Hindi na nagpapaawat sina Vice Ganda, 43, at Ion Perez, 28, sa paglalabas ng kilig photos at pagbabahagi nila ng sweet messages sa Instagram matapos umamin sa kanilang relasyon.
Pormal nang inamin ng dalawa ang kanilang isang taong relasyon noong October 26, 2019 sa live episode ng It’s Showtime.
Kahapon, November 10, kanya-kanyang post sa Instagram ang magsing-irong ng nararamdaman nila para sa isa’t isa.
Sa kanyang panig, sinabi ni Vice na ang kanilang pagmamahalan ni Ion—na kilala noon sa tawag na Kuya Escort—ay masyadong maganda upang itago lamang.
Saad niya, “This love is too beautiful to be kept in the closet.”
Ipinangalandakan naman ni Ion sa mundo na ang Unkabogable Star lamang ang maaaring manggulo sa kanyang pagtulog.
Post ni Ion (published as is), “Ipag damot muna saken ang lahat wag lang ang pag tulog ko!
"Pero pag siya na ang ng gugulo parang bagong gising ako! #reynako #reynakulit #reynamahalko.”
Marami naman ang nagbunyi—mula showbiz at ordinaryong netizens—sa development ng love life ni Vice, na makailang beses nang nasawi sa kanyang pag-ibig noon.
Kabilang na rito ang diumano'y naunsiyami nilang relasyon ng mga basketbolistang sina Terrence Romeo at Calvin Abueva.
