Sa tatlong funeral homes sa Quezon City na tinawagan ng Cabinet Files, tanging ang management ng Arlington Memorial Chapels and Crematory ang nagpaunlak na sagutin ang tanong namin tungkol sa epekto ng coronavirus pandemic sa kanilang negosyo.
Hiningi rin namin ang sagot nila tungkol sa pagdaraos ng burol.
Ipinagbabawal na kasi ang mass gathering, tulad ng mga lamay para sa patay, mula nang ideklara ang enhanced community quarantine sa Metro Manila noong March 15, at sa buong Luzon noong March 17.
"Meron pa naman mangilan-ngilan na burol, pero limited na rin po ang mga nagpupunta sa lamay—immediate family members lang,” pahayag ni Miss Lan Go, ang representative ng Arlington na nakapanayam ng Cabinet Files.
Ayon kay Go, nagbibigay sila ng serbisyo sa mga namatay sa COVID-19, pero sinusunod nila ang protocols na ipinatutupad ng Department of Health (DOH).
"Wala po talagang burol, base rin ho ‘yan sa protocols ng DOH. Sumusunod po kami.
"Ang Arlington naman, may sariling crematory.
"Majority ngayon puro cremations so they [the clients] choose cremation."
Dahil sa quarantine, may mga namatayang hindi na nakita sa huling pagkakataon ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.
Kabilang sa kanila ang aktor na si John Arcilla, na nawalan ng ama; at ang singer-comedian na si Janno Gibbs, na hindi nakapagbigay ng huling pugay sa kanyang tiya, ang namayapang aktres na si Liberty Ilagan.
DOH PROTOCOLS ON COVID-19 CASUALTIES
Mahalagang malaman ng mga naulilang pamilya ang mga gabay ng Department of Health para sa COVID-19 casualties upang maging handa at matatag ang kanilang kalooban.
Ang mga sumusunod ang pangkalahatang alituntunin ng DOH, na makikita sa kanilang website:
• Ang lahat ng mga tauhan na humahawak ng labi ay dapat magsuot ng Personal Protective Equipment (PPE) habang isinasagawa ang kanilang mga gawain. Ang lahat ng mga PPE ay dapat itapon pagkatapos gamitin.
• Ang pagpapalibing, kung saan ang mas mainam na paraan ay kremasyon, ay dapat gawin sa loob ng 12 oras ng kamatayan.
• Hangga't maaari rin, ang paglibing ay gawing naaayon sa relihiyon o kaugalian ng namatayan.
• Ang impormasyon tungkol sa mga crematoriums at mortuaries na kinontrata para sa cremation o paglibing ng mga labi ay gawing kumpidensyal.
PAGHATID NG LABI MULA SA ISOLATION AREA PAPUNTA SA SEMENTERYO O CREMATORIUM
• Ilipat ang labi sa mortuary sa lalong madaling panahon.
• Balutin ang labi ng tela at ilagay sa leak-proof na cadaver bag. Dapat i-zip o isara ang cadaver bag gamit ang teyp at bandage strips.
• I-decontaminate ang labas ng cadaver bag gamit ang hypochlorite solution (50-100 ppm) o anumang disinfectant na aprubado ng ospital.
• Tiyakin na ang labi ay nakalagay sa loob ng isang selyadong cadaver bag na hindi tatagusan bago ito ihatid sa pathology department o mortuary upang maiwasan ang pagtagas ng likido mula sa katawan.
• Kung maayos ang pagkalagay ng labi sa selyadong cadaver bag, ito ay pwedeng nang ihatid sa mortuary at crematorium, o ilagay sa loob ng kabaong para sa libing.
• Hindi pahihintulutan ang pagbukas ng cadaver bag at pag-alis ng labi mula dito sa anumang pagkakataon. Ang punerarya ang dapat maghatid ng labi sa libinganan o crematorium. Dapat madisimpekta kaagad ang ginamit na sasakyan pagkatapos.
PAKIKIPAG-UGNAYAN SA EMBASSIES
• Dapat ipaalam agad sa Bureau of International Health Cooperation (BIHC) kung may namatay na mga dayuhan.
Ang BIHC ang magpapaalam sa Department of Foreign Affairs (DFA), at ang DFA ang magpapaalam naman sa mga embahada.
Ang mga alituntunin ng Bureau of Quarantine (BOQ) ay dapat mahigpit na sundin sa pagpapadala ng abo ng mga namatay na dayuhan pagkatapos ng cremation.
• Kung maari ay iwasan ang paghipo sa mga labi.
• Kung ang tao ay namatay sa labas ng isang health facility, ang universal precautionary measures ang dapat sundin ng mortuary o punerarya.
• Kung ang tao ay namatay sa loob ng isang health facility, ang paglilista sa namatay ay dapat gawin ng lokal na opisyal ng kalusugan o manggagamot, at ang mga universal precautionary measures ay dapat sundin.
• Ang paglilinis ng mga labi, gaya ng pag-aayos ng buhok at kuko, pag-ahit, at pag-embalsamo ay ipinagbabawal.
PARA SA MGA ILILIBING:
• Tanging ang mga miyembro ng pamilya ng namatay na nasa sapat na gulang ang pinahihintulutang dumalo sa libing.
• Ang mga labi ay dapat ilagay sa isang matibay, hindi natatagusan, at selyado, na kabaong na metal.
• Ang mga labi ay hindi dadalhin sa anumang lugar na pagpupulong ng publiko.
• Ang pagtingin sa namatay ay hindi pinahihintulutan.
PARA SA MGA CREMATION:
• Ang cremains—o abo ng labi na sumailalim sa cremation—ay dapat pino at nakasiksik sa tamang lalagyan ng cremain bago ibigay sa mga kamag-anak ng namatay.
• Ang mga cremain ay dapat mailagay sa isang sisidlan na may minimum na kapasidad ng 0.0049 cubic meter at gawa sa polyethylene na may liner bag (preformed 5 mil plastic), locking tie, at identification label.
• Ang mga pampubliko at pribadong sementeryo o pribadong libingan ay dapat nakatalaga para sa mga labi/cremains.
• At kung nais ng mga kamag-anak ng namatay, ang mga cremains ay papayagan lamang dalhin sa naitalagang sisidlan.
MGA KINAKAILANGAN PARA SA LIBING O CREMATION
• Ang manggagamot ay dapat: Magpalabas ng death certificate. I-report ang ipagkamatay sa City / Municipal Health Office (CHO / MHO) sa loob ng 48 oras. Iparehistro sa local civil registrar sa loob ng 30 araw pagkatapos ng kamatayan.
• Dapat makumpleto ng health facility ang lahat ng mga kinakailangang dokumento na may kaugnayan sa libing/cremation sa pakikipag-ugnayan sa CHO/MHO.
• Walang libing/cremation ang magaganap kapag walang maipakitang wastong death certificate.