS-CBN, natigil ang operasyon ng free-to-air television at radio stations ng network.
Nagdulot ito ng pagkawala ng trabaho sa libu-libong empleyado at talents ng broadcast giant, kaya napilitan ang ilang Kapamilya stars na maghanap ng kabuhayan sa labas ng ABS-CBN.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
