YouTuber na rin ang Superstar na si Nora Aunor.
Mapapanood sa kanyang YouTube channel ang video ng munting salo-salo na inihanda niya para sa kanyang anak na si Ian de Leon noong December 11, 2020.
Naging kontrobersiyal ang okasyon dahil sa hindi pagsipot ni Ian.
Kaya sa latest uploaded video ni Nora, ang anak nitong si Kenneth ang kanyang pinasalamatan.
Mensahe ng aktres, "Masaya po ako dahil sa noong nakaraan po ay nagbigay po ako ng salo-salo sa ilan sa mga kaibigan natin at dumating po ang aking anak na si Kenneth, kasama po ang kanyang asawa.
"Kaunti lang naman po ang aking inimbitahan at salamat naman po dahil dumating sila.
"Natutuwa po ako sa anak kong si Kenneth dahil alam niyo po, nung pagdating, e, nauna pa sa akin.
"Ang usapan namin, 6 o'clock, nandoon na kami, si Kenneth po dumating mga 5:40 p.m. yata, 5:30 nandoon na po yung mag-asawa.
"Kaya, Kenneth, I love you. Maraming-maraming salamat sa 'yong pagpapaunlak sa 'yong mommy," introduction ni Nora sa kanyang bagong YouTube video na may pamagat na "Munting Salo-Salo."
Si Kenneth ang isa sa apat na adopted children ni Nora; ang tatlo pa ay sina Lotlot, Matet, at Kiko.
Si Ian naman ang biological son ng veteran actress sa dati nitong asawang si Christopher de de Leon.

Nora Aunor (left) with adopted son Kenneth (in blue polo shirt)
NO FACE MASK, NO FACE SHIELD
Pagkabahala ang aming naramdaman nang panoorin namin ang naturang video.
Pagdating pa lang ni Nora sa isang restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, siya lang ang walang suot na face mask at face shield, pero pinapasok pa rin ng security guard ang 67-year-old actress.

Nakakabahala ang eksena dahil, una, senior citizen na si Nora.
Posibleng may pre-existing health condition siya kaya ang mga kagaya niya ang dapat maging mag-ingat sa paglabas mula sa kanyang tahanan.
Hanggang sa bago maganap ang dinner, si Nora lamang sa mga kasalo nito sa mesa ang hindi nakasuot ng face mask.

Ipinagbabawal sa mga business establishment, sa mga bangko, restaurants, drug stores, at malls ang pagpasok ng mga tao na walang suot na face mask at face shield.
Kaya nakapagtatakang hindi man lamang sinita si Nora ng security guard o ng management ng restaurant, na may pananagutan sa ibang mga kostumer nilang sumusunod sa ipinatutupad na batas pero nalalagay sa panganib ang kalusugan.
Alam namin ang aming sinasabi dahil maraming beses naming nasaksihan ang mga taong hindi pinapapasok sa mga business establishment kapag wala silang suot na face mask at face shield.
Sa report ng Department of Health, ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 (147) sa Metro Manila kahapon, December 14. Pangalawa ang Maynila (49).
Kaya may paalaala si Dr. Guido David ng OCTA Research Group sa panayam sa kanya ng Unang Hirit nitong Martes nang umaga, December 15.
Sinabi ni David na mas makabubuting ipatupad ang top health measures sa bansa bago pa muling umabot sa libo-libo ang araw-araw na kaso ng COVID-19.
Umabot na kasi sa 1.06 ang reproduction rate ng virus na nangangahulugang mas mabagsik at nakakahawa na ito kumpara noong November 2020.
Bukas ang PEP.ph sa panig ng kampo ni Nora kung sakaling mayrooon silang pahayag o paglilinaw tungkol dito sa isyung ito.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.